Tuesday, December 28, 2004

Family Day Out

Nagpunta kami sa Enchanted Kingdom kahapon. Dun na ni-celebrate ng sister ko ang 5th birthday ng kanilang unico hijo. Shempre kasama sa pasyal ang mga makukulit na pinsan, specifically, mga anak ko :P

Ang damiiiing tao! Hay, inabot lang naman kami ng syam-syam sa mga pila bago makasakay ng rides or even sa food service! Ang tagal namin sa linya ng Rialto. Pagdating sa palabas, medyo hindi kasing impressive kesa dun sa mga dating napanood na namin. What's funny was, first time ni Deden nakanood doon. Ngayon lang kasi umabot ang height nya sa minimum requirement.

So nung palabas na kami, deadma ang dalawang kuya. Medyo blah nga naman ang napanood nila. Nagkatawanan na lang kaming lahat nung biglang magsalita si Deden. "Wow, ang galing! Gumagalaw ang seats! Na-enjoy ako!" hehehe. Iba nga naman pag first time. And at his tender age of six, madali pa syang ma-impress.

Sayang lang sold out na ang tickets dun sa Discovery Theater. Intrigued pa naman kami sa sinasabing 4D movie nila. Oh well, marami pa sigurong pagkakataon in the future.

First time kong nakasakay sa Rio Grande. The past times kasing nasa Enchanted kami, palaging sobrang haba ng pila, tinatamad akong tumayo ng mahigit isang oras para lang sa isang ride. Eh hindi ko na matanggihan ang mga tsikiting ko na samahan sila. So sige, fall in line kami. Ack, ke tagal! Pero enjoy na rin nung nakasakay na kami sa raft. Napuruhan ng splash sina Leland at Daniel habang kami ni Joshua eh mostly pants lang ang nabasa and lower back. Palit damit tuloy pagkatapos or else baka sipunin ang mga bata.

The whole clan (including our mom, brother ko at gf nya, and parents ng brother in law ko pati mga helpers) all went to line up sa ferris wheel (ano nga bang pangalan nung ride na yun?). Magkakasunod ang sinakyan naming gondolas and nakakaaliw tingnan ang mga bata, lalo na si Matt (pamangkin ko) na tuwang-tuwa kapag nandun na sa itaas.

Shempre ang grand finale, sa Space Shuttle. Ang tapang ni Josh, sumama sa akin. Proud ako sa anak ko! Hindi ko nga narinig sumigaw eh. Ako ang tili ng tili habang umiikot ang coaster sa mga loops hahaha. Pagkababa namin, ang reaction lang nya, "Mommy, sumakit ulo ko."

Next time, sana pag punta namin doon, hindi peak season. Ewan ko ba at palaging natataon na November at December kami malimit makabalik ng Enchanted. Kelan kaya ako makakarating doon na ang pila, hindi lalampas ng 5 minutes. Or walang panahong ganun?

Oh well, neverthelesss, we had fun.

Wednesday, December 22, 2004

Dalawang araw na lang ...

... Pasko na! Waah, hindi pa tapos ang Christmas shopping ko para sa mga inaanak at pamangkins. Hay, ang hirap kasing makahanap ng oras na isang puntahan na lang para mamili. May mga nabili na akong konti tuwing byahe ko pa-Manila pero hindi ako makatodo shopping dahil de-bus ako umuwi. Abaw, mahirap yatang magbitbit ano.

Kaya bukas, buti na lang at makakasabay ko si husbandry pauwing Laguna kaya may driver ako sa wakas. Hopefully, makahanap ako ng magagandang gifts (na reasonably priced) para sa mga tsikiting. Iiks, isa pang battle yang budgeting ngayon. Sa hirap ng economy ng Pilipinas, mga presyo lang ang tumataas pero ang sweldo hindi, tsk, tsk, tsk. Sana magkasya ang budget ko. Ang dami pa namang inaanak nitong asawa ko, ack!

Sunday, December 19, 2004

What a night!

Kahapon din, grand alumni homecoming ng high school ko. Nag-celebrate kasi ng 75th year anniversary. Kaaliw, ang daming pumunta, pati mga very very old batches from the 50’s and 60’s may representatives.

Nakakatuwang makita ang mga ka-batch ko noon. Hindi halos nagbago ang itsura at kakulitan nung iba although we all have grown a little older since we graduated high school 16 years earlier. Merong may kasamang asawa at mga anak. Merong mga single pa rin hanggang ngayon.

Either way, we had a very nice time laughing at silly jokes our class clowns have been cracking. Walang katapusang posing sa mga pictures and greetings sa mga dating naging teachers. Grabe, andun pa ang marami naming Ma’ams at Sirs. Walang kaupas-kupas, silang-sila pa rin.

Ang highlight ng gabi, nung nag-announce ng winner dun sa endowment fund raffle. Habang unti-unting nire-reveal ang number ng winning ticket, napa-comment yung batch organizer namin “Uy mga tickets ng batch natin nagsisimula sa 25!” At ng in-announce finally ang pangalan ng winner, pandemonium ang table namin dahil batchmate namin ang nanalo ng Corolla Altis!!! Nasa abroad nga lang yung tao. So some of us got to talk to her over the celfone. Hindi sya makapaniwala. And we’re all so happy for her. It was a perfect way to end a great get-together.


Reklamador

Kahapon, maaga natapos ang Christmas program ng bunso ko sa school. Dahil may oras pa ako ng konti bago ako pumunta ng Los Banos for my high school’s grand alumni homecoming, nag-decide akong bumili muna ng sapatos sa Liliw, Laguna since isang sakay lang naman.

Sa dami ng shoe stores doon, shempre palipat-lipat ako ng tindahan para makapili ng mas maayos. On the 10th or so store, nag-reklamo na ang batang makulit na kasama ko “Mommy, an dami-dami namang lakad natin! Pagod na ako sa pag-walk. Gutom na gutom na ako! Hindi mo ba ako papa-eat?”

Naku ayan na nga ba ang sinasabi ko, bukod sa sapatos, gagastusan ko rin ang kain ni kolokoy. So we ended up in a snack house at nag-order ng spaghetti. While waiting for our food, hirit ulit ang bata “Ang init-init naman dito. Nipapawis na ako.” Saka ko lang napansin na, oo nga naman, bakit ba hindi bukas ang mga ceiling fans nung snack house? Request akong pakibuksan and after that, nagtahimik sa wakas si bunso.

Aliw naman akong panoorin si bata dahil pagdating ng spaghetti, talagang inubos ang food nya. Hahaha, nagutom nga kakalakad! After eating, wala na syang reklamo habang hila-hila kong pumasok sa iba pang mga shoe stores.

Pagsakay namin ng jeep pauwi, sumandal sa akin and tumahimik. Maya-maya pagsilip ko, nakapikit na. Hehe, tinulugan ako! Hay ang bonding moments nga naman, kahit kailan, pwede.

Friday, December 17, 2004

Tulong please

Hello mga kababayan! Magtatanong lang po kung sino senyo ang may kilalang Pinoy nurse/s na nasa US o Canada ngayon na pwede kong maka-email? I have an assignment kasi na magsulat tungkol sa buhay ng mga nurse sa abroad and gusto ko sana may ma-interview ng konti para naman mas maging malawak ang pagkaka-intindi ko ng pinagdadaanan nila doon ngayon. Please have them email me at writermom@hotpop.com kung willing silang mag-share ng experiences nila. Hindi ko ilalagay ang real names nyo kung yun ang inaalala ninyo.

Salamat :)

Monday, December 13, 2004

Volunteers Needed

In case you'd like to share a little of your time through volunteer work, World Vision is still in need of volunteers for the next two weeks in the repacking of relief goods for the typhoon victims in Quezon province. They are very much lacking in manpower due to the huge volume of relief goods they are receiving.

Their office is open 24 hours. Please call 372-7777 if you need more information or visit www.worldvision.org.ph. World Vision is located in Quezon Avenue, just a little distance after the "kanto" of Roosevelt. Right side if you're coming from EDSA.

Thank you so much! Your help is greatly appreciated!
Blocked

Grrr, na-block ang Globe Gizmo sim ni Leland last Friday night. Ito kasing si Joshua, pinakialaman ang cel ni kuya nya at pinagtangkaan palang buksan habang kumakain kami ng dinner sa baba. Ayun pag-akyat ni kuya sa kwarto, “Enter PUK” na ang nakalagay sa screen.

What’s worse, nung kinuha namin ang papel na supposedly naglalaman ng PUK codes, pagbukas namin, blanko! Tsk, ano ba naming kalokohan ng Globe ito! So tawag ako sa customer service. Hindi daw nila mapo-provide by phone ang codes kasi wala silang access. Punta daw ako ng service center.

Since sayang yung load nung sim, which is around P80 pa, I went to the Globe Business Center in San Pablo City the next day. Sa tinagal-tagal nila akong pinaghintay, sasabihin lang, “Ma’am hindi ma-retrieve. Iwan nyo na lang ang number nyo and itatawag namin senyo bukas.” I gave them my landline and cel #.

Eto, naka-2 days na, wala pa ring tawag. Sabi ni hubby, let it go na lang. Pero ang kinaiinis ko, bakit ganun sila? Admittedly may fault ang anak ko for trying on pin codes sa phone ng may phone. Pero hindi ba kasalanan din ng Globe na walang lamang PUK codes yung paper na super-sealed pa naman sa loob ng sim kit? Tapos ngayon abala pa para sa akin ang pumunta ng business center nila para mag-follow up! And take note ha, wala daw landline number doon na pwedeng tawagan dahil they only entertain walk-in customers.

So now that they reneged on their word na dapat tatawag sila to let me know the status of the code, gusto ko silang sugurin ulit dun sa office nila and give them a piece of my mind. Oh sure, madali lang bumili ng bagong sim. Pero I feel na kung lahat ng mga ganitong instances eh babale-walain ng customers, lalong magiging palpak ang services ng mga telecom companies na ito. Kung walang magre-reklamo or magfa-follow up, wala silang gagawin to improve the system or attend to their customers’ initial complaints.

Argh, I’m pissed!

Monday, December 06, 2004

Porma

Waah, nagbibinata na ang panganay ko! Leland turned 11 last November and ang bilis nya tumangkad. Yesterday, isinama ko sa department store and bought him a pair of maong pants kasi maiksi na ang mga maong nya tapos ayaw naman isuot yung mga khaki-colored slacks nya na ok pa ang length.

At, hindi kami umalis ng store hanggang hindi ko ibinibili ng white tshirt na may cool print daw. So hanap kami. Sabi ko bakit white. Basta daw, mas maganda daw pag white shirt. Buti may nakita kaming maganda na agree kami pareho sa design.

Hay eto na, the “tween years” na ito. Nagsisimula na syang ma-conscious sa porma. Si Joshua kaya, kailan susunod. Ack! Wag muna sana at baka mamulubi ako. Buti na lang magpa-Pasko na, malamang maraming gifts na namang damit ang mga ito galing sa mga titas nila. Nyay, sana lang type nila para walang reklamo ...

Saturday, November 27, 2004

Mantika

Kalat na kalat ngayon ang mga Virgin Oil ek-ek. Kakanood ko lang kanina sa news na mag-ingat sa mga peke. May mga manufacturers palang naghahalo ng ibang oils dun sa virgin oil para ma-dilute para nga naman mas marami ang kita nila. Ang sasama ano? Kay dami talagang mahilig mandaya ng kapwa, tsk, tsk, tsk.

Pero noon ko pa napansin yun! Kasi yung mommy ng mga friends ko, gumagawa sya ng homemade virgin oil. Binigyan nya ako ng isang bote dati para daw i-try ko kay James kasi nga, marami na syang kakilala na natulungan daw nun.

Etong nanay ko, binigyan din ng isang pinsan nya ng isang bote ng virgin oil, commercialized at may label na maganda. At dahil malamig dito sa amin sa probinsya, natural ang karamihan ng mantika nakakatulog, (pwera sa corn oil at olive oil sa aking observation) lalo na ang mga coconut oil na ginagamit sa kusina. Nagulat ako isang umaga, tulog-mantika ang virgin oil ni mader! Sinilip ko yung sa amin, wow, clear as water. Fluid na fluid kumbaga.

Tapos ang sister ko, binilhan din si nanay ng isa pang bote. Commercialized pa rin at may seal of approval from Dr. Conrado Dayrit (whoever he is). Ack, tulog din! Ke mamahal ng benta nila tapos hindi naman pure ang laman. Kainis. Buti na lang itong nasa akin, libre na nga, genuine pa!

Ang ikinatutuwa ko dun sa nagbigay sa akin, tinuturuan nya ang mga kakilala nyang may ailments para gumawa ng sarili nilang virgin oil. And she’s very kind to warn them na huwag gumawa ng maramihan tapos hindi sigurado ang quality. Kung may oorder daw, saka lang gumawa ng marami-rami pero ang mag-focus sila, yung pang-sariling gamit.

And believe me, dini-describe pa lang nya sa akin ang process (purely by hand), napapagod na ako. Ang tamad ko talaga sa mga ganung work :P Pero siguro, kapag nakitaan ko talaga ng big change si James after the one tablespoon a day na binibigay ko sa kanyang virgin oil, baka sakaling sipagin na akong gumawa. But for now, yung next bottle na kakailanganin namin, bibilhin ko muna dun sa tita ko hehehe.

Thursday, November 25, 2004

Christmas is for kids

Most of us must have already decided about what to give our kids, nieces, nephews and godchildren for Christmas. How fortunate these children are, having people who care so much that they are sure to receive not just one or two gifts but lots.

But can we stop for a moment and think of the thousands of poor children in our country? Kids whose only wish for Christmas may be perhaps three complete meals just for that special day, or to be able to hold even a tiny doll or toy car in their hopeful little hands.

Help change a poor child and his family’s lives now! Give the Gift of Hope and sponsor a child today!

For only P450 a month or P15 a day, you can already send a poor child to school, provide him/her with basic necessities and health care; help him/her develop good values, and assist his/her family and community put up livelihood projects that will eventually help improve their way of life. This is made possible by pooling your monthly child sponsorship donation with those of other child sponsors.

World Vision has been helping poor Filipino children since 1957. Over 200,000 kids have already benefited from World Vision’s child sponsorship program. Currently, more than 88,000 poor children nationwide are under World Vision’s care.

Please join the vision of sending every poor child to school by sponsoring at least one child now. YOU MAY NOT BE ABLE TO CHANGE THE WORLD, BUT YOU CAN CHANGE THE WORLD OF ONE CHILD.

Visit the World Vision booth in Glorietta now. They will be there until the end of December. Inquiries on how to sponsor a child are welcome at 372-7777 or contact Mr. David Liban Jr. at 0927-5612704. You can also visit their website at www.worldvision.org.ph

*On a personal note, may I share with you that my husband and I decided to sponsor a six-year-old girl last year (the same age as our James who is a special child but is not able to go to school due to his disability) and we are sure glad we did. I am blessed by how much Rutchie (that’s her name, close to mine) has grown from the first picture I saw of her last year to the annual report sent to us lately. We correspond through letters (coursed through WV) although her mom is the one who’s writing for her as Rutchie is still young and can’t write long letters yet. She was an honor student in her preschool class last March and how that made us so proud of her! Nowadays, when I’m buying stuff for my four boys, I would also be thinking of her and wonder what she’d like to have. We have sent her simple gifts already and she wrote back how much she loved them. That sure warmed up this surrogate mommy’s heart :)

Thank you for reading this far. I pray that God will touch your heart today.

Friday, November 19, 2004

Argh!

Hindi makatarungan ituuu!

As I’ve posted last night, ginawa akong speaker ng nanay ko sa career orientation nila sa school. Ang required lang naman daw, mag-share ng mga requirements, things to expect, joys and frustrations of the course you finished and job opportunities after graduation. Dapat around 15 minutes lang daw tapos Q & A portion na after.

Nakah, in-assign ako ng 9 a.m. Nagbibihis pa lang ako around 8:45, (five minutes away lang by tricycle yung school) tumawag na si mader at bilisan ko daw kasi patapos na yung susundan kong speaker. So bilis-bilis ako. Mega-guilty pa kasi hindi maganda ang gising ni James at iyak ng iyak nung nakitang paalis ako. Wa naman akong choice kasi nga duty to my motherhood ang role ko kanina. Ibinilin ko na lang sa yaya pero kung may choice lang ako, hindi ko iiwan ang anak ko.

Pagdating ko doon, aruuu, yung speaker hindi tungkol sa course na kinuha nya ang inile-lecture. As in parang sermon type na kesyo “wag nyong sayangin ang pera ng mga magulang nyo, wag kayong magbubulakbol, dapat laging makikinig sa lecturer etc. etc.” My initial thought was, shempre naman na-instruct na ng adviser nila ang mga 4th year students na yun about that. Ang required lang naman dito sa ale na ito eh yung tungkol nga sa course nya nung college.

Alam nyo bang halos one hour, one hour! akong nakaupo dun sa side ng stage dahil love na love ng ale na yun ang sarili nyang boses at “intelligence”. Halos wala ng nakikinig sa bandang likod kasi nga boring na. Kung di pa sensyasan ng nanay ko na tumahimik hindi titigil ng daldal ang mga studyante. What can you expect di ba? Kahit nga ako, nagpipigil ng maghikab. Kulang pa naman ako sa tulog kasi 3 am na ako natapos sa article assignment ko na kinailangan kong i-submit kanina.

Nagsalita din si speaker tungkol sa course nya siguro 5 minutes bago nya tinapos ang kanyang looooong talk. Ang masaklap, by then nag-decide si mother na mag-break muna ang mga bata kasi nga daw baka wala ng makinig sa akin pag ako na ang nasa harapan. Tsk, buhay naming ititch! Sana nag-stay na lang ako ng matagal-tagal pa sa bahay kasama si James.

Finally, ako na ang taya. May one page outline akong ginawa para guideline ko kung ano ang mga dapat kong sabihin. At na-follow ko naman yung 15 minutes na allotted time. Pansin ko lang, hindi ako inabot ng time na nabo-bore na ang mga studyante and I just hope may napulot talaga sila sa pinagsasabi ko. Oh well ...

Thursday, November 18, 2004

Walang Lusot

Hay ang nanay ko talaga! Ayun, may career orientation sa mga 4th year students sa school nila, manduhan ba naman akong magsalita daw about my course in college (BS Development Communication). Aside from being the adviser of their school paper at naghahandle ng English at Math subjects, guidance counselor din sya kaya sya ang in-charge sa mga ganitong chuvaloo. Sabi ko nga, kaya nga ako writer, hindi ako comfortable na maging speaker, ako pa ang pagsasalitain. Sige na daw at wala ng iba. Ack!

Kaya ayan, sa halip na naggagawa ako ngayong gabi ng article, kinailangan kong gumawa ng outline sa mga dapat kong pagsasabihin bukas. Sus, para namang kailan lang ako nag-graduate ano. Eh naka-isang dekada na since nag-martsa ako sa UPLB Field at nagsuot ng toga. Buti na lang may naaalala pa ko kahit konti. Problem is, I’m sure some of what I remembered during my time, hindi na applicable sa generation ng mga studyante ngayon. Oh well, kahit na daw sabi ni maderhood.

Wish me luck! Tsk, kailangan ko tuloy gumising ng maaga niyan bukas. Wag sana akong magmukhang vintage dun sa mga batang makikinig. Ngiii, kung pwede nga lang na wag na ... ayoko sanaaaaaa!


Come Again?

Sa isang video store, nagtanong ako kanina "Meron ho ba kayong CD ng The Corrs?" since kulang pa ang collection ko ng albums nila eh 'lam nyo naman humaling ako sa bandang yun (di ba Kristen? hehehe).

So flip yung mama ng mga naka-stack na CDs. Ang punchline? May iniabot sa akin "Ito o." Pagtingin ko, ang nakalagay sa harap ng CD case -- THE CURSE. Patay!

Tapos lately, etong bunso ko napapansin ko, tuwing magpapatimpla sa kin ng gatas, ang request nya "Mommy, timpla melk." Inaykupo! Nahawa na kay yaya. Kaya pilit ko tuloy ngayong kino-correct as much as possible ng "Anak, milk! Please say milk!"

Isa pang incident, habang nanonood kami ng TV, lumabas ang commercial ng Dumex. Since nabigyan kami dati ng isang box nun as sample sa isang Mommy Academy event, naalala ni Deden. "Mommy, bilhan mo ko ng Dumex," sabi nya. Hindi pa man ako nakakasagot, sumabat si yaya ng "Dumex? Aanhin mo yun eh panlinis yun sa toilet!" Nyaaaaah!

*note: This post is only meant to recount true-to-life events. Wala po akong intention na mang-offend ng mga kababayan kong may ibang accents. Pasensya na po kung isa kayo sa naasar, but I wanted to share lang these stories to show fellow Pinoys how diversified we are and how it’s affecting a lot of areas in our lives. No offense meant, really. Peace!

Wednesday, November 17, 2004

Tanong

Kahapon, pagkatapos kong pakisuyuan si Deden (for the nth time siguro) na may gawin for me, "Anak paki-baba naman itong glass sa kitchen o." Titigan ba naman ako ng diretso at nakakunot ang noong sinabi "Hmp, bakit ba Mommy ang mga matatanda, ang hilig-hilig mag-utos sa mga bata?" Hahaha, nag-iisip!

Sagutin ko nga ng "Bakit ikaw ba hindi mo ko inuutusan? Di ba pag nasa CR ka, sasabihan mo ko ng 'Mommy hugas pwet!' o kaya pag may gusto kang bilhin sa store inuutusan mo ko ng 'Give me money please,'? Natameme sya.

Maya-maya, tumingin ulit sa akin "Ok, ibababa ko na ang glass mo."

And that was the end of the conversation.

Sunday, November 14, 2004

Kudos to KFC!

Yesterday, nagpunta kami sa Perpetual Hospital sa Biñan para sa check up ni James with his pedia-neuro. Sa sobrang traffic sa Calamba, hindi kami umabot sa clinic hours ni tita doc! Buti na lang meron pa syang clinic ng hapon sa Pacita Complex sa San Pedro kaya binalak naming sumunod na lang doon.

Along the way, ginutom na kami kasi around 1 pm na yun eh. So nag-stop over si hubby sa Caltex station sa South Superhiway. Yung katapat ng Petron. Type daw ni Deden mag-KFC (sumabit sa lakaran) so dun kami pumunta. Pagkakita pa lang ng Chuckie Meals poster, ayan na, “I want the Astroboy watch Mommy! Dapat bilhan din sina Kuya ha.” Thoughtful talaga itong si bunsoy, kahit hindi kasama ang mga kuya, parating naiisip pasalubungan bago umuwi.

When I got to the counter, nyay next week pa daw available ang watches. In the words of the counter crew, “Mam, balik na lang kayo next week. Yung Astroboy tower na lang muna ang bilhin nyo.” Ngek! As if ang lapit ng bahay namin ano?! Pero instinct ko, meron silang available na watches na, kaso utos nga ng management, isa-isa lang per week ang dapat ilabas. Wala pa namang KFC sa San Pablo!

At dahil nanay, na kahit papano eh kailangang gumawa ng paraan, nag-try ako makiusap. “Naku, taga-Laguna pa kami, hindi naman kami makakabalik na next week para lang sa watch. Baka pwedeng ngayon na?” Tamang-tama dumaan yung manager who overheard me. “Sige, bigyan mo na si Mam,” sabi nya. Wow, ang bait!

So nung nag-oorder na ako, sabi sa kin ng crew kung ilan daw Chuckie meals. “Pwedeng tatlo?” tanong ko kasi shempre kelangan bilhan din sina Leland at Josh. Si James naman walang say sa ganyan kasi hindi naman sya pwedeng mag-watch. Ngumiti yung crew, oo daw kasi approved na nung manager.

Kaya ayun, si Deden, si Geff at ako, puro Chuckie meals ang kinain. (Si James kasi naka-tube feeding and hindi kayang kumain ng maayos through the mouth kaya sa van ko sya pinakain). Dahil lang sa watch :P Ang isa pa palang natuwa ako, ang drinks na kasama ng Chuckie meals, hindi softdrinks (gaya ng ibang fastfoods) kundi cold chocolate milk! Now that’s a good thing for kids. Approved na approved sa nanay na ito! Tinulungan pa ako nung crew na magdala nung isang tray papunta sa table namin. Maganda ang training nila, in fairness.

Lastly, may I recommend the Asian Chicken salad nila. Panalo! (Daniel’s comment when he saw the salad container “Ay alam ko yan, yan yung sa brownout!” hahaha). Kasundo ko ang timpla ng vinaigrette dressing and I love the overall taste kasama yung mga veggies, chicken and fruit (mandarin orange segments). First time ko kasi nag-order sa KFC ng salad. Usually sa Wendy’s ako bumibili … kasi habol ko yung jello hehehe.

Basta, two thumbs up sa akin ang KFC kahapon. Very nice customer service. Sa susunod na mags stop-over ulit kami sa Caltex station na yun, whenever that may be, we’ll be sure to come back. to the KFC branch there. Now that is effective marketing strategy!

Saturday, November 13, 2004

Computer-less

Hay ano ba ituuuu! Sira pa rin ang monitor ng PC ko. Magwa-one week na sa computer technician hindi pa rin ibinabalik sa akin. Hindi pa nila yata nahahanapan ng spare parts. Good thing nakahiram ako sa sister ko ng monitor nung isang araw kaya kahit papano, nagagawa ko ang mga article assignments ko.

Buti na lang may option itong blogger na pwedeng baguhin ang date posts. Kaya kung may regular readers nitong blog ko na makakapansin, biglang may lilitaw na post na several days ago ang nakalagay although recent ko lang na-post. Eh kesa naman maipon sa iisang araw yung mga naka-save kong pang-chika, hinihiwalay-hiwalay ko kunyari ang dates. Para din hindi mawala ang essence ng time (kahapon, kanina etc.) sa mga happenings na kinukwento ko.

Anyways, thanks for visiting and I hope you’re all doing great today!

Tuesday, November 09, 2004

UPLB kong Mahal

I always love going back to Los Banos. Kanina, nag-interview ako ng isang ka-batch ko nung high school sa Pleasant Village for an article I'm doing. Afterwhich, diretso ako sa College of Human Eco para dalawin ang high school kaberks kong si Angie. Hindi kasi kumpleto ang punta ko ng LB kung hindi ko makikita kahit isa sa mga barkada ko.

Tapos on to IRRI to visit a fellow pinoywriter. Tuwa naman ako kasi madali na ring dalawin si Inez. We had a great time telling stories and catching up on each others' lives sa IRRI cafeteria. Sarap talagang humagalpak ng tawa with a good friend.

Final stop ko, sa Maahas where the family of another set of friends lives. Shempre dun na ako naki-dinner. Parang nanay ko na rin ang nanay nila and it's really a second home to me. Kahit nga asawa ko, malimit dumaan doon. Sulit ang day-off from house chores ni Mommy!

Hay, kelan kaya kami makakabili ng bahay sa Los Banos at nang dun na talaga makatira! Sobrang at home talaga kami sa place na yun.

Senti mood ... longing for our own nest in LB ... hoping it would be sooner than later ... Waaah! For now, dalaw-dalaw malimit. Ika nga ng isang article na na-forward sa akin dati "Basta meron ang UPLB na babalikan at babalikan mo." At ganun na nga ang ginagawa ko, every chance I get.
Napansin ko lang ...

Nung papasok na ako ng Megamall kahapon, dun sa Bldg. B malapit sa Supermarket, magkaiba pala ang entrance ng mga babae at lalaki. Dun sa mga pang-guys, isang security guard lang ang nakabantay at diretso lang ang pasukan. Dun sa pang girls, may lamesa at may division na tali -- with bags and without bags. Hahaha, katawa talaga dahil na-anticipate na siguro nila na mga babae naman talaga palagi ang may karay-karay na bag tuwing lalabas ng bahay.

Wala lang :)

Tuesday, November 02, 2004

Todos Los Santos

May text akong natanggap two days ago. Ang message: “Save urself d trouble w/ traffic at cemeteries. DO NOT VISIT ur departed loved 1s anymore. Instead, ask dem 2 VISIT u. Its more personal and meaningful.” Tawa tuloy ako ng tawa. Ngii! Katakot pag nagkataon.

Pero may point yung text ha. Kasi if we are to talk about visiting say, Manila Memorial Park ng October 31 or November 1, hinding-hindi na talaga ako mahihila dun! I’ve experienced going there once ng ganong mga dates at ayoko nang umulit! From Sucat interchange pa lang, aabutin ka ng more than 1 hour para makarating sa gate ng sementeryo, tapos another hour just to get in and find a place to park! Tapos pag dating mo sa puntod, ang lamok na nga, ang lamig-lamig pa! Not to mention the very smelly and dirty comfort rooms na malapit dun sa plot kung saan nakalibing ang father in law ko. Kaya sabi ko kay hubby, next time, mas maganda sigurong dalawin na lang namin ang tatay nya nang walang okasyon.

Dito naman sa province on the other hand, ok dumalaw sa patay. Bukod sa hindi ganun karami ang gumagamit ng kotse papunta doon na ibabalandra lang sa daan, mas madaling mag-tricycle or jeep na lang papuntang sementeryo. Pag dating doon, enjoy pa ang tambay sa puntod kasi marami kang makaka-kwentuhang mga kakilala, dating kapitbahay, kamag-anak at kaibigang matagal mo ng hindi nakikita. Puntod-hopping kumbaga hehehe.

Bonus pa kahapon yung nalaman naming, may liquor ban na pinatupad ang mayor. Ayos! At least kahit magsidatingan ang mga maglalasing na medyo nakainom na, nahulas-hulasan na sila ng malamig na hangin habang naglalakad papunta doon kaya matino-tino nang kausap ang karamihan. Walang basag-ulo, masaya ang lahat.

Kayo, kamusta ang bakasyon nyo?

Wednesday, October 27, 2004

Globe Gizmo for Kids

Hay, kay tagal na akong inuungutan ng panganay namin na bilhan na daw namin sya ng celphone. Kaso may history sya ng kalimot (ang dami na nyang nawalang gamit sa school!) although ngayong grade 5 na sya wala na gaano, unlike nung grade 1 at 2 pa lang sya (nakawala ng signature jacket at cap plus ilang lunch boxes aside from other things). Medyo afraid akong iwala lang ang celphone eh ang mahal pa naman nun!

Buti na lang may promo ang Globe ngayon! Kakabili lang ng friend ko ng Nokia 3315 phone kit para sa anak nya last week sa halagang P799.00! Naloka ako. Magandang pagkakataon ito! Kasi next week, magbi-birthday si Leland (11 years old) kaya I think pwedeng-pwedeng pang-gift yun sa kanya. Nyay wag lang sanang iwawala. I'm hoping this will teach him to be more responsible instead.

Sa mga may post-paid Globe accounts, pwede kayong mag-avail din ng promo. One Gizmo fone kit per plan daw. Since prepaid kaming mag-asawa, I've asked my sister na ikarga sa account ng bro-in-law ko para makabili kami. Ipinadala ko na nga yung ID ni Leland sa kanila (compulsory yun pag bibili ka). Sana by tomorrow mabili na nila. Hanggang Oct. 31 na lang daw yung promo eh so hurry-hurry kayo if interested.

I can't wait to see my son's face when he finally gets his gift. He will flip out for sure. Teka, napapaghalatang mas excited pa ang nanay ... hehehe.
Midnight Snack

... eto ako kumakain ng banana cake at umiinom ng Milo sa harap ng computer ng alas tres ng umaga.

Ito kasing si Deden, kakapanood ng Blue's Clues, tagal na kong kinukulit na magluto daw kami ng banana cake gaya nina Mr. Salt at Mrs. Pepper (if you're not familiar with this Nick Jr. show, sila yung mag-asawang kusinero ni Steve hehehe). Manduhan ba naman ako halos araw-araw ng "Mommy, madali lang, lalagay ka lang ng flour, tapos eggs..." Hah! As if ganun kadali yun!

Kahapon, dahil nagu-guilty na ako sa sobrang ka-busy-han ko sa mga article deadlines ko the past 2 weeks, pinagbigyan ko. Buti na lang meron talaga akong recipe ng banana cake na matagal ko na ring hindi nabi-bake.

At para matuwa si bulilit, sya yung pinag-mash ko ng bananas. Ack, wala pang 2 minutes, pagod na daw sya. Mas enjoy syang amuy-amuyin yung cinnamon powder at tikman ang baking soda.

Nung nilagay ko na sa oven ang baking pan, nakupo, hinila ang silya papuntang stove at babantayan daw nyang maluto. Kasi daw sa Blue's Clues madali lang naman naluto. Buti nauto kong manood muna ng TV at baka mangalay syang nakatanghod dun sa cake.

Ayun, naluto din sa wakas at success ang aming experiment! Ayan, dahil wala sina kuya niya (sem break at nagbabakasyon sa mga lola sa Alabang), ang daming cake tuloy sa lamesa namin ngayon. Kaya eto, minimiryenda ko ang isang piraso para mabawasan :D

Thursday, October 21, 2004

Calling

Kanina, nag-text ang brother ko "Ate san exactly ba yung Maldives?" Aba'y ewan ko! Napabuklat ako tuloy ng Encyclopedia ng 'di oras. Ayun nasa ibaba ng Sri Lanka daw sabi sa description. A republic composed of around 2000 islands pala yun. Kuha pa ako ng Atlas para makita ko sa World Map. Nyay tuldok-tuldok lang pala, malaki pang tingnan ang Babuyan Islands ng Pilipinas!

So text ako kay little brother (who happens to be taller than I am now and is already a faculty staff in UP Diliman's College of Music) ng info with matching tanong na "Bakit, pupunta ka dun?"

May nag-offer daw sa kanya kasi na mag-work doon as a performer (in fairness, magaling tumugtog ng classical guitar ang kapatid ko!) and $1500/month ang offer, libre na lahat. Kaso parang ayaw daw nya kasi kung isolated yung place, malamang malungkot dun. Magre-refer na lang daw sya ng ibang friends nya na musicians kung sinong may gusto.

Text back ako ng "Aba'y ipag-pray mo muna at baka d'yan ka pala yayaman hehehe"

Sagot n'ya "Hindi ko kayang iwan ang mga estudyante ko. Dito muna ako, gusto ko munang mag-share ng talents ko sa kanila."

Naks! Proud naman ako sa kanya. UP na UP alumni ang dating, una ang bayan bago ang ibang bansa. (Ack, parang nage-echo ang boses ni Rufa Mae sa background at sinasabing "Para sa Bayan 'tooo!" hahaha). Perhaps yun nga ang calling nya for now.

I remembered what this teacher said whom I interviewed just the other day para sa isang article ko. Sabi n'ya sa akin "Gusto ko, pagharap ko sa Diyos, masasabi kong hindi ako nagkamali sa pinili kong propesyon dahil ibinuhos ko ang lahat ng aking makakaya." At pakiramdam ko, ganun din ang iniisip ng kapatid ko kanina :)

Wednesday, October 13, 2004

Discoveries

I’ve heard it said time and again that it’s good to be learning something new every day. That is true. Kahapon, marami akong naging pagkakataon para mangyari yan.

Nagpunta ako ng Manila para mag-interview ng isang taga-DOLE (Dept. Of Labor and Employment). All I knew was the name of the building and that malapit ang office nila sa Letran. So sumakay ako ng bus papuntang LRT Buendia. Pagkababa doon, nanibago ako sa LRT dahil marami palang kaibahan ang sistema nila kesa sa MRT kung saan ako sanay. Bihira kasi ako magawi sa part na yun ng Manila na naka-commute eh.

Matagal na since nakasakay ako ng LRT at yun eh palaging may kasama pa ako. Kaya nakakawindang ng konti nung umakyat ako sa stairs only to find out na wala palang overpass doon papunta sa kabilang side kung saan ako sasakay ng pa-Central Station. Hay baba na naman ako ng hagdan at tumawid ng kalsada tapos akyat na naman. Nung dumating na yung train, nakita kong maluwag yung bandang unahan ng first car so takbo ako para dun pumasok sa pinto nun. Ack! Napagalitan ako ng guard kasi daw pang-senior citizens daw at mga may dalang bata dun. Malay ko ba!

So pinapunta ako sa kabila ng rope kung saan parang sardinas ang mga nakatayo. Naisip ko lang, sayang naman yung mga bakanteng upuan dun sa bandang unahan habang pinapawis kaming nagsisiksikan. Tsk, tsk, tsk.

Anyway, pagbaba ko ng Central station, nilakad ko hanggang Intramuros. Takot ko lang mag taxi at kung saan pa ako iligaw nun! At least kahit malabo ang mata ko kung maglalakad ako, kita ko ang landmarks ng dinadaan ko. Ayun natumbok ko ang Letran at sa pagtatanong-tanong habang naglalakad, natunton ko rin ang office ng DOLE.

Nung paalis na ako, binalak kong mag-LRT ulit hanggang Baclaran para mag-switch trains sa MRT dahil pupunta ako ng Ortigas kung nasaan ang office ng publication na sinusulatan ko. Buti na lang tinuruan ako ng kaibigan kong nasa DOLE na instead magdalawang sakay ako, punta na lang ako sa harap ng Metropolitan Theater at pumara ng bus pa-Cainta dahil dumadaan daw yun sa tabi mismo ng Galleria. Wow! Ngayon ko lang nalaman yun! Kaya oks na oks ang byahe ko kahit medyo na-traffic bandang Quiapo, hindi ko na kinailangang maglakad ng malayo papuntang Galleria dahil dun mismo ako ibinaba sa tabi. Eh kung nag-MRT ako, hay ang layo na naman ng Alay Lakad ko sana!

It pays to try new things. Now I know another way from Manila to Ortigas without having to go through two rides and lots of walking. Sulit!

Monday, October 11, 2004

Wanted: Blogging Filipino Mommies

Nananawagan po! :) If you're a Pinay and a mom and maintains a blog and would be willing to be interviewed for an article about blogging for a national magazine, please email me at writermom@hotpop.com within this week. Kailangan ko kasi ng interviewees and saan pa ba ako dapat maghanap kundi dito sa cyberspace. Kaya please mga nanay, patulong naman o. I'll be asking you a few questions lang naman.

Thanks in advance! (Hay di ako maka-post ng malimit lately dahil lunod pa rin sa deadlines.)

Tuesday, October 05, 2004

Maps and Atlases

Sa Montessori, kahit preschool pa lang, meron ng subject na Geography. No wonder itong si Deden ko, panay ang banggit ng pangalan ng mga continents.

Noong napanood namin ang Amazing Race at dito sa Pilipinas kinuhanan ang ibang scenes, lalong naging interested si Deden tungkol sa mga places. Tanong sya ng tanong saan daw ba ang Palawan? So kinuha ko na yung Atlas namin at pinakita yung buong page na mapa ng Philippines. Nyay, hindi na naubos ang tanong kasi saan daw yung Puerto Galera, saan daw yung kina Matt-Matt(kung saan nakatira ang sister ko at family nya) at saan ang Manila Zoo etc. etc. Bawa't ituro ko, masinsinan nyang tinitingnan ang puwesto. Ngayon tanungin mo saan kami nakatira and he will point to Laguna without hesitation.

Nung isang linggo, nakakita ako sa Booksale ng Children's Atlas. Walang second thoughts, binili ko para kay Deden. Tuwa naman sya nung nakita yun pero pagbukas, ang unang sabi "Bakit walang big picture ang Philippines?" Nung pinakita ko yung map ng buong mundo, disappointed pa sya na "Ay, ang liit-liit naman!" Puro kasi world map ang nakalagay bawat page with different categories discussed like vegetation, land conditions etc.

Pero nung nakita na nya ang mga demographic stats like iba't-ibang kulay ng countries kung saan malaki ang population, or ano ang climates doon etc., nakupo, tanungan blues ulit.

What's surprising was nung dumalaw ang isang pinsan ko last week at pinakita nya yung Atlas nya, "Tita look o, ang water galing sa mountains, tapos dadaan sa waterfalls, tapos sa rivers, tapos sa lake, tapos sa river ulit, tapos pupunta na sa ocean!" Parang teacher na nagle-lecture tungkol dun sa mga illustrations. Nakakatuwa! Inabsorb talaga ang mga tinuro ko.

Ang ultimate patawa, when we were having dinner last night, napansin ko kinukumpol nya yung food nya into shapes. Mamya, ayan na ang tanong "Mommy, look, anong country ito?" To humor him, sumagot ako "Australia?" Aba natuwa! "Correct!"

"Ok eat your food na," sabi ko. "Teka lang, one pa. Ito, what's this?" Hmmm, mukhang Pilipinas so sagot ako ng "Philippines?" Aba correct ulit si Mommy! Eh nung pangatlo na, "This one, anong continent ito?" Ngek, medyo mahirap i-discern yung shape so sagot ako ng "North America?" Hala, mali. "Nope, 'di mo kita? Asia ito!"

Naku, very creative, pati pagkain naisipang gawing mapa! By the way he just turned six today. Hay naglalakihan na ang mga anak ko!

Monday, September 27, 2004

Pagdating

Tuwing hapon, alam ko kapag dumating na ang mga bata galing sa school kahit hindi pa ako nakakalabas ng kwarto. Malakas na bubuksan yung pang-slide ng gate, isang creak habang binubuksan at isang creak ulit para sumara, sabay 'bang!' pag isa-slide na ang pangsara. Tapos andun na yung pitter-pat ng mga paa.

Kapag si Leland ang dumating, rinig mo agad yung cheerful na "Hi Panda!" dahil babatiin nya ang aso namin. Sabay bukas ng pinto at rinig ang kalabog ng bag dahil hinahagis nya sa side table. Kung si Deden naman, maliliit na footsteps na patakbo para unahan si yaya na buksan ang pinto. At makakarinig na lang ako ng "Mommy, I'm here!" Minsan may kasunod agad na kwento yun kahit halfway down the stairs pa lang ako. "Mommy, sabi ni teacher, very good ako kanina. Tingin mo o, may star ako ..."

Si Josh, kakaiba. Tahimik ang entrada ng isang ito. Parang ayaw ipaalam na andun na sya. Mahina magbukas ng gate yun. Pero since ma-creak nga ang hinges ng gate namin (sa bigat ba naman!) rinig mo pa ring may pumasok sa garahe.

Kaninang hapon, naunang dumating si Josh. Since may tinatapos akong trabaho sa computer, hindi agad ako nakababa para i-greet sya. Pero after mga 2 minutes na at hindi ko pa naririnig ang pagbukas ng pinto (isa pang mabigat dahil heavy wood), sumilip ako sa bintana sa landing ng stairs.

Ayun ang bata, nakatalungko sa tabi ng aso. Pina-pat nya at hinihimas-himas ang ulo ni Panda. Ang dyaskeng aso, feel na feel naman dahil nakade-kwatro na halos ang pagkakaupo. What striked me was the serenity of the scene. Napaka-peaceful. Parang sa silence nilang dalawa, touch was the only form of communication, and it was enough. Such was the beauty of friendship between man and beast ...

Wednesday, September 22, 2004

Balita Here and There

Hay, sa dami ng article deadlines ko, kahit gusto kong magdadaldal dito sa blog eh na-hold tuloy ng ilang araw, naipon ang mga kwento ko. Habang nagbi-break ako from editing, makahataw nga muna ng konting chika...

------

AR Season Finale

Nakanood ba kayo ng Amazing Race finale kanina? Buti na lang may replay nung 6:30 pm kasi tinanghali ako ng gising at di ko naabutan yung 8:55 am via satellite na feed. Naku kung nagkataon, Sunday pa ko makakanood, hindi ko kakayanin ang suspense!

Pwede na rin yung pagkapanalo nina Chip and Kim. Anyway, they look like a solid couple, mukhang stable ang marriage so malaking bagay yung 1 million dollars sa pamilya nila. Naawa lang ako dun sa Bowling moms kasi they've gone that far only to be defeated because they haven't the brute strength men have. Oh well, as far as I'm concerned, as a mom myself, I salute Linda and Karen for proving to the world that moms can still do a lot of great things beyond their homes and families. Proud ako sa kanila.

As to Colin and Christie, oh well, kakaawa din naman. All their efforts wasted. To think na malimit silang nagna-number one tapos natalo dahil sa freaky plane schedules. Blame the fog over Canada. Sina Brandon and Nicole, kahanga-hanga yung faith nila kay Lord at sa isa't-isa. I hope they end up with each other as life partners. They make a good couple.

Nakakatuwa naman na dalawa ang pit stops sa Philippines. Buti hindi masyadong naipakita ang mga pangit na tanawin dito. Mukhang impressed pa nga yung mga contestants sa El Nido. At napakita ang ating flag! Too bad walang ka-ide-idea yung mga contestants anong itsura nun talaga. At least now they know.

-----

The American-Pinoy Idol

Wow, nakuha ng Smart Mobile Communications si Jasmine Trias for their commercial! Para kumanta ng "Kailangan Ko'y Ikaw". Shucks magkano kaya binayad nila dun sa batang yun? Hmmmm, for sure in dollars. Pansin ko lang, ang hilig talaga ng Pinoy sa mga kababayang laking abroad. Kita mo naman, lahat na ata ng mga balikbayang hindi pinapansin sa ibang bansa (like Cindy Kurleto, the Turvey brothers or Donita Rose and Ariel Rivera dati) pagdating ng Pinas, madaling pasikatin. Hindi kaya dahil fascinated tayo sa accents nila? Cute nga naman pakinggan kahit na bulol-bulol mag-Tagalog. Oh well, that's colonial mentality for most of us.

-----

Entrepreneurship

Naku maloloka ako dito kay Leland! Ang aking panganay na nasa grade 5. Kahapon nag-kwento sa kin na malaki na raw ang kinikita nila ng classmate nya sa pagpapa-rent ng Pokemon. I was like "Huh? Anong pinapa-rent nyong Pokemon?"

Turned out na yung mga nabili kong second hand books sa isang thrift shop about Pokemons (isang parang directory ng mga dyaskeng pocket monsters at isang parang mini-novel featuring Mewtwo) ang pinapa-arkila ng enterprising na bata. Proud na proud pa na ang rates daw nila eh P1.00 pag half-hour, P2.00 pag 1 hour at P3.00 kung overnight. Hmmm, not bad.

Pero nung tinanong ko kung asan na ang kinita nya, ang sagot "Andun po sa classmate ko, sya ang treasurer." Ano kako yung pinapa-rent ng classmate nya. Wala daw, yung mga books lang nya. Ngak, eto ang hirap sa batang ito, medyo may pagka-uto-uto. Biro mong wala namang inputs si classmate eh sya pa ang humahawak ng kita. Tsk, sabi ko, "Ano yun hati kayo?" Hindi daw, kanya daw yung money pero pinatago lang nya muna kay classmate. Hay, napakamot na lang ako ng ulo.

Wednesday, September 15, 2004

Watch The Amazing Race!

I saw TAR via satellite kaninang 10 am (shempre ako pa eh talagang inaabangan ko yan every week!). May replay mamyang 6 pm and sa Sunday 7 pm on Studio 23.

Nood kayo kasi dito sa Philippines kinuhanan yung mga scenes. So far, wala namang nakakahiyang nangyari (like driver na nangingikil etc.). Helpful ang mga tao. Nakakatawa kasi pinag-kabit sila ng borloloy sa mga jeep at pinag-araro sa bukid. Luli Arroyo welcomed them to the Coconut Palace where the 12th pit stop is.

Yun lang. Aliw lang.

Tuesday, September 14, 2004

On A Lighter Note ...

Ho sya tama na ang senti. Pasensya na sa dark post ko sa ibaba. I just had to get that off my chest.

On the bright side, ibabalita ko lang na nanalo ng Spiderman shirt si Deden sa KZone magazine! Nagulat na lang ako nung binubuklat ko yung September issue and saw the list of winners para sa mga freebies. Bale, every month meron silang set of freebies to choose from tapos either mage-email ka or susulat through postal mail.

Since hindi na ako bilib sa koreo (ke mahal na nga ng postage stamps, ang bagal pa nilang i-deliver), nag-email kami ng mga bata last July. Ayun, si Deden ang isa sa mga napiling nagwagi. Inggit to the max ang Josh pero sabi ko marami pang next time.

So before umalis for Manila si Daddy, Sunday night, tinulungan ko sya gumawa ng authorization letter. Nakakatuwa kasi sya talaga ang nagsulat lahat ng "Dear KZone, Please give my Spiderman t-shirt to my Daddy. Thanks, Daniel" Kahapon, nag-text na si Noy na na-claim na daw nya from the Summit office yung shirt. Naku mukhang kay Josh din mapupunta kasi masyado pa raw malaki for Deden :P Excited pa naman si maliit.

Tapos etong si Leland, nagpabili nung pinakabagong kiddie comics mag ng Summit, yung Monster Allergy. Nakupo ayaw nang bitawan since last week. The next day nga nung binili ko yun, bitbit ni Josh sa dining table at binabasa habang kumakain. Napagsabihan ko tuloy. Pero bumilib ako dun sa dalawa dahil in one day, tapos na nila yung buong magazine!

Since then, every afternoon after school, kita ko si Leland, bitbit pa rin kasi drawing sya ng drawing ng mga characters doon. I have to read that thing soon to find out ano bang nakakahumaling sa story nya. Sobrang na-entrance itong mga bata, Leland wants to buy the succeeding issues aside pa sa KZone. Since sa ipon nya kinukuha ang pambili ng KZone, sabi ko pag-ipunan rin nya yung Monster Allergy. Ako kasi eh taga-bili lang ng first issue, afterwhich, bahala na sila kung gusto nila ituloy. Para matuto rin ng responsibility at pag-iingat sa sariling gamit. Which I've seen naman with the KZone issues bought since January this year.

Ayan, ang dilemma tuloy ni Leland eh parang gusto daw nyang i-stop muna ang bili ng KZone dahil mas type nya ang Monster Allergy. At least itong bago, every two months ang labas. Oh well, as long as those will get them reading, balak kong ako na ang sumalo nung Monster Allergy. Kung tutuusin, nagsimula din naman ang aking pagiging bookworm with Funny Komiks nung maliit pa ako. At take note, galing sa baon ko ang pang-arkila ko sa tindahan ng mga yun! Buti na lang nung nahumaling na ako sa Nancy Drew, Dana Girls, Bobsey Twins at Hardy Boys, libre ang hiram sa library ng school namin. Nakaka-ubos lang naman ako ng 4-5 library cards in a school year hehehe.

Kaya as early as now, kung anong reading material ang gustong basahin ng mga anak ko, go ako basta walang x-rated contents. I want them to grow up loving reading because I'm sure the knowledge and wide vocabulary they're getting from books will someday take them far into the world.
Losing a Loved One

Nung Sabado, dumalaw kaming mag-asawa sa burol ng isa nyang dating ka-opisina. Nakakagulat na sa edad na 38 años, namatay si Joel dahil sa heart attack. Ni walang nakakaalam na may sakit pala sya sa puso. Shocked lahat kaming mga kaibigan nya nung nalaman namin.

Nakakapanglumo nung nakita ko ang nanay niya na nakaupo sa harap ng kabaong. Hinila ni Nanay ang kamay ko at pinaupo ako sa tabi nya. It seems na malaking bagay nga yung mayroong nakakausap tungkol sa nangyari as a way of healing din para sa kanilang mga kamag-anak ng namatay. Nakinig na lang ako habang nagkuwento ng nagkuwento si Nanay tungkol sa kanyang pinakamamahal na bunso. Ang tumatak sa isip ko nung gabing iyon, yung sinabi nya sa aking “Naku Ineng, hindi mo lang alam kung gaano kasakit ang mawalan ng anak.” And I have to agree. Hindi ko ma-imagine paano nakakayanan ng mga magulang ang pangyayaring nauuna pang lumisan kaysa sa kanila ang isang anak.

Naalala ko tuloy ang panaghoy ng lola ko nung namatay ang Tatay ko, “Bakit mo ako iniwan? Wala ng dadalaw sa akin sa bahay.” Si Tatay kasi malambing at maasikaso sa kanya. Nauuna pang pumunta yun sa bahay ni lola galing trabaho sa Maynila bago pa umuwi dito sa amin at palaging may bitbit na pasalubong gaya ng ubas at oranges na gusto nung matanda.

Nakuwento ko ang mga ito dahil sa nangyari sa akin nung Linggo ng umaga. Siguro nasobrahan ang internalization ko ng mga sinabi ng nanay ni Joel, nanaginip tuloy ako ng hindi maganda. For the first time sa buhay ko, nagising ako nung umaga ng humahagulgol. Hindi ako makausap ng asawa ko for several minutes dahil ramdam ko ang bigat ng dibdib ko dahil sa sense of loss.

As with all dreams, mayroong malinaw, mayroong unreasonable. Eto ang panaginip ko ...

Galing daw kami sa isang kasalan, ni hindi ko alam sino ang ikinasal pero malinaw sa panaginip ko yung mga tables sa reception. Umalis na kami para sumakay sa train at inilapag na ni Noy ang car seat ni James sa loob. (Sa mga hindi nakakaalam, si James ay isang special child na may cerebral palsy at hindi pa nakakalakad nor nakakaupo mag-isa). Bumalik daw ako dun sa reception para balikan yung small brown Bible ko at yung food container ni James.

Habang pabalik na ako sa train, nakasalubong ko si Noy and pinagalitan kong bakit iniwan mag-isa si James. Nung naglalakad na kami pabalik dun sa train, nakita kong eksaktong 11:00 sa wall clock nung station. Biglang nag-blow ang whistle at nagsimulang umandar yung train. Parang naging slow motion yung takbo namin at hindi na namin naabutan ang paalis na sasakyan hanggang mawala na sya sa paningin.

Dali-dali daw akong pumunta sa loob ng station para makiusap sa mga officials na i-stop ang train. Pero lahat ng nakausap ko, binale-wala ako. Walang gustong tumulong. I’ve decided to buy tickets para sa susunod na train. At this point parang naging mala-MRT ang dating nung place na every 10 minutes may darating na train. Inisip kong ako na lang ang sasakay hanggang dun sa dulong station habang si Noy eh maiiwan para i-check ang lahat ng pabalik na trains kung andun si James.

At this point, parang sasabog na ang dibdib ko sa pag-iisip na baka hindi ko na makita kahit kailan ang anak ko. Na baka mahulog yung car seat sa bench at walang makakita. Andun yung despair na baka nasasaktan na ang anak ko at wala ako sa tabi nya.

At habang naghihintay daw ako dun sa sunod na train, nakita ko ang panganay naming si Leland na tumatawid dun sa riles. Sumisigaw daw ako pero biglang may dumaang pulang kotse doon (imagine, riles ng tren may kotseng dumaan!). Pagkalampas ng kotse, umiiyak na si Leland dahil nadaan ng gulong ang paa nya. I began screaming and crying na bakit ang tigas kasi ng ulo nya.

It was then na naramdaman kong ginigising na ako ni Noy. Ang hirap bumalik sa reality. Dala ko pa rin yung sakit ng loob na nararamdaman ko sa panaginip. Iyak ako ng iyak at sabi ng sabi ng “Si James! Si James!”. Grabe, ang weird ano? Pagkakita ko kay James na naka-upo sa car seat nya at masayang nanood ng TV, super ang naramdaman kong relief and pinaghahalikan ko sya.

Na-rattle talaga ako sa panaginip na yun. Pero ayokong mag-isip na meron syang malalim na ibig sabihin, lalo pa’t 7th birthday ni James sa Sabado. Hindi ako superstitious na tao. Lalo nang hindi mo ako mapapaniwala sa mga sabi-sabi na walang basis. Ang belief ko, sa Diyos lang tayo dapat umasa para sa kinakahinatnan ng buhay nating lahat. Kaya ang paniniwala ko, dala lang yun ng matinding emotions na nasagap ko dun sa burol. Yun lang, wala ng iba.

Salamat sa pagbabasa. Ang haba ‘no? As with most of the things na gumugulo sa isip ko minsan, I write them down as a form of release, not necessarily to be able to analyze and understand meanings right away, but simply as a way of eliminating the negative vibes. Before I wrote this, may remnant pa kasi nung mabigat na feeling sa puso ko, na hindi ko naman maipaliwanag. So I’ve put it in writing.

I feel better now ...


Friday, September 10, 2004

Home Away From Home

Galing ako sa Manila kahapon. Dinalaw ko sa hospital ang pamangkin ko who had an operation. Medyo late na ako nakauwi and sa kagustuhan kong makapagpahinga na sa sariling bahay, sumakay na ako ng bus kahit hindi airconed.

Buti na lang Mission Impossible 2 ang palabas na video. At least hindi boring. As we travelled along, nag-penetrate sa mind ko yung sound ng wind chimes. Noon ko lang napansin na meron palang nakakabit dun sa may rear view mirror nung driver. Upon closer observation sa harapan ng bus, naaliw ako bigla sa mga nakita ko...(pop quiz: do you ever stop and LOOK at things like those?)

1. May tatlong laminated pictures dun sa wall sa bandang taas ng bintana ng driver. Ang laman? Left, right at center views na itsura nung bus! Hahaha, walang biro, yun ang nakalagay. Parang yung kuha pag binu-book ang mga kriminals ... "harap sa kaliwa, sa kanan naman, o ngayon tingin ng diretso"... Ang kinatuwa ko, under the pictures, may lettering na "God bless our trip." Approve sa kin yun!

2. May kurtina ang buong itaas ng windshield. Very homey ang dating!

3. Sa windshield pa rin, naka-suction cup hooks ang iba't-ibang klase ng abubot. Parang yung mga crystal swans at hearts na pinamimigay as souvenirs sa mga kasal. Pero I guess made of plastic lang yung nasa bus or mababasag sila everytime na babangga dun sa salamin. Pramis, from left to right ng windshield, meron. Siguro nasa 20 ring objects yun.

4. Sa itaas naman ng pinto, me picture frame ng mga kotse. Tapos sa magkabilang sides, yung mga maliliit na posters na may kahoy sa taas at baba para hindi malukot. Hindi ko mabasa ang nakasulat kasi maliliit ang letters at malabo ang mata ko hehehe.

Nakakatuwa yung driver kasi he made it a point na pagandahin yung bus nya the way he wanted it to, siguro dahil na rin sa doon nya ginugugol ang maraming oras sa maghapon nya instead of sa bahay nila.

Masasabi ko lang, iba talaga ang Pinoy. Kahit saan pwedeng maging at-home!



Wednesday, September 08, 2004

Scary!

Kahapon nag-panic ang maraming depositors ng First Savings Bank. Bigla kasing nag-declare ng bank holiday ang establishment -- meaning, walang pwedeng mag-deposito ni mag-withdraw ng pera. Kawawa nga yung isang mama na galing pa somewhere sa norte na namasahe ng P200 para maka-withdraw ng money, tapos nauwi sa wala. Mangungutang na lang daw sya ng pamasahe pauwi. Tsk, tsk, tsk.

Assurance ng Central Bank, insured daw sa PDIC ang mga deposits ng mga tao. Pero naman! Tama ba namang paghintayin mo ang mga nangangailangan ng pang-gastos lalo na para sa emergencies?

Buti na lang, secured ako sa BPI. Marami pang perks ang maging member doon. Satisfied customer ako sa totoo lang. Bakit? Let me count the ways:

1. BPI ATMs are situated in almost every town you pass -- meaning hindi mo kailangang maghanap ng ibang banks na connected sa Expressnet to withdraw and thus makaltasan ng transaction fees.

2. Easy bills payment thru web or fone -- hindi na ako pumipila pagbabayad ng PLDT bills! At kahit madaling araw na kapag naalala kong due na ang payments namin, nakakabayad ako within minutes.

3. Easy checking of balance -- lalo na pag naubusan ako ng budget at nagpa-deposit ako sa mabait kong asawa sa account ko pag nasa Manila sya, I check first thru express fone kung pumasok na bago ako lumakad papuntang bayan to withdraw.

4. No extra charges when depositing to other accounts over the counter -- dati very disappointed ako with Metrobank when I donated to the 700 Club kasi me charge silang P100 pala. Kesa pandagdag na dun sa charity, sa kanila pa napupunta yung extra money. Hindi na tuloy ako umulit :( Buti na lang ang World Vision, BPI ang account so walang problem when depositing financial support para dun sa sponsored child namin.

At marami pang iba ... Heniways, ang bottomline lang naman na gusto kong iparating ... mag deposit kayo sa isang bank na siguradong kasama nyo for the long haul ... yung hindi likely maba-bankrupt ... sa hirap ng buhay ng mga Pinoy ngayon, we can't afford to lose our hard-earned money in the most incomprehensible and unjustifiable ways ... kasalanan pa rin ba ng depositors ang kapalpakan sa investments ng mga bank officials??? ... kahit pa sabihing mababawi rin yung pera soon, what if hindi soon enough yung pambili ng gamot ng isang naghihingalong pasyente? o pambili ng pagkain para sa mga anak na nagugutom?

Hay buhay, parang life ... (pahiram nga Cindi lab).

Saturday, September 04, 2004

On RBTs at Ring Tones

Mahina ang signal ng Globe dito sa amin. Kelangan mo pang pumunta sa second floor terrace ng bahay para lang maka-text. Minsan nga mukha na akong manekin dun dahil odd angles ang pose ko ma-retain lang ang signal habang nagse-send ng messages. Meron na nga kaming parang holding box ng celphones na nakakabit sa pintuan ng terrace dahil dun lang talaga nakaka-receive ng messages ang mga telepono namin. Lahat kasi kami sa family, naka-Globe (kaming mag-asawa, si Nanay, pati mga kapatid ko sa Manila, asawa nung isa at GF naman nung isa). Mas madali kasi ang sending and receiving kapag same network kaya lahat kami yun ang kinuha. Lately lang ako nadagdagan ng Smart number dahil sa e-load biz ko.

Ang nanay ko, shemps medyo matanda na, nagiging impatient na kapag nakaka-lima na syang "message failed" tuwing magte-text. Nakakaasar naman talaga kalimitan lalo na kapag may nagpapa-load sa akin na Globe or Touch Mobile tapos ang tagal bago maka-send. Mantalang pag yung Smart kahit sa may gate ng bahay namin, solve na solve ang reloading. Since teacher si mader, nasa-school yan maghapon (mga 5 mins. away lang) during weekdays. Ang siste, kahit doon sa school nila, walang silbi ang Globe. Kaya ayun, hindi na lang nya dinadala. Ang dami na nyang na-miss na important messages minsan kasi gabi na nya nababasa. Kapag pupunta na lang sya ng bayan or Manila saka bitbit ang cel nya.

Nung nagka-Smart ako last June, nakita ni Nanay (at ako din!) yung convenience na kahit dun sa sala namin sa baba nakaka-text ako. Ayun, nag-decide na syang lumipat sa Smart. Lahat kasi ng co-teachers nya maging mga studyante, naka-Smart na. Marami ng naglipatan dahil sa frustration na hindi na ata lalagyan ng cell site malapit dito sa min.

So kahapon bitbit ko ang cel ni mader sa San Pablo at ipina-openline ko. Pinapalitan ko na rin yung sim nya sa Smart Wireless Center. Natuwa ako nung nalaman kong walang charge ang sim-swap (kasi sa mga repair centers, may bayad na P50). Kaso lang, nung palabas na ako, sabi nung guard, punta daw ako dun sa customer assistance kasi kelangan ma-record sa computer ang new number. Ack, required palang mag-purchase ka ng ring back tune (RBT) kung nag swap ka ng sim. Ngek, me hidden charges pala!

At dahil nagmamadali na akong makauwi (hapon na kasi and parating na ang mga kids sa bahay from school) hindi ako nakapili ng matino. Wala pang masyadong choices. Ke papangit! Kinuha ko na lang instrumental na jazz tune. Kesa naman yung mga boses ng artista or movie lines, ngii! Pinalagay ko na lang sa number ko kasi for sure, hindi naman maa-appreciate ni Nanay yung RBT noh. Although parang gusto ko na ring tanggalin sa fone ko kasi hindi ako satisfied. Kainis, P30 down the drain...

Tapos kagabi, while surfing the net, naisipan kong tingnan sa Smart website ang complete listings ng RBT. Hay, wala pa rin akong mapili talaga. So naisipan kong maghanap na lang ng free ring tones. Matagal ko na kasing gustong magka-ring tone ng Corrs songs kaso di ko alam san kukuha. Wala pa rin akong nakitang site na may free download dito sa Pinas. Puro UK or US. Pero me na-discover akong site na maraming ring tone codes, complete with instructions pano mo ie-enter sa composer yung codes. Ay happy, happy, happy ako dahil I was able to successfully encode sa fone ko yung "What Can I Do" na tune! Yun na ang ring tone nung isang fone ko ngayon :)

Want to visit the site? Punta lang kayo sa Atomic Bliss to check out the 1000+ ring tones they have there.

Friday, September 03, 2004

Ang saya-saya!

Sa tinagal-tagal ko na dito sa blogger, kahapon lang ako finally natutong mag-lagay ng photos sa blog. Ke hirap naman kasing intindihin yung html codes about images sources chuva. Buti na lang natagpuan ko ang flickr.com dahil sa blog ni Daddy Pepe (salamat Itay!) at nadiskubre kong hindi ko na kailangang pahirapan ang sarili ko!

Ayan at pati yung Daily Zeitgeist (don't ask me the word origin at dehins ko alam) eh kinareer ko na. Ang cute ano? (Tingnan sa bandang kanang ilalim ng aking blog). Kahit unang rinig eh mapapakunot ang noo mo hahaha. Mangha talaga ako sa dami ng pwedeng gawin sa loob ng internet.

Now, if only I can get the haloscan comments to work, mas lalo akong magiging happy. Enjoy viewing my kids' pictures! Ang cute nilang lahat ano? :D (pagbigyan nyo na ako, nanay eh)

Wednesday, September 01, 2004


Aliw!

Humabol sa Linggo ng Wika ang school ng bunso ko. Nung Lunes (August 31), naka-schedule ang Filipino speaking contest nila. Last week, pahirapang i-practice itong si Daniel dahil malimit niloloko ang pagre-recite. Pasaway talaga!

Eh nung Linggo ng gabi, ako na ang nagpa-panic kasi kahit alam na nya yung lines and actions, may times na nakakalimutan nya yung entrada ng second stanza. In the middle of the poem, biglang matutulala tapos titingin sa akin na nanlalaki ang mata at sasabihing "Ano kasunod?!" Sus, everytime na lang na kasali sa speaking contests mga anak ko, pati ako saulado ko na ang piece :P

So yun, nung Lunes ng umaga, si kulit na ang namilit sa akin na magpa-practice pa daw sya. In fairness, sineryoso at kinareer ng batutay ang pagre-recite. Nung palabas na sila ni yaya sa gate, nagdasal na lang ako na sana ma-deliver nya ng buo at maayos yung tula at hindi makalimutan ang actions.

Pag-uwi nya nung hapon, sabi agad sa kin "Mommy sabi ng kaklase ko ang galing ko daw!" Nung tinanong ko sino ang nanalo, ang sagot nya "Wala, talo kami lahat." Ngek! To the rescue si yaya, kinabukasan pa daw ang results.

Eh kahapon, absent ang teacher ni Deden so walang naging announcement. Kanina, pagpasok pa lang sa pinto ng bahay, ang lakas na ng boses at nagtatawag na may ipapakita daw sya sa akin. Hindi pa man ako nakakababa ng hagdan sabi nya agad "Mommy, me medal ako!" Naku na-excite ang nanay bigla. Dagdag pa ni yaya "Ate, first place si Deden." Ang taas tuloy ng pitch ng boses ko nung nasabi ko yung "Talaga?!"

What's more, bitbit ni bata ang envelope ng mga periodical exams nya. Wowee, 94% ang lowest nya at 99% ang highest. Hay, nakakatuwa!
News Briefing

I was able to catch the evening news yesterday and today. Merong nakakalungkot, nakakainis, nakapagbibigay pag-asa at nakakatuwa…..

· Marami pa ring mga apektado ng bagyo last week. Nakakaawa yung mga pamilyang nawalan ng kaanak at tirahan. Sana makabalik na sila sa normal na buhay soon.
· Nabuking sa pamamagitan ng calibration tests na marami palang gasoline stations ang kulang sa ikinakargang langis sa mga sasakyan. Hay buhay, hirap na nga ang mga Pinoy, nadadaya pa. Sabi nung isang oil company representative, natural lang daw yung under or over-selling dahil makina daw ang ginagamit so nagkakaron ng margin of error. Hello?! Matino bang depensa yun habang nagpapakahirap ang mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan na kitain ang pambili nila ng diesel? Banggit nga nung isang government official, around P20-30 lang naman ang bayad sa calibration, bakit hindi magawa ng mga oil companies? At eto ang mga stations na natagpuang nandadaya in particular order: Shell (pinakamarami – 22 branches!), Caltex, Sea Oil at Petron. Kaya mga kapuso (hahaha halata bang maka-GMA 7 ako?) maging vigilant sa pagpapa-gasolina ng inyong mga sasakyan!
· Bumibilib na ata ako kay General Aglipay ah. Mukhang desidido na syang patinuin ang kapulisan. Magkakaron na daw ng pin na “bawal ang kotong” ang bawat pulis, lagot daw sa kanya yung mga natutulog sa loob ng mobile patrol cars na nagpapalamig sa aircon at yung mga naggo-golf during weekends. Naku sana, sana, sana, hindi ningas-kugon ang lahat ng iyon. Sana nga tumino na ang police force kasi sa totoo lang, wala na akong tiwala sa mga pulis. Ang dami na naming bad experiences sa mga yan and to date, sadly wala pa akong nami-meet na matino talaga na alagad ng batas.
· Pahirapang pakiusapan ang nangyari between Sec. Boncodin and congressmen para sa pag-cut ng pork barrel budget (uy tumataginting na less 40% daw yun!). Shemps alma to the max yung ibang congressman dahil malaki ang mababawas sa pangtago sa kanilang mga bulsa. What’s heartening is, yung mga baguhan and medyo bata pa ang mga willing mag-initiate ng change within the congress. At say nyo, nag-donate na si JDVenecia ng P1M para daw sa gobyerno. Nagsisunudan naman ng tig P100K yung mga young congressmen like Zubiri and Escudero. Me proposal pa na kung pwede nga daw i–donate ng bawat congresista yung isang buwang sweldo nila (na P35,000/month lang pala! Nag-isip tuloy ako na malamang ngang nangungurakot ang iba sa kanila dahil hindi kaya ng 35K ang luho ng maraming lokong mambabatas) para makalikom ng P7-8B to help the government with. Ang tanong: mag-push through naman kaya??? Maiiwasan ko bang hindi mag-doubt based on the bad performances of many government officials in the past? Abangan!
· Nai-transfer na ng hospital sina Carl and Clarence Aguirre. Amazingly, mabilis ang recovery ng dalawang angels na ito. Sana nga eh tuloy-tuloy na ang paggaling nila.

And that’s the news for today. Nagmukha na ba akong news anchor? La lang, concerned kasi ako sa mga nangyayari sa bansa at mga kababayan natin. Kahit man lang sa pamamagitan ng dissemination (aba, siguradong may napulot kayo kung hindi kayo nakanood ng news kanina!) at panalangin makatulong ako.

Monday, August 30, 2004

Olympics

Naku pagkatapos kong napanood yung kalahati ng opening ceremonies (nakatulog na ako sa antok kasi naman 3 am nagsimula!), hindi ko na nasubaybayan ang mga games. Nanghinayang ako kasi hindi ko nakita yung lighting ng torch. Pero impressed ako dun sa paghahandang ginawa ng mga Greeks lalo na yung parang statue na mukha na naghiwa-hiwalay sa ere.

After that, pahapyaw na lang palagi ang silip ko sa channel 4 dahil mahirap sumingit kina Dora the Explorer at Blues Clues (current craze ng mga anakis ko). Buti na lang naabutan ko yung gymnastics exhibition the other night. Kaaliw manood ng ganun. Isa pang gusto kong mapanood, yung synchronized swimming. Di ko naman natyempuhan. Sana mag-replay na lang ulit and by then, sana magkataong libre ang TV sa kwarto namin. Huli na ako sa balitang isports!
Naghahabol

Tsk, nalulungkot naman ako, hindi ko naasikaso ang mga blogs ko the past week. Bukod sa medyo natambakan ako ng article deadlines -- ilang araw lang naman akong puyat, sinabayan pa ng migraine kaya dancing alphabets ang itsura ng letters and words sa computer monitor -- ayan at masakit ang buong katawan ko. Hay, I need an Omega Pain Killer fix!
True Story

Sa isang egroup, may isang post : “Sony Erickson P800 for sale. Email me if interested.”

May nag-reply: “I’m interested. Pero pwede bang P700.00 na lang?”

Ang bagsik!!!

Thursday, August 19, 2004

Kikil

Nanood ako kahapon ng Amazing Race. Yung destination nila eh sa Africa, dun sa Kilimanjaroo. Tatlo yung batches na nagsisakay sa mga bus papunta sa isang baryo. Yung first batch, siningil ng $5.00 each. Yung second batch, hiningan ng $150.00! Parang arkila ang nangyari para hindi na maghintay ng ibang pasahero. Yung last batch $3.00 lang per person ang hiningi nung konduktor.

Ang masaklap, naubusan ng fuel itong 2nd bus. At may mga pinabili ng gas kung saan yung driver. Takbo to the max yung mga inutusan and nakabili naman. Ang siste, sinabihan yung mga Americans na kelangan bayaran nila yung additional $20.00 para daw dun sa fuel.

Pagdating dun sa baryo, grabeng kulit nung mama para maningil dun sa mga foreigners ng additional $10.00 per group. Kahit ako, nainis na kasi todong pananamantala na yun. As in hindi sila tinigilan hanggang hindi nagbayad tapos ang bastos pa nung African. Sobrang pagiging oportunista naman nun.

Bakit ko nakwento ito? Kasi sumagi sa isip ko na ang last pit stop ng Amazing Race eh dito sa Pilipinas. (Actually tapos na daw, nakapunta na dito last May pa ata pero late nga ang telecast). I'm cringing just thinking what if ganun din, may makita sa TV na nang-oonse ang mga Pinoy? Eh andami pa namang ganun ang ugali basta kayang makaloko ng foreigners. Kakahiya di ba? I really hope pag napakita na yung part na andito na sa Philippines yung mga contestants, walang madagdag na masamang impression sa atin.

Tuesday, August 10, 2004

Sanggol

Napanood nyo ba kagabi ang Correspondents sa channel 2? Hay, ilang beses lang naman akong muntik maiyak sa sobrang kawawa ng mga batang na-feature dun. May isang nanay na kakapanganak lang and nung inuwi yung baby sa bahay, may apat pang anak ang naghihintay doon. Tapos pinakita na kumakain yung mga bata na ang ulam lang eh ketchup!

Then there was this family with 11 kids (my goodness!), 4 ang dumedede pa at ang gatas na tinitimpla nila, malabnaw para magkasya dun sa mga baby at toddlers. Hindi pa infant formula kasi hindi daw nila afford. Yung ibang mga anak naman, kanya-kanyang prepare para mag-school. Kawawa naman, gusot-gusot pa ang mga uniforms. Hindi agad sila makaalis kasi hinintay maluto yung sinaing, afterwhich binudburan ng nanay nila ng tig-iisang kutsara ng asukal as ulam. Diyos ko nakakadurog ng puso!

Sobrang nakakalungkot na talaga itong problem ng population natin. Kung sino pa yung mga walang pampakain at pampaaral ng mga anak, sila pa ang maraming supling. Kulang na kulang pa ang kaalaman about family planning. Hindi mo rin masisisi minsan yung mga taong hindi naman naturuan paano nga ba ma-control ang sunod-sunod na pag-aanak. Inisip ko nga, dapat nga ba common sense lang yun? Pero kay rami din naming taong nakapag-aral na nabubuntis ng wala sa oras ‘di ba?

Tsk, kaya nga agree ako dun sa two-child policy proposal eh. Sabi naman nung congressman na may panukala noon, hindi daw pilitan. Nga lang may incentives kapag sumunod. Sana lang maipatupad. Pero bago pa yun, sana din mas sipagan ng gobyerno ang pagtuturo ng family planning. The problem lang is, katoliko ang presidente natin kaya iwas-pusoy sya sa strict implementation. I have nothing against Catholics mind you, but I just wish na kung ang turo ng simbahan eh pro-life, maging masigasig silang turuan ang mga believers nila ng natural methods.

Kami apat ang anak. Sa hirap ng buhay ngayon, talagang iisipin at pagpaplanuhan mo anong mga dapat gawin para ma-ensure na maganda ang future ng mga bata. That’s why I chose to be ligated nung pinanganak ko si bunso. With a special child pa in the family, nag-decision kaming mag-asawa na stop na dapat para mapag-ukulan ng sapat na attention ang mga bata. Ang pangarap kong magkaroon ng anak na babae, babawiin ko na lang kapag nagkaron ako ng pamangkin sa mga kapatid ko or pag nagka-apo na ako. Kesa naman sa kagustuhang magka-babaeng anak eh hindi maitaguyod ng maayos ang pamilya namin ‘di ba?

Monday, August 09, 2004

Text ka dyan!

Nung weekend, dun kami nag-overnight sa Alabang sa mga in-laws ko to see my sis-in-law and her son who’s visiting from Guam for a few days. Sunday, uwi din kami pabalik ng Laguna.

Habang naglo-load si mister ng van, hindi ako makaalis sa tabi ni James dahil baka mahulog sa sofa. So pinakuha ko na lang yung extra pajama, diapers, wipes at powder dun sa bag. Eh nai-load na sa sasakyan. Naku pagbalik ni hubby, walang pajama at powder kasi daw di nya makita, at di na dala yung container kundi isang pirasong wipe lang. Tinamad na namang maghalungkat sa mga gamit!

Nung pasakay na ako sa van, andun si pajama sa car seat eh ang hirap namang suotan yung bata na one-hand lang ang gamit ko. So pawis-pawis na ako bago ko naisuot yung pajama kay James habang hawak ko din sya. Tapos nakita ko hindi pa nakatanggal yung seatbelt ng car seat ni James. Medyo naasar na ako so nasabihan kong “Paano ko kaya maiuupo ang bata dito? Kaya ko kayang tanggalin yung seat belt release na hawak ko si James?” Abaw, nairita pa ang mokong kasi daw madali lang naman daw yung gawin.

Since dun kami ni James sa likod ng driver’s seat nakaupo, mega-simangot at irap ako habang nagmamaneho ang mokong. On the way kami sa Festival Mall para i-pick up ang nanay, na kasama naman ng family ng sister ko, para sumabay sa amin pauwi. At dahil traffic, ka-text ko ang sister ko updating her kung nasan na kami.

The next time tumunog yung cel ko, nagulat ako kasi galing kay hubby yung message. Ang laman “I jst want u 2 knw, ur da fairest image frm a rear view miror. lab u. (may kasama pang smileys)” Ngek, burado tuloy ang inis ko. Pagsulyap ko sa rear view mirror, nakangisi ang loko. Sabi sa kin “O ba’t nakangiti ka na? Sino bang ka-text mo?” Pigil-pigil ang tawa ko, sabay sabing “Wala! Secret admirer!” Kainis, hagalpak sya ng tawa. “Che! Nagsasayang ka ng text! Hindi na kita lo-loadan next time hala.” sabi ko. Lalong lumakas ang tawa ni kolokoy.

Hay naku, nakakatawa talaga kami. Hanggang ngayon, kayang-kaya nya akong patawanin kahit asar na asar ako sa kanya. I’m really blessed to have a husband who has this sense of humor na jive na jive sa mga moods ko. Ayan, looking forward na naman ako, ano na naman kayang bagong pakulo nun next time :D

Tuesday, August 03, 2004

Kwentong Autoload at E-Load

Convinced na ako. Sa lahat ng home-based businesses ngayon, etong autoload na ata ang pinakamadaling gawin. Ako pa, eh hindi ako marunong mag-sales talk kaya nagsawa na ako sa kakasali sa mga networking chuva na kelangan mong magbenta ng kung anu-ano para kumita ng pera. Biro n’yo, nakapag-member na ako dati sa Amway, Vera Luz (yung soaps ek-ek) etc. at na-denggoy na rin kaming mag-asawa sa Powerhomes. Resulta? WALA KAMING KINITA KAHIT ISANG KUSING, ABUNADO PA!

Kaya nung ni-suggest ng sister ko itong autoload, (since nga naman sa bahay lang ako malimit at lumalabas lang pag kailangang mag-interview ng mga tao para sa mga articles ko) nagdalawang-isip ako. Sabi ko, baka mamya wala na namang mangyari so pag-iisipan ko pa. That time wala din akong pang-capital – kelangan bumili ng isang openline na celphone para makapag-dual sim ng para sa Globe at Smart, tapos bili rin ng retailer sims from both service providers, at initial loads na tig P500 each. Ang mabait kong kapatid, ni-loan-an ako ng pang-start up. So ‘di na ako naka-hindi.

Now, two months into the business, na-realize kong ang dali nga pala! Naglagay lang kami ng banners ng Globe at Smart sa gate, ayun kung sinu-sino na ang kumakatok para magpa-load. Oo, hindi ganun kalaki ang kita (nasa baryo lang naman kasi kami so granted hindi ganun karami ang customers) pero enjoy pala yung marami kang nami-meet na tao (kitam, sa liit ng baryo namin, marami pa rin akong hindi kilala!) at ang pinaka-importante, hindi ko kailangang lumapit sa kanila para bilhin ang produkto ko! Eh yun ang hate na hate ko about the selling business, yung pag-aalok. Ang sensitive ko pa naman sa rejections.

Ang pinaka-puhunan ko lang, yung kuryente pag-charge ng phone saka advance payment sa U2 (upline na naglalaman sa load wallet) para may pang-retail. Ay at saka yung exercise ko maya’t-maya pagbaba ng hagdan namin para makalabas ng bahay -- 19 steps po yun kaya minsan hingal din ako to the max pero great for the heart daw yun so sige lang. Projection ko, in six months’ time or less, mababayaran ko na agad yung sister ko.

Nakakabilib ang technologies natin ngayon ano? Ten years ago, di ko aakalaing magiging halos sinko isa ang celphones dito sa atin. Di ba nung unang labas ng mga cel eh konti lang ang kayang bumili dahil sa sobrang mahal? Eh ngayon, kahit elementary students may cel na! At ang pinagtataka ko lang, merong mga nagpapaload sa akin na halos araw-araw trenta ng trenta pesos. Mga estudyante yun ha. Iniisip ko nga, sino-sino kaya ang pinagtiti-text ng mga batang yun at ang gastos sa load. Kaso alangan naming pagsabihan ko eh hindi ko naman pera yun.

Kaya wake-up call din sa akin na kahit grade 5 na itong panganay ko eh hindi pa namin sya binibilhan ng cel. Sus, pag high school na siguro at kung maganda ang grades nya. Fear ko pa, baka mamya maging mitsa pa ng buhay nya yung may makatipong masamang loob na pagnakawan o kidnapin ang anak ko dahil baka akalaing mayaman.

Ay nalayo ako! So yun nga, sa mga nag-iisip ng pang extra income, try nyo yung autoload. Nga lang, dapat medyo ikaw ang una sa lugar nyo na magkaron noon. Kasi may ibang towns dito sa amin, halos every 5 houses eh naglo-load. Dito sa baryo namin, ang alam ko meron ding iba, mga tatlo ata. Pero ang advantage ko, meron akong banners sila wala. Kaya kahit strangers, dito ang diretso sa gate namin dahil kitang-kita. Sabi nga ng asawa ko “A business without a sign is a sign of no business.” So malaking tulong din yung advertising concept ng signs. Buti na lang binigyan ako ng U2 ko ng libre.

Monday, August 02, 2004

The Bookworm Strikes Again

Mababaw kaligayahan ko. Kapag me extra money ako, unlike most women na ang binibili eh damit, sapatos o anything for kakikayan, ako --- libro! At kay swerte ko naman dahil last Tuesday, nag-interview ako sa Los Baños ng isang mommy for one of my articles at tamang-tama, sale sa The Practical Shop. Naku, buy-one-take-one ang mga pocketbooks at buy-two-take-one naman ang mga children’s books (mga brand new na made in Indonesia tapos tamang-tama kay James for visual stimulation). Marami ring art books for kids na below P30 lang ang prices. Eh di ano pa, napagastos ako to the max. Pero super happy ako sa mga purchases ko. At tuwa din ang mga anak ko sa mga pasalubong ko. (These days kapag galing ako somewhere, hindi na sila nagtatanong ng “Anong toy ang bili mo Mommy?” kasi alam nilang hindi ko sila papasalubungan nun. Sa dami na ng kalat nila sa kwarto! Ngayon ang mga tanong “Me bili ka pong bagong books?” hahaha. Nasa training din pala yun!)

Nung natapos ko na ang draft, gustong makita nung interviewee ko and offered na i-meet ako halfway from where we both live. At dahil hanggang nung Saturday ang book sale, sabi ko punta na lang ulit ako ng Los Baños kasi may babalikan akong books. Ngak, nagastusan ulit ako kasi inisip ko, saan naman ako makakakita ng P45 na Ken Follett tapos me libre pang Jackie Collins na kasama? I also bought some Wilbur Smiths and Janet Daileys. Sangkatutak na naman ang dala ko pauwi. May bitbit na nga akong canvas bag para may sure akong paglalagyan na matibay. Ayun, puno lang naman sya hehehe.

All in all, I got 25 children’s books and 14 paperbacks (most are almost brand-new!) for a measly sum of P700 more or less. Ayan, looking forward akong isa-isahing basahin ang mga yun. And ang nakakatawa, ako na normally nanghihinayang sa P150 worth of roses na dinadala pauwi ng asawa ko (sobrang practical ko na ba?) eh hindi nagdalawang isip bilhin lahat ng books na yun. Uy pero sobrang appreciated ko yung uwi nyang Rosemary plant last week! Hahaha, ako nga daw ang classical example ng spendthrift na tao.


Sa Babalik

Hay na-miss ko ang mga blogs ko. One week akong di maka-computer dahil sa hard disk kong nag-crash. Buti na lang ayos na. Kinailangan na syang palitan. Tsk, tsk, ubos ang mga files ko. Burado lahat! May mga na-save akong konti sa diskette, ayun corrupted naman yung iba.

Tapos nawala din lahat ng email addresses ng mga contacts ko sa Outlook Express address book. Kaya yung mga ka-email ko dyan sa tabi-tabi, please do forgive me kung hindi ko na nasagot yung mga private emails nyo ha. Please email me back na lang kasi di ko alam saan huhugutin ang mga addresses nyo.

Hay buhay!

Sunday, July 25, 2004

Pasalubong

Natutuwa naman ako sa asawa ko. Nakauwi kagabi 3 am na kasi nag-dismantle pa sila ng World Vision booth sa Megamall. Tapos me bitbit na rosemary plant for me. Ang bango-bango! Kasi last day na nila kahapon sa Megamall eh baka matagalan bago daw sya makabalik doon. Loko talaga yun kasi nung binili daw nya, may bitbit syang iced tea tapos sinubukan muna daw nyang maglagay ng ilang dahon pang-testing. Hehehe, nata-trial pala ang herbs. Ayun masarap daw kasi may minty undertones.

Alam nya kasing aliw ako sa herbs these days. I was given seedlings ng Basil, Lemon Grass at Tarragon (yung Mint namatay, zayang!) nung isang horticulture professor na na-interview ko for a Vegetable and Herbs article two months ago. Gamit na gamit ko yung Basil sa mga tomato dishes like spaghetti and menudo. Ang bango ng dish lalo na kasi fresh leaves ang nilalagay ko. Eto at nag-iisip na ako san ko pwede gamitin yung Rosemary. Yung Lemon Grass nagamit ko kasama sa water, garlic and salt na pangpakulo ng chicken bago i-fry. Wagi!

Ang sarap ng feeling kapag nakakaluto ako ng may ingredients straight from the garden. Last year bumili si Leland sa school nila ng pechay seeds (during nutrition month) at napakinabangan namin yung mga gulay na na-grow namin! Kaso last week ang bitbit ni pogi eh Sunflower seeds. Sabi ko bakit hindi gulay, eh na-sales talk nung nagbebenta na masarap daw ang Sunflower seeds pag tumubo na. Ngak, eh ang pangit-pangit ng lasa nun! Kaya ayun, next week maghahanap kami ng place para sa seeds nya. Sana lang tumubo at mamulaklak para naman makaramdam ulit ng feeling of accomplishment itong anak ko like last year with the pechay. ;-)

Friday, July 23, 2004

Kaloka!

Minsan, nakaka-stress din ang trabahong magdamag akong nakaharap sa computer para magsulat ng mga articles ko. Para mag-unwind, binibisita ko yung Online Games ng Yahoo. Shemps, paborito ko yung mga word games. At nung na-discover ko yung Word Racer, naku ma-adik-adik ako doon. Masarap makipag-compete kasi tapos kita mong tumataas ang rating mo lalo na pag nananalo ka.  Kapareho lang sya nung Letter Linker ng Gamehouse.com pero may mga kalaban ka. Eh since feeling ko hasang-hasa na ako sa kaka-Letter Linker, punta naman ako sa competitive games.

Ang masaklap lang, kapag mabagal ang connection ng ISP ko, grabe palagi akong natatalo. Paano naman bago ma-accept yung word na isa-submit ko, may mga 10 seconds delay. Eh di by the time na ma-read ng server ng Yahoo yun, may nakasagot na at naunahan akong maka-puntos.

Eto ang matindi. Mga two weeks ago, nagkataong sinuwerte akong mabilis ang connection speed ng Infocom, hataw ako sa laro. As in para akong may winning streak dahil ang bilis ng submission ng words. Naku, maya-maya lang, may nag-instant message ba naman sa kin na kalaro ko "Ruth are you cheating?" Ack, tumaas ang kilay ko. Ako pa ang mandaya eh wala naman akong masyadong alam sa computer ano?! Sinagot ko ng "Of course not!" Aba hindi ako tinantanan at may I type pa sya ng "Sure looks like it," "You get high scores so fast!" Pano napapag-iwanan sila ng scores. Tipong nasa 1000 plus na ako, sila nasa 300-500 pa lang. Gusto ko na tuloy sagutin ng "Kasalanan ko ba kung mas matalino ako sa yo?!" hehehe as if maiintindihan nya ano. Eh mukhang kano yung username nya.

Hmp, hindi ko na nga pinansin. After a while umalis sya dun sa table. Lintsok, yung kaisa-isang gabing napatunayan ko sa sarili kong kaya kong talunin ang mga english-spokening na forengers sa vocabulary, pagbintangan ba naman akong nandaya. Masaya sya!

Friday, July 09, 2004

Simple Joys

Since yesterday, every time may magte-text sa akin ng birthday greetings for Josh, sini-save ko sa Inbox ng cel ko para pag dating nya nung hapon from school ipapabasa ko. He was smiling from ear to ear, reading all those well wishes from my sister and some friends of mine. His Ninang Sheila from the US also sent an email.

Until today, may humabol pa ng belated text. So pagdating ulit ni Josh galing school, tinawag ko and gave him my celphone. Tanong si Kuya Leland “Ano yan? Bakit mo binabasa ang celphone ni Mommy?” My proud nine year old smilingly answered, “Kasi ang daming nag-greet sa kin sa birthday ko. Si Auntie Sharon, si Ninang Sheila, si Tita Cindi, si Tita Jen ...” Kitang-kita ko sa mukha nya yung pure joy na may nakaalala sa kanya on his special day, kahit thru texts and emails lang.

Hay, ang bata nga naman, hindi natin minsan nare-realize na yung mga simpleng bagay na ganun, enough na pala para pasayahin sila ng todo. Nakakatuwa!

Thursday, July 08, 2004

On giving birth and birthdays

Grabe, nine years old na today si Joshua namin! Parang kelan lang, tinatawag ko pa si Nonoy na dalahin na ako sa hospital dahil nagco-contractions na ako at sinagot ako ng “Teka lang, di ko pa napapanood itong bagong McDo commercial na ito.” Hay naku, nakakatawa talaga asawa ko nung time na yun. Parang engs, unahin daw ba ang TV kesa sa asawang manganganak!

Si Josh lang ang ipinanganak ko na nakapasok si husbandry sa loob ng delivery room at nakapag-kuha ng pictures. Kaya si Josh lang ang may photo na dugu-duguan pa at nakabitin habang itinataas ng OB-Gyne ko. Si Josh din lang ang tanda kong nahawakan ko talaga right after ko inilabas. Dun kasi sa tatlo, puro ako bangag sa “twilight” medicine na itinurok sa akin.

Kay Leland, since first time, wipe out ako sa sobrang sakit kaya ubos ang lakas ko. I think nakatulog agad ako right after lumabas ang baby. Dun naman sa kay James, stressed labor (premature) yun kaya kinailangan syang ma-examine agad ng mga doctors so hindi na pinahawakan sa akin. Hay kay Deden naman, hindi agad dumating yung anesthesiologist (that time, feeling ko may K na akong mag-demand ng epidural dahil pang-apat na yun at ayoko ng dumanas na naman ng matinding labor pains) kaya nag-pass out ako sa pain. Ni hindi ko na alam nung lumabas si Deden. Nagising ako sa recovery room na. Buti na lang magkamukha itong sina Josh at Deden kaya sure akong hindi napalitan ang baby namin noon hehehe.

Anyway, last Monday night, habang andito pa si Noy (days-off nya from work this month is Sunday and Monday lang kasi) isinama namin si Josh sa San Pablo para bilhan ng shoes. He chose a pair with spiderman design and roller wheels. Tapos ikinain namin sa Shakey’s. Tuwa naman si bata dahil nasolo nya ang mga magulang nya. Yun na ang pinaka-treat namin sa kanya.

Mam’yang hapon, pagdating nya galing sa school, lulutuan ko na lang ng spaghetti and we’d most probably buy cake and ice cream na lang sa labas. Buti na lang low maintenance itong mga anakis ko. Nakakaintinding hindi kami rich kaya hindi pwedeng taon-taon eh may engrandeng birthday party sila. Nakakatuwa naman at sila na yung nagsasabing masaya na sila basta kasama ang family sa birthday nila.

I’m glad din to see na lumalaki si Josh na kahit sumpungin minsan eh very reliable sa ibang mga bagay. Madali syang bilinan na bantayan si James habang kakain lang ako ng lunch or dinner sa baba. Maasahan na rin na magpakain kay Panda mag-isa. At marunong magkusa na gumawa ng sariling assignments pagdating galing school.

Ang swerte kong nanay!


Thursday, July 01, 2004

Susme naman Igme!

Ang bagsik naman ng bagyong si Igme! Kahit walang nakapatong na signal dito sa amin sa Laguna, apektado pa rin kami sa malalakas na hangin at ulan. Ang masaklap pa, dalawang araw kaming patay-buhay ang kuryente. Hindi tuloy ako maka-submit-submit ng article ko via email sa editor ko kahapon eh deadline pa naman. Maiyak-iyak na ako sa inis dahil hindi pa nga tapos mag-boot up ang computer, ayan, brownout na naman!

Kapag tatawag ka ng Meralco, palaging isasagot sa yo “Ay hindi pa natin alam kelan babalik ang power. Pina-patrol pa at di pa alam saan ang trobol. Baka may linyang nabagsakan na naman ng palapa (read: dahon ng puno ng niyog).” Sa dami ng taniman ng niyog dito, tuwing hahangin ng malakas at magba-brownout, yun ang rason ng Meralco. Argh! Buti na lang kanina, after maghapong walang kuryente nagkaron din. At kahit lampas na ng office hours sa Manila, hay salamat, naka-email din ako!


Usapang commercials

Pansin nyo ba na sa dami ng commercials sa TV ngayon, nakakawindang ng pumili ng bibilhing brand names ng bawat isang product? Pero minsan, tingin ko lang ha, instead of ma-enganyo ang mga manonood na bumili ng binibentang produkto, hindi lalo bibilhin dahil nakakaasar ang commercial. Sabi ng asawa ko, pag naasar ka daw, ibig sabihin effective yung ginawa ng advertising company. May recall daw na nangyari. Sabi ko naman, paano naging effective kung hindi naman ako bumili? Ang effectiveness sa akin, gusto kong kutusan yung mga gumawa nung mga yun! Hahaha apektado ba.

Na-aalta presyon lang naman ako tuwing nakikita ko itong mga sumusunod sa TV:

1. Yung Pantene shampoo na green (walang epek sa akin ang recall factor nila dahil right now, hindi ko maisip anong definite na pangalan nun.) na may magkapatid na babae na parehong mahaba ang buhok. Susmio! Paabutin ba ng ganun kahaba ang buhok na mukhang pugad ng ibon ang kondisyon?! My golly, sino kayang niloloko nila na gaganda ang ganun kapangit na buhok in 8 weeks kung gagamitan ng Pantene? Garsh! Ganun ba katanga at kautu-uto ang tingin nila sa masang Pinoy?

2. Yung Modess napkins na may odor neutralizer chuva. Nakow, saan ka naman nakakita na kapag may dumaraan sa harap mo sa sinehan eh hindi ka sasandal sa upuan mo para maamoy mo ang pwet nung taong dumaraan? Sige, observe nyo yung guy na pagkatapos dumaan nung babae eh saka lang sumandal sa upuan nya. Eh kulang na lang idikit yung ilong nya sa pwet nung babae ah! Sabi nga nung panganay ko (10 years old) “Mommy, bakit kasi inaamoy nyang sadya yung pwet nung girl?” Pati bata pala napansin yun. Hindi nakakatuwa!

3. Yung Biolink green whitening soap. Once again, nalulungkot ako sa pinapakitang message ng commercial na ito. Bakit ba parating kailangang i-brain wash ang mga Pinay na pangit ang kulay ng balat natin? Ang masaklap pa, ipakita bang halos Negro na yung baby?! Anu yung nanay, dating Ita? Sa kin kasi, ok yung maghangad ang isang babae na gumanda ang texture at condition ng skin nya (ex. mawala ang pimples, kuminis ang balat, matanggal ang stretch marks etc.) pero yung pumuti na parang Amerikana? Napaka-absurd! Ke raming foreigners ang nagpapa-tan tapos ang mga babae dito sa atin, kumahog na bilhin ang lahat ng whitening products na mabibili sa market. So sad.

4. Mga commercials ng alak at sigarilyo na may babaeng halos lumuwa ang mga dibdib at kita ang kasingit-singitan. Ack! Beri-beri bad por the eyes op my kids. Puro lalaki pa naman! Ba’t ba hindi nila pinipili ang oras ng pag-e-air ng mga ganun????

5. Yung Rexona mini stick na merong guy na college freshman. My goodness! Kung pamangkin ko yun, hindi lang batok ang inabot sa akin nun, may kasama pa sigurong pingot sa tenga at pitik sa ilong sabay sermon ng “Utoy, wala ka sa teatro!”. Ang arteeeee grabeeee! I wonder kung merong mga teenagers na na-enganyo bumili ng Rexona after seeing that.

Hehehe, mang-okray daw ba at patulan ang commercials!

Buti na lang konti lang ang mga nakakainis. Mas marami pa rin ang nakakatuwa. Like yung sa McDo na merong new daddy na bumili ng Big Mc meal. Or yung mga J&J na may mommy at baby. Yun ang mga aliw makita. Alin nga ba ang mga commercials na nauto na akong bumili ng product nila? Hmmm…

1. Yung Rejoice reviving. Sino bang hindi mapapabilib sa buhok na literal na sumasayaw? Nga lang, nung nakabili na ako at ginamit ko na, hindi pala sya ganun kaganda sa buhok. Pero may na-discover ako, wagi sya kapag ka-partner ang conditioner na Cream Silk blue! Which, by the way, was effectively endorsed by Lea Salonga.

2. Yung Vaseline commercial na may batang nakapulot ng sumbrero. Dati Vaseline user ako, kaso after buying a sachet sa isang sari-sari store nung nagkataong nakiligo ako sa bahay ng in-laws ko sa Alabang, hindi na ako bumili ulit. Kasi mukhang peke yung nabili ko, walang amoy! Eh di ba dati nasa news parati yung mga pekeng shampoos? Sa takot kong makalbo, lie-low ako sa Vaseline. Pero nung napanood ko yung commercial, nag-try ako ulit. Shempre sa legit na grocery na ako bumili. Ayun, ganun pa rin sya, matagal ngang mawala yung fragrance sa hair.

3. Yung Purefoods Chunkee corned beef ni Kris Aquino. Solid Argentina dito sa bahay pero ni-try namin bumili nun kasi parang ang sarap ng subo ni Kris. Ngak, di naman exceptional ang lasa. Balik kaming Argentina.

4. Dati pa ito, yung Avon Anew na moisturizing cream. Sa kagustuhan kong mag-goodbye sa mga freckles ko, buylaloo ako sa aking tita na Avon lady. Sus, ke mahal mahal ng dyaske. Resulta? Namutakti ng pimples ang mukha ko dahil naging sobrang oily na pwede ng pagprituhan ng itlog! Ayun si Anew, nasa likod ata ng closet ko at hindi na nagamit muli. Mahanap nga mamya at maitapon na. Yung isang friend ko nga, nung nag Anew daw sya (nagkataong nasa office sya nung nag-try sya), after a few minutes lahat ng tao nakamulagat sa kanya. Pagtingin nya sa salamin, nagmukha daw syang si Quasimodo! Namaga lang naman ang buong mukha nya!

At marami pang iba…. Nakah, baka pag nag-enumerate ako dito eh abutin tayo ng next week. Oo na, may pagka-utu-uto rin ako minsan :P Pero all in all, practical pa rin naman ako sa maraming bagay.


Tuesday, June 22, 2004

Celebrating Fathers’ Day

Ang galing talaga ng parenting egroup namin, ang daming ideas ng mga members na applicable for everyone. Like last week, ang usapan, anong magandang gift for Fathers’ Day. April shared how she did a collage of photos ng hubby and son nya. Ayus, nagka-idea ako bigla na gayahin since Friday na eh wala pa akong maisip iregalo kay husbandry.

On Saturday afternoon, I took out all old negatives (naka-file naman lahat) since birth ng panganay namin (almost 11 years ago na!) and had those pics of the kids with Nonoy recopied. Around 30+ rolls of negatives yun. Kala nga ng tao sa photo shop milyong piso ang gagastusin ko hehehe. Actually 38 pictures lang ang pinakopya ko. Pinili ko yung may solo lang si Noy and 1 kid, saka yung group pics nilang mag-aama. Nakakatuwa kasi preserved yung mga negatives, hindi madidilaw ang lumabas na prints, parang kelan lang kinuhanan.

After dinner, bilis-bilis akong nag cut out. Buti na lang gagabihin daw ng uwi si hubby. Spent around 2+ hours. I pasted all pics on different colored construction papers (1 color for each kid, another color for group pics) para may borders. Tapos ginupit ko ang lay-out naman sa 1 whole illustration board (malaki talaga kelangan dahil apat ang tsikitings :P). Pati ako aliw dun sa mga pictures kasi kitang-kita how all the kids grew from being a tiny baby up to now. Wala akong kuha kahit isa, talagang daddy and son lahat.

Then nag-lettering lang ako sa ilalim ng "Happy Fathers' Day to the World's Greatest Dad!". Naku biglang nag-text ang Geffrey. Kala ko nasa bayan na (20 mins away). Buti nasa Alabang pa lang daw sya. Bilis-bilis kong nilagayan ng plastic cover (dami pang tira from the pambalot ng school books). Wala na akong time magpa-frame eh.

Si Leland and Deden, gumawa ng card. Nakakatawa kasi yung mga play money nila, yun ang dinikit ni Leland sa harap ng card with some drawings tapos sa loob nilagyan nya ng "Thank you daddy kasi nagwo-work ka para magkaron tayo ng money." Gaya-gaya si Deden hehehe. Si Josh kasi may sinat the whole day dahil sa tonsillitis kaya di nakagawa. Nilagay namin lahat sa sofa para pagpasok ng pinto ng daddy nila, kita agad.

Ayun tuwa naman si Mister. Unang comment "Paano ko kaya bibitbitin ito sa bus papuntang office?" hahaha. Ipapakita daw nya sa mga ka-officemate nya. Eh para namang 3 hours ang byahe bago sya makarating ng opisina tapos bitbit nya yung laking yun. Ang tagal nakatitig sa mga pics, muntik ng lumamig yung dinner na ini-prepare ko for him.

Hay pagod, pero his reaction was all worth it. Ah, what we do for the people we love!
Related Posts with Thumbnails