Wednesday, December 24, 2003

Linis-kalat, Linis-kwarto

Me na-discover akong technique pano paglilinisin ng kwarto nila ang mga anak ko. Sa dami ng kalat sa ibabaw ng desk, sa bed at sa sahig, kahit ilang ulit kong pakiusapan na magligpit, hindi talaga nila magawa ng maayos at kumpleto.

Isang araw, kumuha ako ng isang walang laman na sako ng bigas at lahat ng makita kong laruan na wala sa lugar, isinako ko. Panic yung tatlo. Daming protesta na wag daw yun, wag daw yan. Iniwan ko si sako sa gitna ng hallway kunyari me gagawin akong ibang bagay. Pagbalik ko wala ng laman ang sako at pagsilip ko, malinis na malinis ang kwarto. Nakasara pa lahat ng drawers ng durabox-for-toys nila. Epektib!

Kaya ngayon, isang warning ko lang na in 5 minutes magsa-sako sweep ako, mabilis pa sa alas-kwatrong nagliligpit ng gamit ang mga bata. Ayos talaga! Kaso kaninang hapon, napansin kong tinamad ata silang magwalis kaya comment ko agad "Wala nga kalat, andami namang alikabok!" Sagot ni Leland? "Eh Mommy yung alikabok na lang kaya ang isako mo?" Ack! Pilosopong bata!

Sunday, December 14, 2003

Baby-Switching

Ano ba yan?! Nakanood ako kagabi sa Imbestigador ng isang nakakainis na istorya tungkol sa isang nanay na nanganak sa isang hospital sa Rizal province.

Tama ba namang i-announce ng doctor na baby girl ang bata at ilagay sa records na healthy pa daw, tapos after ilang oras eh sinabihan ang nanay na namatay ang bata dahil masyadong mahina? At biglang kabig ang ospital na lalake daw ang anak nitong si misis at hindi babae. Baka daw nagkamali ang student nurse sa delivery room.

Pambihira namang kwento yan!!! Nagpa-interview yung director ng ospital (nakakapagtaka pa bang ayaw humarap sa camera ng doctor?) at mega-tanggol sya sa mga doctor nila. Sinisisi yung student nurse (na ayaw daw din humarap sa camera, o pinagbawalan nila?). Eh sus! Ngayon lang ata ako nakarinig na nurse ang nag-announce ng “I’ts a boy/girl!” Eh me doctor naman na nagpaanak. At yun mismong doctor ang itinuturo nung nanay na nagsabi ngang “Babae!”

Pinakita nina Mike Enriquez yung discharge slip nung bata, may erasures dun sa part ng Baby Boy Something, halatang pinalitan nga ng information. Tapos nag-request ang nanay na makita yung patay na sanggol para daw baka sakaling makaramdam sya ng lukso ng dugo. So sinamahan sya sa morgue ng hospital. Nanay ko! Naaagnas na yung baby! Ano ba namang facilities meron ang ospital na yun??? Kasi daw 7 days ng patay. Eh kahit na ano! Nakakagigil, ang bulok-bulok ng sistema nila!

Awang-awa ako dun sa nanay. Kahit pa sabihin ng ospital na di na daw pababayarin ng bills (hindi naman sila halatang guilty ano?) at ipapa-DNA test daw yung nanay at sanggol to prove na anak nga nya yun. Nakah, for hospital people, napakadali naman atang mag-fabricate ng results! At totoo kayang gagastos sila ng P35,000 para sa DNA testing? Ewan, hindi ako naniniwala. Ni hindi nga nila malagyan ng aircon morgue nila, papa-DNA test pa sila?!

Bilang isang ina din, nakakapang-lumo makarinig ng mga ganyang kwento ng panganganak. Sobrang nakakalungkot at nakakabwisit! Fear ko din yan tuwing manganganak ako noon. Nakakarinig na rin kasi ako ng mga kwentong nagkapalit ng babies. Gaya nung pinsan ng asawa ko na sa V. Luna nanganak. Alam nilang babae ang anak nila. Nung dinala ang baby para padedehin, pagbuklat sa diaper, lalaki ang nabigay sa kanila! Buti na lang daw, dalawa lang ang baby sa nursery that time. Pero naman! Ang engot naman ng mga nurses doon kung dadalawang bata nga lang eh nagkakamali pa! At least nabalik agad ang bata sa kanila.

Buti na lang, dun sa panganay at pangalawa kong mga anak, sila lang ang pinanganak ng araw na yun kaya walang ibang baby na lalagyan ng wrist tag. Saka maliit lang kasing hospital ang Muntinlupa Doctors. Room-in na rin agad. Sa pangatlo ko, since premature birth, sya lang naka-incubator sa nursery at pinakamaliit, kaya sure kaming anak namin yun. At sa bunso namin, kahit medyo may karamihan ng babies sa nursery nung nanganak ako, andun ang trusted pedia namin na sumambot kaya siguradong hindi napalitan. Besides, magkamukha itong si bunso at ang pangalawa kong anak. Solve!

Pero di ba, sobrang nakakaawa ang kapwa nating nanay pag may mga ganyang kwento. Sana talaga mabigyan ng katarungan yung si Jessica. At sana makonsyensya ang mga doctor dun sa lintsok na ospital na yun. Baka kasi may gustong mag-ampon ng baby girl kaya nila ginawa yun, which makes them sobrang sama! Naku nakalimutan ko pangalan nung OB. Dra. Ceresa, Cecero, Cerbeza or something. Basta! Kainis sya! Hindi sya dapat naging doctor kung wala syang malasakit sa pasyente!

Saturday, December 13, 2003

Pangarap sa Pasko

Kahapon ng tanghali, nakapanood ako ng isang portion sa Eat Bulaga kung saan nag-ga-grant sila ng Christmas wishes ng mga susulat dun sa portion (forgot the title).

Nakaka-touch kasi yung dalawang batang na-feature, ang hiling lang nila, bagong sapatos (para dun sa batang lalake na walang sapatos na pampasok sa eskwela) at bagong uniform (dun sa batang babae na conscious na nga naman lumang-luma na ang damit nya pagpasok sa school). Kakaawa. Napaka-simple ng hiling nila habang maraming mayayamang Pilipino ang sangkatutak ang damit at sapatos na hindi na halos magamit lahat sa sobrang dami.

Nakaka-bless panoorin ang mga shows na nagbibigay ng kahit konting kasiyahan sa mga kapus-palad nating mga kababayan. Sana lang hindi pang-Pasko lang. At least andyan nga pala yung Wish ko Lang ni Bernadette Sembrano. Isa pa yung show na malimit, naiiyak ako pag napapanood ko.

In line with this, baka naman gusto nyong makatulong sa mga batang mahihirap para makapag-aral. Bisitahin nyo naman ang World Vision booth sa Glorietta (andun sila hanggang Dec. 20) at magtanong para malaman paano kayo makakatulong. Sabi nga nila, "Help change the life of one child today, and you'll see you'll make a difference." Sana suportahan natin ang napakagandang endeavor na ito.

Sunday, December 07, 2003

On the piracy issue

Malimit na ngayong ipalabas ang commercial nina Bong Revilla about piracy. Ano kaya reaksyon ng maraming tao? May na-guilty ba at tumigil bumili ng pirated VCDs at DVDs? O walang paki pa rin ang karamihan sa mga Pinoy, na bumubuo sa tinatawag na masa at masasabing wala namang pambili ng mga original?

Napag-usapan ito sa isang egroup ko. Isa kasi sa members ay may anak na nagtanong sa kanya “Mommy bakit pag bumibili daw tayo ng pirated, pumapatay tayo?” Kaya nagsimula ang diskusyon. Sa mga ibinahagi ng mga kasama ko, pati ako napa-isip sa mga argumento nila. Gusto n’yo ring malaman? Halika, basahin din n’yo kung ano ang mga opinion nila tungkol sa piracy issue:

Ang tanong – NAGI-GUILTY KA BA SA PAGBILI MO NG PIRATED VCDs AT DVDs?

G: Ako heto lang, trying to justify lang ha... kasi kung maganda naman talaga ang mga movies, kung baga quality ang mga movies/songs, people would be willing to buy the original ones. Recently, I heard si Sarah Geronimo eh nagplatinum ba tawag dun? Basta nagka-record sya because of her nice song. So you see, may bumibili rin ng original, KUNG WORTH IT SYA!

The point is may market for the pirated VCDs and DVDs sa hirap ng buhay ngayon. Paginhawahin muna nila ang buhay ng Pilipino bago sila magdemand na mga anu-ano. Tax palang eh patay ka na eh! Peste sila!

N: On pirated vcds, agree ako sa sinabi ni G. Tama lang yung ayusin muna nila yung economy, bawasan ang tax na in the end ay kinukurakot lang ng mga pesteng government officials saka sila mag-impose ng mga laws tulad ng piracy chuva. Nature na ng Filipinos mag-crave for entertainment especially for movies/music but then di naman lahat can afford. Di ko lang maintindihan bakit pati yung konting bagay na yun eh ipagkakait pa. I think you should explain na lang ng maayos sa bata yung situation & tell him hindi literally pumapatay ang isang tao kapag bumili. It's a lie!

A: Ako deadma sa earth. Ang akin lang, madali for them to say that kasi kumikita sila. They can afford to go abroad kung gusto nila. E tayo naman, common tao lang. Sabi nila intellectual property rights daw nila. Sa dami ng problema sa Pinas, gusto ko lang ma-entertain na di naman masyado kung ano pa iniisip ko. Kung Philippine movies ang pinag-uusapan, may nanonood pa din naman ng sine. May bumibili pa din ng orig na VCD/DVD. Kumikita pa din sila. Ewan ko kung sino namamatay pag bumili ng pirated. Isa pa kung ikaw bumili ng pirated na Disney movie, ano kinalaman nun kay Bong Revilla? Dito siya ginawa, pero walang bearing yun sa local entertainers. Kung may magrereklamo, yung Disney ang dapat magreklamo kasi wala na silang mare-receive na royalty for that. Another point, ang bentahan ng VCD before piracy flourished: P300 minimum. Nung nagkaroon ng piracy, naibaba nila sa P150. Saan pumupunta yung P150 pa na binabayad ko noon? At syempre, di naman nila ibababa sa P150 na palugi sila. May kita pa din sila syempre. Kung hindi dahil sa piracy, walang fighting chance yung mga hanggang P200 lang ang afford ibayad for a VCD. Tsaka kung sa intellectual property rights lang, e di dapat bawal din mag-rent? Pag ikaw ba nag-rent halimbawa sa Video City, sila ba nagreremit din ng percentage sa VRB? Kasi diba ang nangyayari, yung shop lang ang kumikita for the rentals. One time lang ang kita nung nagpurchase yung shop. Bago nila ibawal ang piracy, dapat busisiin muna nila yung mas malalaking problema. Ayan na nga, nabanggit na yung tax. Eh tax pa lang, ubos na sahod mo, tapos kukurakutin lang ng kung sino. Kaya nga yung mga mahihirap, mas naghihirap pa. Ayusin muna nila yan, bigyan nila ng chance yung small business people, saka nila ibawal yung dapat ibawal. POV ko lang. Bato-bato sa langit, ang tamaan ay wag magalit.

S: IMO kasi mga bagay na di natin kaya pa i-control like yung mga batas batas na yan.... I mean di ganun kara-karaka may magagawa tayong pagbabago, it has to be a collective effort and may kasamang divine intervention. Oo na may mga gumagawa ng kalokohan, bulok ang gobyerno... etc.... Pero ang sa akin kasi conviction na rin e, nakakaramdam ako ng guilt kasi alam kong may mga taong namuhunan para dito. Mas credible naman siguro bayaran mo ang mga videohouse rentals ng sapat na halaga... than those people na wala namang pinuhunan... kumopya lang mga materials na walang silang pag-aari. Well, chicken and egg lang din ito, at least nai-explore natin ang mga issues at makakapag-isip tayo.

A: Psst S, yung mga nagpa-pirate namumuhunan din sila kasi bumibili sila ng resources (machines for mass-copying of the discs and cover paper production) pang-kopya hehehe. Nanggugulo lang po!

L: On piracy issue... hay naku, hindi rin ako nagi-guilty! Matagal na silang nandadaya ng consumers kaya it’s about time na tayo naman ang maka-isa sa kanila! Hindi ko alam kung nasulat ko dito na nung time na ni-raid ang Quiapo, nagpunta pa kami! Kaya lang nga, yun, kita namin sarado ng mga shields ng mga pulis dahil may raid pala! Bwiset talaga! Ang sabi nga ng friend ko na taga-banda, yung nangpa-pirate ng local music, malamang yung mga recording companies din mismo, kasi sila naman yung may resources para gawin yun... hindi sila talaga nalulugi kasi nga yung mga bumibili ng pirated cds sa kanila din pumupunta ang kita, nakatipid pa sila kasi hindi na sila magbabayad ng royalty sa mga singers... tsaka yang singers na yan hindi naman talaga kumikita sa album sales so hindi sila that affected ng piracy, ang bulk ng kita nila comes from concerts, TV guestings, endorsements... na come to think of it, pag pirated ang CD nila, mas madami ang nakaka-rinig sa kanila at mas nagiging popular sila, so mas madami ang raket nila! Sa totoo lang kung 100%, 10% lang ng kita ng singers ang galing sa royalty kaya hindi talaga kawalan sa kanila ang album sales. As for pirated DVDs naman, hindi nga naman nahu-hurt ang local movie industry dahil wala naman local movie ang pina-pirate, puro mga imported films kaya walang kawalan yun sa local movie industry at yung mga nagpa-pirate naman ng local movies na VCDs, karamihan din galing sa industry nila 'noh so sila din ang pumapatay sa sarili nila! Leche yang mga yan, tayo pa ang inaakusahang mamamatay tao! Hmph!

I: Government officials mismo may commission sa mga nagpa-pirate ng VCD. Yung mga nare-raid ng VRB, either hindi naglagay or excess nalang na kita yung mga nakapaglagay na.

A: Ewan ko ha....pero for some reason, kahit yung mga nagbebenta nga ng pirated warned beforehand kung may dadating na raid. Minsan kasi nagpunta kami sa Greenhills to pick up orders of pirated DVDs, yung kausap namin may ibang place na pinagkuhanan ng order namin (for safekeeping daw) kasi may expected raid daw within that day. As in, kahit yung mga additional na binili namin, sa isang bag na neatly packed kinukuha, tapos di nila nilalabas ng sabay-sabay.

G: Naku A... agree ako sa iyo na nakatulong talaga sa competition ang piracy din. Kasi kung hindi, complacent lang sila eh. Natigil din or if not, na minimize ang mga non-sense na films na feeling mo luging-lugi ka kung nanood ka man sa sinehan.

Admittedly may good things and bad things yan nadudulot. Yun nga, it taught the producers to be more prudent in their selection of artists and in making quality films. It also made them think out of the box kung pano i-drive down ang cost and at the same time produce quality products.

Bad things - feeling ko mamamatay ang industry ng video rental. Bakit ka naman mag-r-rent for P15/night or more kung makakabili ka ng P30/CD or VCD na puedeng unlimited showing? Pero I still believe hindi mamatay ang showbiz industry. To begin with, overpriced nga sila and overrated. Exaggerated yang mga artistang yan at napaka-OA, sa bagay part naman yan ng trabaho nila. They're so used to pacute-cute kasi kahit hindi marunong umarte. Limpak-limpak na bayad sa kanila kahit isang tawa lang nila kahit sintunado kumanta o parang may dalawang kaliwang paa kung sumayaw. Ay ewan, feeling ko kikita parin sila kahit na babaan kasi nila ang selling price nila sa mga pelikula na yan, at magagawa nila yan kung babaan nila kasi ang overhead nila o ang mga bayad sa artista na admittedly, overpaid talaga ang karamihan.

Hehehe,... ang daming rason anoh? Ganun naman kasi trying to justify. It's there... it's reality for me and it's an opportunity. Ganun lang yun. May difference rin naman ata (I think???) in terms of quality. Kung original at mas maganda ang packaging at mas magtatagal? Parang yung Harry Potter na nasa internet. Instead of buying the book, puede kang magtyaga sa soft copy at i-print mo. Hassle nga, pero naman mas mura magprint ano! Kaysa bumili ka ng libro. Pero di hamak naman mas maganda naman na naka-display ang libro sa cabinet, kaysa sa ni-print mo lang sa papel.

So, H... hwag na maguilty. Kung ako nga eh hindi na gi-guilty. Kasi kung mag-guilty tayo eh baka wala na tayong magawa sa buhay natin. Kahit yung pagbili ng sukang fake... sabi kasi ng asawa ko, may mga Datu Puti na fake sa mga probinsya (esp in Visayas). Mas hindi nga maasim at may shelf life. Pero yun nga, mas mura, pero mas mababa ang quality. Kung gusto mo ng original, you really have to pay a premium for that. Ngayon question is... is it really worth buying an original? Dapat yan ang iniisip ng mga producers at artista bago sila gumawa ng ingay tungkol dyan sa DVDs and VCDs.

Naku, and the list goes on and on... lahat sa everyday life natin, daming similar situations na hindi naman masabing pagnanakaw. Pero bakit ito ganun? Kasi may vested interest ang mga yan kaya sinasabi nilang bad ginagawa natin. Kung alam ko lang, mismo mga politiko and artista, may fake na VCDs and DVDs sa house! Pupusta ako dyan!

E: Sa ganang akin, kung hindi unaffordable sa common tao ang mga yan e sana yan ang tinatangkilik ng tao. Kahit naman yang si anti-piracy Czar e natsi-tsimis na 'nangongotong'. Walang pera ang tao kaya binibili nila yung makakaya lang nila. You cannot argue against economics e.


Ipagpa-umanhin po ang mga “french” words dito. Hindi galing sa akin yun pero I included them para ipakita na may mga tao talagang disgusted na sa sistema ng bansa natin. At inuulit ko lang po, lahat ng nasulat dito ay opinion ng ibang tao, hindi nanggaling sa akin. Hindi na ako magdadagdag ng opinion dahil meron na naman akong nasulat tungkol sa isyu sa isang dating post ko dito sa blog. Namangha lang ako at mas lalong napag-isip sa mga na-share nitong mga ka-egroup ko.

Alam kong napaka-sensitive ng isyung ito. Pero kung hindi natin pag-uusapan, paano natin maririnig ang panig ng mga maliliit na tao? Paano maiintindihan ang dahilan bakit nga ba hindi mawala-wala ang piracy dito sa Pilipinas?

Ngayong nabasa na ninyo ang mga argumento dito, sana lang eh mas naging malawak ang pang-unawa ng iba sa isyung ito. At please lang, kung balak nyong mambato ng kamatis, paki-tingnan muna ang sarili mo kung ikaw mismo ay hindi kailanman masasabing may ginawang sablay sa buhay mo.

Tuesday, December 02, 2003

Kwentong patawa:

Nung Sabado, nanonood ako ng Imbestigador sa channel 7. Once in a while, tumitingin din sa TV ang panganay ko habang nagdo-drawing sa kama.

Everytime lalabas si Mike Enriquez sa screen, napapatingin talaga sya. At nung bandang huli na, habang sinasabi ni Mike ang “Hindi namin kayo tatantanan!” with matching pointing finger, hindi na nakatiis ang anak ko at biglang nag-comment ng “Mommy, bakit si Mike Enriquez hindi na sumasaya?”

Hehehe, ayan lagi kasing mukhang nakasimangot, napagbintangan tuloy na hindi marunong ngumiti.

Thursday, November 27, 2003

Susmio! Bad hair day ako!

Allow me to make kwento ng aking mis-adventures kaninang umaga….

Inabot ba naman ako ng halos 1 hour na paikot-ikot ng San Pablo City just to withdraw money (need to pay bills, buy groceries and give 13th month pay sa maid namin) from an ATM! BPI has 3 branches in San Pablo. Kaso yung nasa Rizal Ave. 3 days nang (since Tuesday) offline dahil daw sa connection chuva. So I went to the M. Paulino branch. Naku wala na daw pera ang machines kaya magre-reload pa. Tanong ko, anong oras ho matatapos ang reloading? Abah ang sagot ng sikyo "Ay hindi pa naglo-load at wala pang pan-load." Huh? Bangko, walang pang-load???? Dun daw ako sa Landbank pumunta.

So punta ako ng Landbank (mga 4 blocks away). May nakalagay na papel sa screen ng ATM machine announcing "Nagre-reload ng pera." Tanong ako sa sikyo, kelan po ba matatapos yan? Sagot? "Ay one hours (take note, floral este plural form ang ginamit nya) pa." Ngek!

Naalala ko me isa pang branch ang BPI sa Regidor St. (juice ko kabilang dulo ng San Pablo itoh!) kaya pumunta ako dun. Kaso kahit naka-green ang ilaw sa ATM nila, hindi daw ma-withdrawhan ng pera. Ngek talaga. Tanong ulit ako sa sikyo saan may ibang Expressnet ATM. Dun daw sa Allied Bank kaso babayad daw ako ng charge. Ok fine, maka-withdraw lang magbabayad na ako ng P11.00. Kaso Bancnet naman pala ang Allied!

Naisip ko, PNB is Megalink so connected sa Expressnet. Balik ako sa M. Paulino St. and pumasok pa ako sa PNB just to ask a teller and make sure Expressnet capable nga ang ATM nila. Oo daw. So labas ulit ako at pumila na.

Nanay ko po! Abutin ba naman ako ng more than 20 minutes sa pila dahil andaming matanda na nagpapaturo kung paano gamitin ang ATM cards nila. Yung mga nauna sa kin sa pila, dun sa mga dalaga nagpaturo. Mga apat na matanda yun. Eh yung kasunod ko na lola, nagsabi na rin sa akin na sasabay daw sya sa loob ng booth at turuan ko daw sya. At dahil kawawa nga naman, eh di pinauna ko na gumamit nung machine with matching instructions.

So ayun, si lola naka-withdraw ng pera. Ako? Hindeeee! Sabi ng machine "Your bank is not currently connected with this ATM." Waaaah! Sa tinagal-tagal kong naghintay, wala pa rin pala!!!!

Tapos biglang naisip ko, since BPI Family yung nasa Regidor pwede akong mag-over the counter withdrawal! Balik ang Ruth sa Regidor branch. Pudpod na paa ko kakalakad. Hindi naman makapag-tricycle dahil puro one way din ang daan, aabutin ako ng syam-syam papunta sa mga pupuntahan. Hay naku, since inter-branch transaction daw (Alabang branch kasi ako) kelangan ko kausapin ang manager.

Ayun hiningan ako ng IDs. Bigay ako ng driver's license, TIN at SSS cards ko. Daming tanong! Tapos nung mukhang satisfied na sya, mag-fill up daw ako ng withdrawal slip. So fill-up naman ako. Pagbalik ko sa desk nya (may kalayuan din dun sa pirmahan table ng forms) sabi ba naman, iba daw ang signature ko. Ulitin ko daw, at kagaya dapat nung nasa driver's license ko. Balik na naman ako dun sa table ng forms. Eh nagkamali ako sa pag-fill-up ng account number ko, nagkaron ako ng erasure. Pagbalik ko sa manager, waaaah talaga! Bawal daw erasure kaya fill-up daw ulit ako.

Muntik ko ng kunin lahat ng withdrawal forms at dalhin lahat dun sa desk nung manager para hindi na nya ako pabalik-balikin. Mukha ba akong mandarambong??? Feeling ata nya lolokohin ko sya kaya ako pinapahirapan ng todo, eh sa kin naman talaga yung ATM card ano?! Napaka-inconvenient na nga ang ginawa ng BPI sa kin. For 3 days walang ma-withdrawhan sa mga branches nila tapos pagdududahan pa ako. Litsugas talaga!

Heniway, ayun pagkatapos ng lahat ng pahirap, pinapunta na ako sa teller at pwede na daw akong mag-withdraw. Pagkakuha ko ng money, sumakay na ako ng jeep at tumuloy ako ng PLDT (malayo na talaga ito, di kayang lakarin) para magbayad.

Pagkalabas ko ng PLDT office, me isang tricycle ba naman na biglang nag U turn sa tapat ko at tamang-tamang may sumalpok sa kanya na isang motorcycle. Ngarrr, ang lakas ng impact! Tumalsik yung mama na naka-motorcycle pero hindi naman ata nasugatan kasi nakatayo pa agad and confront bigla dun sa tricycle driver.

Hay ang puso ko! Mga 3 meters away lang ako sa sidewalk. Maryosep talaga. Kaya kahit medyo nginig ang tuhod ko, pumara na ako ng jeep at sumakay pabalik ng bayan.

Nag-grocery ako sa Sioland tapos pumunta ako ng Expressions to buy some school supplies. Eh nagutom na ako sa dami ng ginawa ko, pinasama ko muna sa package counter yung binili kong school supplies sa loob dahil mabigat masyado kung bibitbitin ko lahat para bumili saglit ng Pearl Cooler sa Greenwich. Abah ulit, sabi ba naman ng guard "Mam lalabas na ba kayo ng Expressions? Kasi bawal magpa-iwan ng gamit dito kung wala na kayo sa loob ng Expressions." @#$%&* naman! Bumili naman ako sa kanila, wala silang konting pakunswelo na bantayan lang ang gamit ko ng ilang minuto! Sabi ko sandali lang naman at may bibilhin lang ako saglit. Aba utang na loob ko pang pumayag sya! Grrr, kainiiiiiis!

And that was just the half of my day. Hay wag ko na nga ikwento ang kalahating araw ko, magmumukhang nobela na naman ito. Ang saving grace na lang eh, may nakuha na akong iinterviewhin for my article.

Hay basta, feeling ko kanina, para akong trumpong pinaikot-ikot ng mga tao sa San Pablo. At least ngayon, nakaupo na ako sa harap ng computer at dadaanin ko na lang sa paglalaro ng Bookworm para mawala na ng tuluyan lahat ng tensyon na inabot ko....

Monday, November 24, 2003

Kahapon, umuwi kami ng Laguna galing Manila ng mga ala-una na ng umaga. Inabot kami ng syam-syam sa byahe kasi ba naman na-flatan kami ng gulong sa South Expressway. Nung nararamdaman na ng asawa ko na me kakaiba (me clack-clack-clack na sound) ni-check nya sa labas and malapit na nga daw bumigay yung gulong. So iginapang ng takbo hanggang Calamba toll gate para daw maliwanag pagpapalit ng gulong. Abah, wala pang 2 minutes na mabagal takbo namin sa right shoulder, me kasunod na kaming toll way patrol! Ang bilis rumesponde ha.

Tapos nung mga 100 meters from the toll gate, bumigay na yung gulong. Buti slow ang takbo nung sasakyan kaya malakas na hiss lang ang narinig namin. Tumigil din yung tow truck. Nung lumalapit na yung isang mama, sabi ko kay mister, "Hindi ako magbabayad ng isang libo dyan ha!" Baka kako maningil ng harang. Eh nakarinig na ako dati ng mga storyang racket ng mga tow trucks.

Turned out they (3 sila) changed the tires and nagastusan lang kami ng P150. Tagfi-P50 silang 3. Sabi kasi bahala na daw kami. Ok na rin daw sabi ng asawa ko kasi mas mahal pa nga daw kung sa gasoline stations. Sabi ko sa kanila nung brother ko, ang tamad nila. Sagot sa kin at least di daw sila nahirapan at pinagpawisan. Hus, kala ko pa naman papairalin ang machismo, wala pala! hehehe

At least nakauwi din kami ng matiwasay at walang nangyaring masama.

Friday, November 21, 2003

Hatinggabi na, gising pa ang makulit kong bunso. Naghahanap ng cartoons. Sabi ko walang cartoons sa gabi, sa umaga lang. Nag-isip sya at sabay sabing “At pati sa hapon?” dahil nanonood nga pala sya ng Zoids pagkagaling ng school. Eto ang sumunod na mga palitan ng salita:

Mommy: Oo pati sa hapon meron palang cartoons.
Daniel: Eh sa gabi, drama lang? (drama tawag nya sa mga telenovelas)
M: Opo.
D: (nag-isip ulit) Eh Mommy, pati sa umaga meron drama! Pigtapos ng Katri meron! Kasi meron silang nisasabing Seyora!

Hehehe, yun pala ang pamantayan nya ng drama, yung merong tinatawag na Senyora.

Tuesday, November 18, 2003

Nanay Blues

Argh! Ang sakit na ng likod ko! Nakaka-apat na oras na ako hindi pa rin tapos! Ang ano? Ang project ng anak ko!

Kasi naman kung bata lang ang papagawin mo, tapos lahat ng kaklase nya eh nanay nila ang gumawa, kawawa naman ang kalalabasan ng project ng anak ko. Eh ang teacher naman hindi tinitingnan ang effort ng bata kundi ang ganda ng isinubmit. Wa akong choice! Waaah!

Last year nung grade 1 pa lang ereng si Josh, may project na ganito rin, Big Book ang tawag. Kumbaga, kelangang mag-submit ng isang malaking story book gawa sa kartolina at drawings etc. Last year, ang gastos ko. Ipinag-surf ko pa ng fairy tale sa internet at isa-isang ni-format ang pages para ma-print ng malaki ang graphics at text. Ayun hindi pa man tapos mag-print lahat (24 pages ba!), naghingalo na ang ink ng printer ko. Nakah, nasa P1,500 pala isang cartridge! Shempre hindi ko alam dati kasi libre lang naman ang ink pag bumili ka ng printer, eh ayan, naubos tuloy.

This year, ayoko ng mag-aksaya sa ink. Nag-isip ang nanay kung saan mas matipid. Eh di bumili ako ng dalawang kopya ng isang fairy tale coloring book. Pinili ko yung The Sly Fox and the Little Red Hen para naman maiba at hindi yung mga popular stories at baka lahat ng classmates ni Josh eh mala-Disney lahat ang i-submit.

Ayan, pagdating ng bahay, nilabas ko ang mga water colors at ang mga kabago-bago kong biling paint brushes (na gagamitin ko pa naman sana sa totoong painting). Inumpisahan kong i-water color ang mga drawings para ang po-problemahin ko na lang eh pagpi-print ng text na malalaki. Nakupo! Ang hirap din pala! Maya't-maya kelangan kong tumayo para lang magpalit ng tubig at nakakangalay sa likod at sa kamay.

Asus, eto at 4 hours later eh mga 75% done pa lang ako. Ahhh, gusto ko ng mag-give up! Kaya nag-computer muna ako at ng makapahinga ng konti.

Hay naku, ang hirap maging nanay talaga! Eh no choice kasi kawawa ang bata kung di mo tutulungan. Oy di ako kunsitidor ha. Kapag regular assignments naman, pinapabayaan ko ang mga batang magsagot ng sarili. Tanungan lang ako pag may hindi alam. Kaso pag projects talaga, at dahil mataas ang nakatayang grade, ayan damay si nanay. Ayoko namang mawala sa pilot section ang anak ko ano.

Oh well, kahit papano, fulfilling naman at masaya na ako pag makita ko bukas, este mamya na pala, ang ngiti ni Josh at tapos na ang project nya. Hay, teka nga at makainom muna ng Alaxan.....

Monday, November 17, 2003

Kurtina sa mga Bus

Kakagaling ko lang sa Manila kahapon. Napansin ko, wala nang mga kurtina ang karamihan sa mga bus. Buti naman! Sa magkasunod na holdapan nung isang linggo dahil sa mga kurtinang iyan, nakakatakot na tuloy magbyahe sa bus. Eh no choice naman ang mga simpleng tao (not to mention walang datung pambili ng sariling sasakyan) kundi mag-commute.

Kasama ko ang isang anak ko kahapon. Nasakyan namin ang isang Tritran bus na may transparent na pinto sa loob ng bus sa bandang gitna. Comment agad ng anak ko “Wow, ang high-tech naman ng bus na ito!” Natawa na lang ako sa sinabi ng katabi naming mama, “Kasi dun sa kalahati ordinary fare, walang aircon dun.” Ngek! Pero di ko naman ma-confirm kung totoo nga. Eh para nga naman saan kaya yung pang-hati na yun? Nahiya naman akong magtanong sa kundoktor at baka sabihan akong tsismosa :P

Wednesday, November 12, 2003

Yung VCD player namin mga 1 month na, di gumagana. Pag umuuwi asawa ko ng weekends walang time naman magpaayos. Awa na ako sa anak kong special child kasi TV at VCDs lang kaligayan nun eh pag late na sa gabi, nagtyatyaga sa mga news programs. Kanina, sa sobrang asar ko (kinakatok ko na nga yung player baka matauhan at umandar) binuksan ko na yung takip at nagkalikot ako sa loob. Abah! Umandar! Linstok talaga, tagal na di magamit tapos me kakalabitin ka lang pala sa loob para umandar. Feeling McGyver tuloy ako :D

Monday, November 10, 2003

Hay ang sarap talagang magtrabaho ng tahimik. Eto ako ngayon, gumagawa ng mga article drafts ng alas kwatro ng umaga. Kakakuha ko lang sa ref ng isang malamig na siopao. Tinamad na akong mag-microwave kaya sige, ok lang kung malamig kainin. Busog pa rin yun hehehe.

Friday, November 07, 2003

Napanood ko last week sa Entertainment Tonight yung California bush fires. Grabeng destruction! Ang natuwa ako eh nakita kong active si Governor Arnold Schwarzeneger at super supportive sa mga firefighters. Napa-email tuloy ako sa isang kaibigan ko sa San Francisco. Kinumusta ko kung malayo nga ba sila dun sa mga bush fires at napa-comment na walang-wala sina Erap at FPJ kay Arnold S. Sagot ng loka kong friend? “Eh pa’no sina Asiong Salonga at Panday lang yun, eh dito sa ‘min, Terminator!” hehehe Tawa ako ng tawa.

Wednesday, November 05, 2003

HARANG NA ITO AH!

Sa mga PLDT subscribers: Naranasan nyo na bang gumamit ng 114 for directory assistance lately? Ay naku asar na. Pa'no ang maririnig mo eh "For paid directory assistance, please call 187. Only P3.00 per call." Naman para magtatanong ka lang ng numero ng telepono eh may bayad na? Ba't ganun. Wala man lang kunswelo sa kanila eh ang yaman-yaman na nga nila.

La lang, naisip ko lang, bakit kaya kelangan ng magbayad ng mga tao para lang magtanong ng numero. Hala, mamaya pati yung yellow pages nila at printed directory eh kelangan mo ng bilhin. Teka, hindi naman kaya dito lang sa probinsya yang sistemang yan?

Ah basta, na-disappoint lang ako.

Monday, November 03, 2003

UNDAS SA PINAS

Hay tapos na naman ang todos los santos. Nakakaaliw talaga mga tradisyon sa Pinas. Pati pagdalaw sa patay eh nagmumukhang piyesta. Particularly, ang ikinatutuwa ko eh nagiging rason ito para magkasama-sama ang mga magkaka-pamilya at nagkikita-kita ang mga dating magkakakilala.

Siguro nasasabi ko yan dahil andito ako sa probinsya, baryong-baryo ang dating. Madali lang pumunta sa sementeryo dito. Walang gaanong mayayamang tao na makikipag-away dahil lang sa parking slots. Mas marami ang traysikel na nakapila at nagsasakay ng hindi maubos-ubos na mga pasahero. Umuwi ang mga kapatid ko at sama-sama kaming nagpunta at tumambay sa puntod ng tatay namin at ng mga lolo’t lola. Enjoy pa ang mga anak kong magpulot ng sticks at sunugin sa sangkatutak na kandila.

Marami kaming kamag-anak at dating kababaryo na dumaan. Habulan ng kwento tungkol sa buhay-buhay. Nakakatuwang makita ang mga malalayong pinsan namin na ngayon ay mga dalaga’t binata na, eh nung huling kita ko hanggang beywang ko lamang. Naramdaman ko tuloy biglang ang tanda ko na pala!

Pero sa Maynila, hindi na ako uulit dumalaw ng puntod kapag undas. Naranasan ko ng makasama ng pamilya ng asawa ko na pumunta sa Manila Memorial Park sa Paranaque kung saan nakalibing ang biyenan kong lalaki. Ayun, inabot kami ng halos isang oras para makahanap ng parking, tapos pagkalayo-layo pa sa puntod yung napuntahan namin. Kinailangan pang magpabalik-balik sa sasakyan para lang madala lahat ng gamit dun sa pupuntahan. Eh magdala ba naman ng banig, mga unan at canvas roof with matching poles, hingal tuloy ang asawa ko pagbitbit. Sya lang ang lalaki eh. At dahil overnight ang gusto nila dun, nilamok lang naman at nilamig kami ng todo. Bandang alas-dos ng umaga, nag-aya na akong umuwi dahil hindi makatulog ang baby namin noon. Ayun, hinatid na lang kaming mag-ina ng asawa ko sa bahay sa Alabang.

At yun na ang una at huli kong adventure ng todos los santos sa sementeryong Maynila. Hinding-hindi na ako uulit! Mas masarap pang pumasyal doon ng walang okasyon dahil tahimik at maganda ang paligid. Walang kalat, walang ingay, walang mga nakaharang na mga latag ng banig sa daraanan mo.

Kaya kahit saang anggulo ko tingnan, napaka-swerte pa rin ng mga taga-probinsya. Dito, ramdam mo ang tradisyon. Walang away, walang tutukan ng baril kapag nagkainitan ng ulo, walang problema kundi ang pangungulila sa mga minamahal na yumao. Ayan, na-miss ko na naman ang ng todo ang tatay ko….

Tuesday, October 28, 2003

KOMERSYALISMO……SA TV :)

Kayo ba eh naimpluwensyahan nang bumili ng kung ano dahil sa kakapanood ng paulit-ulit ng mga commercial sa TV? Ako, oo. Gaya nung sa Skyflakes. Magaling yung gumawa ng commercial nila ha. At dahil sa suggestions na pwedeng kainin ang Skyflakes kahit saan at kahit kelan, ilang almusal nang yun ang ka-partner ng mug of Milo ko. At masarap na combination yun. Try nyo! Isa pa yung Pancit Ulam. Nakupo, noon eh hindi ko ma-imagine sa hinagap ko na someday kakain ako ng pancit kasama ng kanin. Pero wag ka, nung first time bumili ang mister ko at nakita kong nilantakan ng mga bata with matching rice, napakain din ako. Aba, patok nga! Hmm, malaki kaya ang kinita ni Bayani Agbayani sa pag-e-endorse nun?

Shempre meron ding bad experiences sa pagpapaniwala sa mga commercials na yan. Gaya nung bumili ako ng pagkamahal-mahal na Avon Anew. Kala ko kasi pampa-clear ng skin, sobrang believable ng commercial nila. Ayun, nagmantika lang naman ang mukha ko at nagkaron ako ng sangkatutak na pimples! Pero wala yun sa sinapit ng isang kaibigan ko. Nung inapply daw nya yung Anew, namaga ang face nya at nagmukha syang si Quasimodo! Kaya ngayon, pag mahal ang product, hintay ako ng samples para siguradong hiyang sa kin. Kaya nga love na love ko ang All About You magazine at Nestle club kasi malimit silang magpadala ng product samples. Lalo na sa mga beauty products, kailangang-kailangan yung “subok muna” period. Aba, ang mamahal din naman nga mga yun!

Tapos, merong mga commercial na over na. Sus, sino ba namang maniniwala na hindi computer-generated yung mga shampoo commercials ano? Parang sobrang ganda naman nung buhok nung babae dun sa Sunsilk na paganda nang paganda. Tapos yung sa Rejoice reunion chuva, kintab nga ng buhok nung girl pero ampangit naman ng gupit n'ya :P Hehehe, mang-okray ba? At naalala n’yo ba yung Sunsilk commercial na may sinasabing “para walang takas”? Natawa na lang ako nung minsang naka-ponytail ako at biglang nag-comment ang anak ko ng “Mommy, dami mong takas na buhok! Di ka kasi nagki-Creamsilk!” Ngek, may memory recall nga kaso mali ang product!

Meron ba kayong kinaiinisang commercials? Ako, marami! Sabi ng asawa ko, kaya nga daw binabaduyan ng todo ang approach dun sa iba, mas malaki ang chance na maalala ng viewers. Yung sa Sinigang mix with sili, di ba parang nagle-labor yung babae tapos mega breathing excercises pa sya. Ngak, naanghangan lang pala sa sinigang na hipon. Comment ulit ang anak ko “Mommy, para naman syang nanganak ng hipon!” Grrr, OA! At masasabi kong wa-epek sa kin yun dahil hindi ako mahilig sa maanghang kaya no sale ang sinigang mix na yan dito sa amin.

Hay marami pa akong komento kaso baka di matapos ang write-up na ito kaya iwanan ko na lang kayo ng payo, from one consumer to another: Wag basta magpapaniwala sa commercials. Mas magandang humingi muna ng feedback sa mga kamag-anak at kaibigan para siguradong maganda ang produktong pagkakagastusan mo. Sige kayo, mahirap nang kumita ng pera ngayon dito sa Pilipinas.

Monday, October 27, 2003

Wow, meron na palang sem-break ang mga elementary and preschools ngayon! Dati kasi eh naranasan ko lang mag sem-break nung high school ako sa Rural High sa Los Baños. Sabagay matagal-tagal na rin yun. Mukhang isa ito sa mga pauso ng DECS ngayon. Ok na rin na makapag-pahinga ang mga bata kahit isang linggo lang.

Kaya hala, starting tomorrow eh dalawang bata ang mangungulit marahil sa akin na makisingit sa computer buong linggo. Buti na lang at na-schedule ang sem-break ng bunso ko na preschool sa isang linggo pa kaya menos ng isa ang pampasakit ng ulo ko.

Hay, kelangang mag-isip ng mga activities na pang-aliw sa mga bakasyonista at ng di magkaron ng maraming time para sa mischief. Wish me luck!

Saturday, October 25, 2003

I just joined Friendster. Mukhang bagong uso ito ah. I haven't explored yet lahat ng features pero from a review made by the editor of FeMail (Femalenetwork's e-newsletter) maganda daw. A lot of my friends are already members and addicting daw! So far di pa naman ako addict hehehe. We'll see after about a week. I hope I can get connected kasi again with old friends I've lost contact with through the years. Sana ma-meet ko ulit sila. If you're interested, just go to the Friendster's website.

Wednesday, October 22, 2003

Mababaw na kung mababaw ang kaligayahan ko pero tuwang-tuwa talaga ako kanina. Kasi naman, sa dinami-dami ng reruns ng Ally McBeal sa RPN 9, palaging season 5 ang pinapakita nila eh di na ganun kaganda ang mga episodes dun. Hindi na tuloy ako nanonood. Tapos kanina, nung nagsi-switch ako ng channels, nakita ko Ally na sa channel 9. Napansin ko lang yung scene parang season 4 eppy. So pinanood ko... Alright! Tama ang kutob ko dahil andun nga ang super-duper crush kong si Robert Downey Jr.! O yan alam nyo na sinong kaisa-isang artista ang obsession ko hehehe.

Naku mukhang magiging couch potato na naman ako nito tuwing Tuesday nights dahil for sure papanoorin ko yung mga eppys na yun just for a glimpse of him :) Hay naku, ewan nga ba at bakit aliw na aliw ako kay RDJ. Ang galing kasing mag-act (proof: watch Chaplin the movie among other things) tapos gwapo-gwapo pa with matching nakakatunaw na eyes. Ah basta, magaling s'ya kaya kung sino pa man senyo ang RDJ fans dyan, pagkakataon ng mapanood ulit sya as Larry Paul. Pramis, sobrang charming ng character nya doon. Wait until you see the episode na guest si Sting at kumanta silang dalawa ng "Ev'ry Breath You Take" kasi for sure, hahanga kayo sa galing ng boses ni RDJ. Hmmm, kelan kaya sya gagawa ng sariling album?

Ooops, sobrang ramblings na ito. Wala lang, gusto ko lang talagang i-share yung katuwaan ko na napanood ko ulit sya sa TV kanina :D Oo na! Mababaw ako!

Tuesday, October 07, 2003

Kwentong Celphone

Wala na akong celphone. Ganun lang kasimple yun. Kaninang umaga pumunta ako ng UPLB dahil nag-interview ako ng isang professor para sa isang article ko. Bago sumakay ng jeep pauwi, nakakita ako ng display ng mga celphone housing so bumili ako. 5110 na nga lang phone ko, yoko namang magmukhang gusgusin pa. Ibinili ko rin nga ng housing ang celphone ng nanay ko para naman mapalitan na ng malambot yung keypad nya, tigas kasi gamitin.

Tapos sumakay na ko ng jeep. Nag-text pa sa kin ang friend ko na binati ko ng happy birthday kaninang umaga. I don’t know kung naging sobrang attractive ba sa mata nung housing na nabili ko at napagdiskitahan ang telepono ko. Kulay sky blue and white. Yung backpack ko nasa lap ko. Yung zipper nasa left side ko ang opening. Alam kong sinasara ko ang zipper pagkatapos ko ilagay dun ulit ang cel sa loob ng bag.

Nung naisipan kong i-text ang editor ko kung na-receive na nya yung sinubmit kong article sa kanya via email kahapon, hindi ko makapa ang celphone ko. Medyo nag-panic na ako. Then yung mama na katabi ko sa left, biglang pumara. At the back of my mind parang gusto ko sya pigilan bumaba para tanungin kung nasa kanya yung cel ko. Kaso inabutan ako ng hiya dahil baka mali at di ko pa nase-search lahat ng pockets ng bag ko. After thorough searching, ayun wala na talaga at nakababa na yung mama.

Medyo hysterical na ako and asked yung mga katapat kong nakaupo kung me napansin silang cel na nalaglag. Sabi nung bading, “Yung blue na hawak mo? Naku baka kinuha na nung mama na bumaba.” Nanlambot na ako.

Reaching the city, I rushed to buy a PLDT phonecard and called my cel #. Wala, nag-ring lang hanggang naputol. Tapos I tried calling my hubby, hindi nya sinasagot phone nya, baka super busy at maingay sa workplace kaya di naririnig. I looked at my address book sa wallet ko, hindi na updated and # lang ng brother ko ang nakita ko dun. I was able to contact him and told him na mag-text and pretend na kamustahin si kuya nya kung nakalabas na ng hospital at kung me nakuha na akong money para pambayad. Engot ba at gumawa pa ng kwento? In my panicky and confused state of shock, naisip ko lang baka sakaling maawa pa at ibalik ang phone ko.

Grabe, ganito pala ang feeling ng nawalan ng cel—taranta, panic, galit, naiiyak, nanginginig buong katawan. Sus, ang cheap na nga ng fone ko pinag-interesan pa! Ni hindi ko na nga pinangarap magpa-upgrade ng unit or bumili ng bago kasi ok na sa kin na me nagagamit ako for communication. Mas marami akong kelangang i-prioritize para sa mga anak ko. Mostly, nanghihinayang ako dun sa sim. Andaming phone numbers dun na di ko pa naisusulat sa main address book ko dito sa bahay. Alam nyo yun, yung tipong madaliang hingian ng number at hanggang celphone na lang naso-store. Wala pa naman akong sauladong numbers aside from sa kin at sa asawa ko. Yun ding number na yun ang alam ng lahat ng clients ko so I guess dami sigurong mawawalang assignment sa kin L

Ngayon bigla ko naisip, baka nga it’s time to let my celphone go. Nun kasing field trip ng bunso ko last week, nalaglag yung cel na yun from my bag sa lupa while I was tying his shoes sa isang stop-over para mag-CR ang mga bata. Me isang nanay ang nag-alert sa kin na nahulog daw kaya super thankful ako na kahit naputikan pa eh hindi nawala. Kaso natuluyan na rin today. Hay buhay!

As I was riding another jeep home, gusto ko maiyak. Lifeline kasi celphone eh di ba? I felt so helpless and stupid for letting that happen. Nung nanakawan hubby ko sa bus ng celphone last year dahil natulog sya, inalaska ko ng todo. At mas affected pa ako kesa sa kanya. Sobrang hinayang ko talaga. Ngayon eto at gising na gising ako nung nangyari, ni hindi ko man lang namalayan na nanakawan na ako. Ang tanga ko!!!!

Dami tuloy “sana” na pumasok sa isipan ko…Sana di na ako bumili ng housing, siguro di ko nakasakay yung mamang magnanakaw…Sana naging alert ako…Sana nilagay ko na lang sa bulsa ng jeans ko ang cel ko. I normally do that kasi pero today sa bag ko sya nalagay…Sana mas kailangan nung mama na yun ang celphone. Pero itinataga ko sa bato na ipapa-block ko ang serial number nun sa NTC at magbayad sya para ma-unblock! … Sana ma-karma sya! Hehehe, vindictive ba?….Ah basta, sana wala na lang masamang tao sa mundo…Sana hindi na maghirap ang Pilipinas para di na kelangan ng mga tao na magnakaw…

So there, wala na and I don’t know kung me katiting na chance mabalik pa sya sa kin. Ang prayer ko nga kanina sa jeep “Lord, don’t let me hold on to material things. Pwede ko naman pag-ipunan pa yan. What’s important eh hindi ako nasaktan physically or nawalan ng wallet.” Natuto na rin ako ngayon na next time, pag nasa labas ako ng bahay, maging doble-doble ingat sa lahat ng oras. Lagi pa naman akong nagco-commute.

Pagdating ko ng bahay, sinalubong ako ni bunsoy. Seeing him made me more thankful na celphone lang nawala sa buhay ko. Andito naman sa tabi ko ang mga taong mahal ko. Pag pasok ko ng kwarto, smile sa kin agad si James, ang special child namin. Blessed pa rin ako! At eto me internet connection pa naman ako kaya kahit dito sa blog nakukwentuhan ko kayo ng nangyari. Writing it down too helps me let the pain out. Sakit din kasi sa loob eh.

Sana etong experience ko na na-share ko senyo eh kapulutan nyo ng aral. Ngek, nobela na ata ang nilabasan. Basta ang moral lesson today eh mag-ingat sa lahat ng oras at mag-trust kay Lord na He lets things happen for a reason. Hindi ko man maintindihan ngayon bakit, pero umaasa akong mananalo ng celphone sa raffle, este mapapag-ipunan ko din ang pambili ng bagong celphone.

Ingat mga friends. Salamat sa pagbabasa. Gumaan-gaan na ang pakiramdam ko. Eto nga’t sinisipon na ako kakapigil ng iyak. Babu at sisinga muna ako sa tisyu!

Monday, October 06, 2003

Hay naku, tagal ko na palang di naka-post dito. Pano, nasira ang video card ng computer ko at lahat ng windows at fonts eh giant size! Kandaduling akong magbasa ng emails for almost 3 weeks! Buti at naayos na ng bro-in-law ko. Ang hirap pala talaga pag nasanay kang computer ang companion sa madaling-araw -- oo na, me lahi na akong aswang! hehehe.

Mas madali kasi magsulat kapag tahimik ang buong paligid at wala ng mga batang nangungulit na "Gusto kong mag-Jumpstart!".

Tapos na kaya yung Kris-Joey issue? Sana naman. Aba'y pati si First Gentleman siguro eh laking hinga na natabunan ang mga issues nya ano. Nakow, wala akong pasensya magbantay ng mga pahayag na paulit-ulit lang naman ang sabi. Kung maabutan ko man sa news, ok fine. Pero di ko na inambisyon na lahat ng palabas eh bantayan para lang makasagap ng pinaka-bago. Mas masarap pang matulog!

Kung di pa sa mga ka-egroup ko, hindi ako maa-update. Pero ewan ba at wala akong kagana-gana sa pinagsasabi ng dalawang panig. Magulo silaaaa! Asus, basta ang masasabi ko lang dyan, BUTI NA LANG HINDI NILA AKO FAN! Sayang lang oras ko maki-chism sa buhay nila. Pero ha, mukhang nabuhay lahat ng dugo ng karamihan sa mga Pinoy. Tsk, tsk, tsk, ganito na lang kaya tayo palagi, uzi forever? Mas importante ang chismis kesa sa mga isyung pambasa na dapat eh tutukan natin?

Kelan kaya uunlad ang Pilipinas??? *buntung-hininga*

Monday, September 22, 2003

Yehey! Nag-start na new season ang Survivor! Ewan ba at sa lahat ng reality shows, ito lang at ang Amazing Race ang talagang pinapanood ko. Kahit pa merong mga rumors na maraming peke sa production – like hindi naman daw talaga ginugutom ang mga players at etching lang ang mga hirap nila dun, enjoy pa ring panoorin. At least yung challenges mukhang totoo naman. Nakakabilib lang kasi what people would do just to win a game. Naalala ko isang season, merong mga naglagay ng fresh fish (as in hindi luto at siguradong super lansa) sa bibig nila, aside from dun sa hawak ng kamay, during a challenge para mapadali ang paglipat ng mga isda from one container to another. La lang, naa-amaze lang talaga ako sa capacity for a lot of things ng human race.
On --novelas

Nauso at nauso ang chinovelas, hindi ako na-hook sa Meteor Garden fever. Hindi tuloy ako maka-relate sa mga kwentuhan ng iba kong kaibigan hehehe. Ang nakakatawa,, dahil singkitin ako, palagi akong nabibirong “San Chai” kahit hindi ko sya kilala noon. Pati pamangkin kong 3 years old, sa kakapanood ng yaya nya ng MG, nung dumalaw dito bahay ang unang bati sa kin eh “Auntie Wuth, Tan Tai!” Tawanan tuloy lahat.

Tapos last week, nung nagsimula yung “My Love, Cindy” (ang corny ng title!) sa GMA, pinanood ng mga anak ko. Pa’no sa advertisement, daming clowns and parade ang pinakita. Setting pa was a theme park. Kala ng mga tsikiting, pambata. Yung lead character na si Cindy, medyo sumpungin at palaging may kaaway kaya laging “bad trip” ang disposition.

Nung weekend, dahil maghapong nasa bahay ang mga makukulit kong anak, hindi maiwasang mapagalitan ko ng ilang beses sa dami ng mga kalokohan. Puro boys kasi kaya laging mukhang wrestling arena ang bahay namin. Bandang hapon, after another “sabunan” blues, biglang nagsalita ang panganay ko “Mommy, alam mo kamukha mo si Cindi!” Isip ko, ah kasi singkit na naman katulad ni San Chai. Ngek, may kasunod pa pala kasi humirit pa ang batang wais, “Kasi lagi kang galit!” Ayun natawa tuloy ako. Ang galing talagang mag-dissolve ng sermon nitong mga ito. Tsk, tsk, tsk, ang labas tuloy minsan, uto-uto na ako :D

Pero ha, fantastic talaga ang trends dito sa Pinas! Dati mexican chuva ang kinababaliwan, ngayon mga Asian naman. Oh well, at least getting closer to home. Although frankly, hindi ako pala-panood ng mga tele-novela. Nabo-bore ako kakahintay ng ending! Dati nun, hooked na hooked ang biyenan ko sa Mara Clara so wa akong magawa kundi makinood din. Aruuu, katagal matapos! At least yung mga foreign ones, may lifespan talaga, hindi yung pipigain at ida-drag ng mga writers habang type ng tao hanggang hindi matapos-tapos.

Heniways, tama na sa kin ang weekly obsessions kong Charmed, The Pretender at Survivor. Pag lumampas pa dun, baka wala na akong magawang trabaho sa bahay!

Thursday, September 18, 2003

Last week napanood ko yung ilang episodes ng Extra Challenge. Ok ang naisip nilang concept, ginawang taong-grasa ang mga artista tapos pinagala sa kalye doing typical homeless-person things. Di ko ata kaya yun -- namalimos, natulog sa damuhan sa QC circle, pinahuli sa pulis at nagkalkal sa tambakan ng basura! And to top it off, bawal maligo for the whole duration of the challenge. As in! Nanlilimahid sila ng ilang araw.

Kahit may discouraging moments eh go na go talaga yung mga challengers para tapusin yung game. Hmmm, magkano kaya binayad sa mga yun to do all those things?

Pero in fairness, mukhang marami talaga silang realizations na naranasan. Ibang klase na siguro talaga yung ikaw mismo ang makaranas na layuan at pandirihan ng tao dahil madumi at mabaho ka. At ang mamalimos ng pera para may pambili ka ng makakain at the end of the day. Man, that was something!

Bumilib ako sa pinagdaanan nila!

Nga lang, nakakalungkot isipin na merong mga totoong tao na ganun ang mismong pinagdadaanan sa araw-araw. Na reality pa rin sa bansa natin na maraming taong-grasa at mga palaboy ng kalye ang araw-araw eh nahihirapang maghanap ng ikabubuhay nila :( Hay, kelan nga kaya magkakaron ng magandang pagbabago? Kakalungkot ...

Thursday, September 11, 2003

Katawa naman ang pangalan ng bagong bagyo -- Pogi! Ganun na ba kaunti ang choices ng Pag-Asa? Sabagay, ok na rin kasi may humor, Pinoy na Pinoy ang dating. Naaliw lang ako sa comment ng isang kaibigan ko: nung umulan daw sa kanila ang sinabi nya "Andyan na si Pogi!" Biglang tingin sa kanya ang asawa nya at may pagdududang nagtanong "Ano? Sinong Pogi ha?!" hehehe

Ayan pati pangalan ng bagyo, pwede na pala ngayong pagsimulan ng away.

Wednesday, September 10, 2003

Ang weird na ng anak ko waah! Magli-limang taon pa lang pero kolokoy na sobra. Kahapon kasi takbo sya sa kin at nagsabing "Mommy may visitor dun sa baba!" Tanong ko "Sino?" Nanlalaki ang matang sumagot "Si Lola Ocean!" Eh di biglang kumunot noo ko. Papano kakamatay lang ng Lola Osyang ko last month, pano naman bibisita yun ano?!

Ang lokong bata humirit pa "Ay sabi sa yo Mommy, hindi patay si Lola Ocean" with matching patango-tango. Hindi ko alam kung matatawa ako o maloloka. Pagbaba ko sa 1st floor, ayun kausap ng nanay ko yung isang kamag-anak naming matanda na puti ang buhok. Pagtingin ko kay Deden, ngingisi-ngisi lang. Ay sus!

Monday, September 08, 2003

PETITION PARA MAG-RESIGN SI LACSON

May mga ka-egroup ako na nagpadala ng link kung saan pwedeng mag-sign dun sa petition para mag-resign si Sen. Lacson. Balak ko na talagang mag-sign kaso sinilip ko muna yung mga previous signatures. Naman! Tama ba namang hanggang doon eh gagawan pa rin ng kalokohan ng ibang Pinoy? Pa'no, merong mga naka-sign na Jose Pidal, King of Brunei Abdulah, Yaser Arafat, Ping Lacson (?!) -- at di lang isang beses ha, marami!, at kung sino-sino pang alam mo namang di magsa-sign dun!

Masisisi nyo ba ako kung na-turn off na lang ako mag-sign? Kasi pakiramdam ko eh walang katuturan ang gawin yang bagay na yan. Sa tingin nyo kaya mare-recognize pang valid yan kung maraming signatories eh puro kagaguhan (excuse the word pero wala akong ibang maipang-describe) lang? Sorry pero di ko sasayangin at ibabandera ang pangalan ko sa isang bagay na sa opinion ko eh walang pupuntahan.

Hay kakalungkot! Kaya nagkakaganito ang bansa natin eh!

Wednesday, September 03, 2003

O registration na daw para sa election. At dahil ang voting precinct kung saan kami naka-register mag-asawa eh sa Alabang pa, binalak namin ipalipat dito sa Laguna. Para naman hindi yung kelangan pa naming lumuwas para lang makaboto. Eh nung huling eleksyon nga, dinedma ko na lang ang botohan dahil napapagod akong magbyahe. Si mister na lang ang lumuwas.

Kaya ayun, yung pinsan kong nagtatrabaho sa munisipyo (nasa baryo kami at mga 5 minutes ride din ang pa-bayan) tumawag sa kin para sabihing mondays to fridays daw eh open hanggang 8 pm ang registration center. Tamang-tama umuwi ng maaga ang husband ko at hinatak kong pumunta ng munisipyo ng ala-sais ng gabi. Sakay kami ng jeep. Pagdating namin dun, walang tao! Naku naman, salubong tuloy ang kilay ko. Nagtanong pa kami sa mga naka-tambay na pulis dun sa katabing outpost. Naku eh nakaalis na daw. Nag-comment pa yung isa "Aba'y bakit hanggang alas-otso ang nakalagay dine?" sabay turo sa isang nakapaskel sa dingding. Aba'y bakit nga kaya kung di naman pala masusunod?! Gagawa-gawa sila ng extended time para sa mga walang oras pumunta ng office hours, di rin naman susundin. Grrrr!

At para aliwin na lang ako, sabi ni Geff lakad daw kami papunta dun sa may kanto at bumili na lang ng isaw. Hay naku, nadagdagan tuloy ang uric acid ko sa katawan. Pero in fairness, masarap yung isaw!

Nung isang linggo pa nangyari ang lahat ng yan. Hindi pa ulit kami bumabalik para magpa-rehistro. Ay linstok, since hanggang December pa pala yan, maghintay na lang sila kelan ulit kami pwedeng pumunta. Ang lagay eh kami pa ang mag-a-adjust ng schedule namin para sa kanila? No way!

Sunday, August 31, 2003

Ang bata nga naman, minsan profound din sila ano? Eto kasing pangalawa kong anak, tanong ba naman sa kin nung isang araw eh "Mommy, magkano ang bahay?". Napa-double take ako bigla, "Baket?" Nag-isip muna bago sumagot si paslit, "Kasi gusto ko merong akong sariling bahay. Mag-isa lang ako." (Naisip kong medyo napipikon na siguro sa mga away nila ni kuya nya at pamemeste lagi sa kanya ng bunsoy namin). Sumagot ako "Mga 1 million pesos. Me ibibili ka ba?" Sagot nya, "Wala pa pero pag-iipunan ko yun." *pause* "Kasi Mommy ang liit ng bear (alkansya nya) ko eh. Bilhan mo ko nung malaking pig katulad nung sa classmate ko." Kaya pinangakuan ko na lang na next time akong magawi ng SM eh bibilhan ko sya nung baboy (di ba masagwang pakinggan? :P) na gusto nya. Asus, meron na palang problem solving skills dahil meron syang plans to reach his goal. Bumilib ako ha. Pasensya na at proud nanay ako ngayon pero ibang klase talaga 'tong anak ko. May dating!

Monday, August 25, 2003

La lang, pansin ko lang lately ang bonding time naming mag-anak eh puro tungkol sa pagkain! As in, mapa-lutong hotcake o popcorn o spaghetti with the kids or hubby's request for menudo o escabeche, nakakahalata na akong malakas kumain ang mag-aama ko :) Pati brother kong every weekend lang umuuwi, may-I-request din ng mga gusto nyang luto ko. Tuwa naman ako pag palaging ubos ang food na hinahanda ko sa kanila. At least feel na feel ko ang purpose ko sa kusina hehehe.

Pero nakakatuwa isipin na kahit sa pagkain ng chichiria eh sama-sama together pa kami lalo na pag weekends at pwedeng mag-stay up late ang mga bata. Maginhawa ang feeling pag andun kami lahat sa kama, watching a movie and munching on anything I can cook-up late at night. Suki na nga kami ng Lucky Me Pancit Canton eh. Buti na lang at di naghahanap ng softdrinks 'tong mga tsikiting ko, Tang litro pack lang eh solve na kaming lahat.

Hmmm, teka at nagpapaluto ang bunsoy ko ng French Toast ... oo, tapos na dinner pero kakain ulit kami! Ano ginutom din kayo? ;)

Friday, August 22, 2003

Good news sa mga internet prepaid card users! Infocom has unlimited surfing hours now from 12 mn to 7 am, yahoo! Kelangan mo lang i-personalize ang account name and password mo tapos ok na. Which is mas madali dahil di mo na kelangan tandaan ang username and password ng card mo everytime you use dial-up. Hay salamat, malaking tipid sa internet hours. Try nyo na! Ako, ilang buwan ng gumagamit ng Infocom dahil nga sa libreng surfing hours pag madaling araw. Kala ko hanggang August 31 lang pero ginawa na nilang forever! Tamang-tama kasi yun ang time na nakakasulat ako ng matino para sa mga articles ko. Ayos na ayos!

Thursday, August 14, 2003

Bakit ganun? A-advertise-advertise ang Globe na pag may P100 ka eh pwede ka ng magka-load. Eh hindi naman! Pa'no nung isang araw, paubos na ang load ko eh P110 na lang pera ko sa wallet. Binalak kong bumili ng lintsak na Globe 100 na yan. Aba eh P110 daw! Nakow eh di wala na akong pamasahe pauwi sa amin nyan??? Kainis sila ha. Ayun napa-withdraw tuloy ako ng di oras sa BPI para yung Globe 300 na lang ang bilhin dahil P275 lang.

Pero bad trip pa rin! Kung ako ngang nanay na eh nagtitipid, pano na yung mga studyanteng limited ang allowance? Kaya nga di na ako magtataka na halos lahat ata ng studyanteng kilala ko eh naka-Smart o Talk n Text na lang. Pano sa halagang P30 ba naman eh me load ka na!

Hay kung di lang importante ang celphone number ko dahil lahat ng clients ko eh yun ang alam at yun ang nire-refer sa mga ibang possible clients na mangangailangan ng freelance writer, boboykotin ko na ang Globe eh. Sobrang Conyo pa rin sila eh di naman lahat ng subscribers nila milyonaryo!

Sorry sa ranting, inis lang talaga ako :S

Thursday, July 31, 2003

Natutuwa ako! Meron na akong Mercury Drug Suki Card! hehehe. Ang babaw ano? Kaya lang pag nanay ata talaga, lahat ng discounts, rebates at kung ano pang matitipid gagawin mo. Aba, sa halip na magbayad ng P100 na membership fee, nag-ipon ako ng mga resibo worth P1000! Tapos nung naka-apply na ako, mabilis lang pala yun, bigay agad ang card.

Eh di after ko bumili ng gamot dun sa pharmacy counter, punta ako sa grocery section. Bumili ako ng Milo and some other things. Ayos, nagamit agad si card nung magbabayad na ako. Ang natuwa ako, pagbigay ng resibo, nakita kong may discount agad yung Milo item which they give to Suki Card holders. O di va, masaya!

Pati nga sa Shopwise meron akong Wise Card. Hindi rin ako nagbayad ng P300 para sa application fee, nag-ipon ako ng receipts worth P5000. Ganda nga namang promo yang mga ganyan. Biro mo, after shopping (at reasonable prices pa -- ehem, grocery wise lang ha, pang Ayala Alabangers ang prices ng department store items nila eh) makakakuha ka pa ng gift certificate pag naka-reach ka ng certain quota. Sa hirap ng buhay sa Pilipinas ngayon, wagi!

Ngayon ang pinag-iipunan ko namang receipts eh yung sa National Bookstore para magkaron ako ng Laking National Card. Hehehe, sabi ng ng asawa ko, magaling daw akong maka-amoy ng bargain. Eh shempre, nanay ako!

Saturday, July 19, 2003

Ang hirap ng walang computer! Isang linggo akong nawalan ng connection sa virtual realm dahil nasira ang modem ko. Grabe, para akong naputulan ng kamay! Sobrang parte na ng buhay ko ang emails galing sa mga kaibigan ko araw-araw, not to mention yung mga work emails ko from my editors. Waaah, ngayon ko lang napatunayang computer addict na nga ako!

Bakit naman kasi umulan lang ng konti eh nawawala ng bigla ang kuryente. Ito talagang Meralco na ituuuu, sarap katukan. Ayan natuluyan ang modem ko at kinailangan pang palitan ng bago. Buti na lang mabait ang bayaw ko na nagtatrabaho sa isang computer company, inayos nya ng libre ang computer ko. Kaya Louie, may utang na naman ako sa yo! Salamat bro! :)

Friday, July 11, 2003

Naku isa pang itong discovery ko. Kaines, ngayon ko lang din nalaman eh matagal na palang nabubuhay! Kung ang mga taga US pwedeng mag-text for free sa mga taga Pinas thru Chikka, pwede palang mag-text naman ang mga Pinoy ng libre sa mga kamag-anak at kaibigan sa US, gamit ang Yahoo Messenger! Asus, ketagal kong pinagtyagaan ang 1rstwap.com na palaging palpak ang service, meron naman palang andito na mismo sa desktop ko.

Ika nga ng mga kaibigan kong "stars" (mga ka-egroup kong mababait) ... Ay buyay!

Thursday, June 19, 2003

Sa mga kapwa ko Pinoy dito man o dyan sa abroad, in case di nyo pa alam, pwede kayong mag-text sa kahit sino dito sa Pilipinas FREE! Pwede pang gamitin via email lang or using your registered celphone #. Kelangan lang mag-register sa chikka.com and fire away! Asus, ngayon ko lang na-discover ito, sana pala noon pa at ng nakarami ng text sa mga kamag-anak at kaibigan ko abroad. Chikka na!

Sunday, June 15, 2003

Araw ng mga Tatay ngayon. Ayan, na-miss ko na naman ang tatay ko. Naka-tatlong taon na rin pala since namatay s'ya. Minsan dinadalaw n'ya ako sa panaginip at paggising ko, ramdam ko pa yung yakap n'ya. Buti na lang at alam ni Tatay na matatakutin ako kaya sa panaginip na lang nagpapakita. Totoo talaga na kahit mawala na sa mundo ang isang tao, naiiwan pa rin ang alaala n'ya sa puso ng mga nagmamahal sa kanya. Hay, nami-miss ko talaga tatay ko. Sobra kasing mabiro yun eh. At saka nung nawalan ako ng yaya, s'ya ang nag-aalaga kay Deden pag wala syang pasok sa opisina. Nakakatuwa na tuwing umaga, ipinapasyal ni tatay si Deden sa buong baryo para daw mainitan naman. Kaya kahit mga hindi ko kilalang tao, bumabati sa amin pag dala ko ang anak ko sa labas. At dahil sobrang matulungin itong tatay ko, maraming tao ang alam kong nagmamahal sa kanya. Kaya nga nung libing nya dati, sabi ng mga tao, yun daw ang pinakamahabang libing sa history ng baryo namin. As in lahat ng tao sa bawat bahay meron at least isang representative na sumama. Minsan naiisip ko, sana pag ako din nawala sa mundo marami pa ring makakaalala sa kin, gaya ng tatay ko. Kaya 'Tay, kahit wala ka na, Happy Father's Day! 'Lam mo namang labs na labs kita.

Saturday, June 14, 2003

Nung isang araw, isinama ko si Daniel, ang aking bunso, dun sa magtatahi ng shorts nya para sa school uniform. On the way pabalik ng bahay, dahil probinsya dito sa amin, maraming halaman at ligaw na damo sa paligid. Nakakita ako ng makahiya (sci. name: mimosa pudica) at pina-galaw ko sa kanya ang isang kumpol ng dahon. Ayos! Nanlaki ang mata ni bata at biglang ngumiti ng nakakatuwa. Aliw na aliw sya! At shempre tuwa naman ang nanay dahil ang sarap ng pakiramdam na may naipakita kang bago na pagkakatuwaan ng anak. Ika nga ng Kodak, "the moment was priceless!"

Wednesday, June 11, 2003

Nakakainis! ang bagal-bagal ng dial-up internet connection. Minsan paputol-putol pa. Hay naku, kung afford ko lang sana yang DSL ng PLDT eh di go na! Kaya lang para namang napakalaking ba-budgetan buwan-buwan ang P2500 ano. Mas mahal pa sa cable TV! Eh mas marami akong priorities na kelangang bayaran kesa sa DSL na yan. Ngek talaga, hindi na gumanda ang serbisyo ng mga establishments dito sa Pilipinas. Porke ba't hindi makabayad ng malaki, palpak na ang service na ibibigay? Kapag tumawag ka naman sa customer service ng mga lintsok sa ISProvider, at ire-reklamo bakit ilang beses napuputol ang connection, ikaw pa ang sisisihin na kesyo mabagal daw ang computer ko etc. etc.etc. Kainez!

Tuesday, June 03, 2003

Ang hirap talaga pag may kasama kang bata sa bahay. Aba eh di na ako makasingit sa TV ah. Maghapong nagsasayaw si Barney sa TV dahil mahigit 30 na ata ang VCD namin ni Barney. Minsan kalaban naman yung mga Disney cartoons na type na type nung mas malalaki kong anak. Asus, ni wala na akong ideya kung anong mga balita ngayon sa loob at labas ng bansa. Bakit naman kasi itong TV namin sa kwarto, nagloko ang remote. Eh tagal ng panahon na hindi magamit ang manual na buttons para mabuksan at maglipat ng channels. Kaya ayan, ang maliit na TV sa tabi ng computer ko ang napagdiskitahang ilipat ng asawa ko sa kwarto ng mga bata para dun manood ng VCD maghapon at minsan ay inaabot pa ng magdamag. Hay naku, buti na lang andito ang computer para mag-email at mag-internet. At least hindi ko na kinakailangang maghanap ng ibang libangan.

Saturday, May 31, 2003

Hay salamat! Natapos din ang bagyong si Chedeng. Dahil sa kanya, na-stranded kami sa Puerto Galera nung Linggo. Dalawang beses kami kinailangan mag-refund ng boat tickets pabalik ng Batangas dahil sa kaka-cancel ng coast guard sa mga bangka. Ayan ang nangyari, napilitan kaming pumunta sa Calapan (na 2 oras ang layo) para lang makasakay ng malaking barko. Salamat sa Diyos, nakauwi din kami ng Lunes ng hapon. All in all, ang saya! Kasi buong pamilya namin nag-enjoy ng todo. Sarap na sarap ang mga bata na mag swimming sa pool ng Valley of Peace at maglaro sa sand dun sa beach. Kaming adults, enjoy sa snorkelling! Wala talagang tatalo sa ganda ng corals sa Puerto. Kahit pa Boracay. Ayos! Kahit binagyo, nakahabol pa rin kami sa summer :)

Monday, May 12, 2003

Mahaba ang buhok ko, almost waist-length na. Kaya naman pag nagco-commute ako sa jeep, sinisigurado kong nakatali o kaya ay hawak ko sya para naman di maasar ang nasa likuran ko. Malamang halos lahat ng sumasakay sa jeep, nakaranas na ng mahaplitan ng buhok ng katabi (pwera sa driver na nasa harapan). Kanina na lang, may nakatabi akong babae na nakalugay ang kabuhukan at mega-side to side motions pa. Eh dahil ako ang natatamaan ng buhok nya pag mabilis ang takbo ng jeep at malakas ang hangin, di ko napigilang mag-request ng "Miss, paki-hawakan mo naman buhok mo," in a nice tone. Aba! Inirapan ako! At halatang nainis sya nung napagsabihan kaya umupo na lang sya na payuko sa loob ng jeep. Asus, wala naman akong sinabing pahirapan nya sarili nya. Tingin ko, dahil mukhang bata pa, mababaw ang pang-intindi ng dalaginding at itinuring na pang-iinsulto ang ginawa ko. Mantalang ako dati, kahit hawak ko na buhok ko, may nakawala palang ilang strands at napagsabihan din ako ng mamang katabi ko. Ang reaction ko eh mag-apologize at mahiya kasi nga naman, nakakaperwisyo ako. Oh well, siguro nga iba't-iba ang diskarte ng mga tao sa mga pangyayari sa buhay nila. Sa kin lang, ok na sa king masabihan ng maayos kesa malaman kong nakapam-bwisit pa ako ng kapwa ng di ko sinasadya at di ko nalalaman. O, identify ba kayo sa kwentong 'to?

Wednesday, April 30, 2003

Grrrr, kaka-praning na ang SARS scare na yan ha. Siguro kung dun pa ako nakatira sa mga "high-traffic" areas (meaning Manila and other key cities sa Pilipinas) lalo na! Eh dito na nga lang sa probinsya, shucks may mga incidents din na nakakaloka. Like nung isang araw, I was buying something from a pharmacy tapos yung katabi ko, biglang humatsing! Sabay singhot ba naman. Eh Halos 1 foot lang layo ko. Ngiii! super scared talaga ako. Pagdating ng bahay, halos maligo ako ng alcohol. Nyak, kelan kaya matatapos ang ka-praningan na ito??? Afraid .....

Saturday, April 26, 2003

Whoohoo! Sa wakas! Natuloy din ang "Mommy's bakasyon" ko! Sa tinagal-tagal kong ginusto at ni-plano eh nakarating din ako muli sa Puerto Galera. Shempre sa Valley of Peace ako pumunta. At soooobrang sarap mag-swimming! Kasama ko ang bunso kong si Deden at for the first time, nakasakay din ng boat ang makulit na bata. Enjoy na enjoy sya sa paglalaro ng sand sa beach. Kaya lang, pagbalik ko sa totoong mundo, kaharap ko na naman ang mga assignments ko kaya ako'y magsusulat muna ng mga articles dahil baka di ako makahabol ng deadlines. Babu!

Saturday, April 12, 2003

Ang init sa Pilipinas ngayon! Naku, kelan kaya matatapos ang El Niño phenomenon na yan?! Buti na lang hindi malimit mag-brownout ngayon, kung hindi, nay! Lalo ng pinagpawis ang mga tao. Nakakaawa nga ang mga anak ng mga kaibigan ko sa Maynila, puro bungang-araw na! At least dito sa probinsya, medyo malamig pa rin kahit papano sa gabi. Ang pinu-problem lang namin ngayon madalas ay .... tubig!!!!

Tuesday, April 08, 2003

Uy summer na naman! Kung naghahanap kayo ng magandang mapupuntahan, punta kayo sa site na ito Valley of Peace, Puerto Galera, Mindoro and see a hidden paradise where you can relax and enjoy your vacation with the family. Pramis, maganda dun. Malinis ang lugar at di kamahalan ang rent ng mga cottages. Gusto nyo? Call or text nyo si Jeff sa 0916-3847697, sya ang GM doon. See you at Puerto Galera! Tara, swimming na!

Friday, April 04, 2003

Usong-uso ang pirated na mga VCDs dito sa Pinas. Sangkatutak pa rin ang nagtitinda sa kalye kahit na laging nagbabanta ng raid si Bong Revilla. Kasi naman, hindi mo masisi ang karamihan sa mga Pinoy (na di naman kasing-yaman ni Erap), na di bumili ng pelikula sa mas murang halaga, kahit pa mas mababa ang quality. Naiintindihan pa rin naman ang storya eh.

Minsan nga napapag-usapan naming mag-asawa ito. Sabi ng asawa ko, kung nga naman ibababa ng mga producers ang halaga ng isang VCD, sabihin nating P60-75, na mas malapit sa presyo ng mga pirated, syempre yun na ang bibilhin ng mga Pinoy. Eh sa kasalukuyan, kahit i-sale pa ng P150 ang original, (na umaabot hanggang P450 isa!) punta pa rin sa P40-50 na pirated ang tao. Kahit nga ako, isang nanay na kelangang mag-budget ng mabuti, nakakabili na rin ng pirated. Teka, wag nyo ko sumbong kay Bong ha J . Hindi kaya ng bulsa ko ang mabilhan ng maraming original na cartoons ang mga anak ko. Eh malaki ang nagagawa ng mga stories sa learning ng bata di ba? Kahit sino yatang nanay na tanungin mo ngayon, lahat may pirated VCD/DVD sa bahay. Sa hirap ng buhay ng Pinoy ngayon, nakakapag-pasaya na ng maraming bata at magulang ang konting luho na makabili ng mapapanood sa bahay. Masisisi nga ba tayo?

Kaya ang prediksyon ko, magtatagal pa ang business ng piracy. Kasi maraming bumibili. Kaya marami pa rin ang gagawa. Sabi nga ng kapatid ko, gahaman naman daw kasi yung ibang taga movie industry. Advice ko sa kanila, babaan ang presyo ng mga VCD na ibebenta nila tapos damihan ang supply. Ganun din kasi, gusto nilang kumita ng malaki sa pagbebenta ng mahal, eh nauubos ang customers sa mga pirated na kopya, gawa na lang sila ng marami tapos benta nila ng mababa. O di ba?

Thursday, April 03, 2003

Ang “blog” na ito ay para sa mga kapwa ko Pinoy, nasa Pilipinas man o wala na gustong maki-usisa sa mga ideya at komentaryong maiisipan kong sabihin tungkol sa mga bagay at pangyayari sa ating bansang Pilipinas.

Kung meron man kayong suhestiyon, komento o bayolenteng reaksyon, email n’yo lang ako . Salamat :)
Related Posts with Thumbnails