Sunday, June 15, 2003
Araw ng mga Tatay ngayon. Ayan, na-miss ko na naman ang tatay ko. Naka-tatlong taon na rin pala since namatay s'ya. Minsan dinadalaw n'ya ako sa panaginip at paggising ko, ramdam ko pa yung yakap n'ya. Buti na lang at alam ni Tatay na matatakutin ako kaya sa panaginip na lang nagpapakita. Totoo talaga na kahit mawala na sa mundo ang isang tao, naiiwan pa rin ang alaala n'ya sa puso ng mga nagmamahal sa kanya. Hay, nami-miss ko talaga tatay ko. Sobra kasing mabiro yun eh. At saka nung nawalan ako ng yaya, s'ya ang nag-aalaga kay Deden pag wala syang pasok sa opisina. Nakakatuwa na tuwing umaga, ipinapasyal ni tatay si Deden sa buong baryo para daw mainitan naman. Kaya kahit mga hindi ko kilalang tao, bumabati sa amin pag dala ko ang anak ko sa labas. At dahil sobrang matulungin itong tatay ko, maraming tao ang alam kong nagmamahal sa kanya. Kaya nga nung libing nya dati, sabi ng mga tao, yun daw ang pinakamahabang libing sa history ng baryo namin. As in lahat ng tao sa bawat bahay meron at least isang representative na sumama. Minsan naiisip ko, sana pag ako din nawala sa mundo marami pa ring makakaalala sa kin, gaya ng tatay ko. Kaya 'Tay, kahit wala ka na, Happy Father's Day! 'Lam mo namang labs na labs kita.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment