UNDAS SA PINAS
Hay tapos na naman ang todos los santos. Nakakaaliw talaga mga tradisyon sa Pinas. Pati pagdalaw sa patay eh nagmumukhang piyesta. Particularly, ang ikinatutuwa ko eh nagiging rason ito para magkasama-sama ang mga magkaka-pamilya at nagkikita-kita ang mga dating magkakakilala.
Siguro nasasabi ko yan dahil andito ako sa probinsya, baryong-baryo ang dating. Madali lang pumunta sa sementeryo dito. Walang gaanong mayayamang tao na makikipag-away dahil lang sa parking slots. Mas marami ang traysikel na nakapila at nagsasakay ng hindi maubos-ubos na mga pasahero. Umuwi ang mga kapatid ko at sama-sama kaming nagpunta at tumambay sa puntod ng tatay namin at ng mga lolo’t lola. Enjoy pa ang mga anak kong magpulot ng sticks at sunugin sa sangkatutak na kandila.
Marami kaming kamag-anak at dating kababaryo na dumaan. Habulan ng kwento tungkol sa buhay-buhay. Nakakatuwang makita ang mga malalayong pinsan namin na ngayon ay mga dalaga’t binata na, eh nung huling kita ko hanggang beywang ko lamang. Naramdaman ko tuloy biglang ang tanda ko na pala!
Pero sa Maynila, hindi na ako uulit dumalaw ng puntod kapag undas. Naranasan ko ng makasama ng pamilya ng asawa ko na pumunta sa Manila Memorial Park sa Paranaque kung saan nakalibing ang biyenan kong lalaki. Ayun, inabot kami ng halos isang oras para makahanap ng parking, tapos pagkalayo-layo pa sa puntod yung napuntahan namin. Kinailangan pang magpabalik-balik sa sasakyan para lang madala lahat ng gamit dun sa pupuntahan. Eh magdala ba naman ng banig, mga unan at canvas roof with matching poles, hingal tuloy ang asawa ko pagbitbit. Sya lang ang lalaki eh. At dahil overnight ang gusto nila dun, nilamok lang naman at nilamig kami ng todo. Bandang alas-dos ng umaga, nag-aya na akong umuwi dahil hindi makatulog ang baby namin noon. Ayun, hinatid na lang kaming mag-ina ng asawa ko sa bahay sa Alabang.
At yun na ang una at huli kong adventure ng todos los santos sa sementeryong Maynila. Hinding-hindi na ako uulit! Mas masarap pang pumasyal doon ng walang okasyon dahil tahimik at maganda ang paligid. Walang kalat, walang ingay, walang mga nakaharang na mga latag ng banig sa daraanan mo.
Kaya kahit saang anggulo ko tingnan, napaka-swerte pa rin ng mga taga-probinsya. Dito, ramdam mo ang tradisyon. Walang away, walang tutukan ng baril kapag nagkainitan ng ulo, walang problema kundi ang pangungulila sa mga minamahal na yumao. Ayan, na-miss ko na naman ang ng todo ang tatay ko….
Monday, November 03, 2003
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment