BIR Blues
Finally! Nakapag-file na rin ako ng ITR ko sa BIR kanina. Inabot lang naman ako ng kalahating araw doon! May mga mababait na empleyado akong naka-usap, merong pilosopo, meron namang magulong kausap at meron ding medyo rude. Imagine the diversity of characters na nakilala ko, kaloka!
Nung nagfi-fill up ako ng registration form (di ba nga hindi pa updated ang records ko dun kaya floating ang mga withholding taxes ko), kailangang ilagay ang code ng profession. Sabi nung isang ale, “Ayan ang printout, hanapin mo na lang saan kasama yang trabaho mo.” So tingin ako habang nakayuko dun sa lamesa dahil ke liliit ng fonts. May dumating na isa pang ale, “Ano’ng ginagawa mo?” tanong nya. “Ma’am hinahanap ko po saang category babagsak yung freelance writer.” Inay napagalitan pa ako “Eh ba’t ikaw ang naghahanap dyan eh kami dapat ang gumagawa nyan!” Huh? Mapapakamot na sana ako ng ulo. “Sabi po nung isang ale hanapin ko daw po eh.” Kinabig ni Ale #2 yung printout at sya na daw titingin. After a while, hindi nya makita, ibinalik sa akin. “Ay naku, ikaw na nga maghanap at hindi ko makita.” Ngek!
Tapos nung tinitingnan na ang mga entries ko dun sa form, sabi sa akin, “Punta ka muna ng Landbank, kailangan mo magbayad ng P500. Balik ka dito dala ang deposit slip.” Buti na lang binisita ko ang BIR website nung umaga! Sabi doon, lahat ng less than P100K ang annual income, hindi kailangang magbayad ng P500 registration fee. Eh naman, sa liit ng kinikita ko sa freelancing, hindi pa ako umaabot ng ganung kalaking halaga sa totoo lang. So ni-point out ko yun dun sa aleng yun at saka lang nya sinabing “Ay oo nga pala, less than P100K ka.” Kung hindi ko pala alam yun, di nagbayad pa ako eh may refundable tax pa nga ako noh. Waah! Ba’t sila ganun? Hindi alam ng employees ang policies ng agency nila?
After registering at nakakuha na ako ng new TIN ID, pinapunta nila ako sa officer of the day. Dun daw ako magpatulong sa pag-fill out ng ITR form. Nagli-lipstick pa si madam sa table nya nung lumapit ako. Medyo nagulat pa sya nung nag-excuse me ako. Since ibang sample form ang nabigay sa akin ng friend kong bookkeeper kung saan nya ni-compute lahat ng tax ek-ek ko, pinakuha ako ng ibang form. Nakupo, iba din ang mga mala-fill in the blanks na boxes.
Pagkatapos kong titigan at i-analyze kung paano ko ililipat ang info ko from the sample form, at hindi ko talaga ma-gets, balik ako kay mam officer. “Ma’am saan po ito ilalagay? Parang wala pong space para dito?” Sagot nya, “Ay oo nga! Iba pala yan, mali pala yung sabi ko sa yo kanina. Ganito, baguhin mo na lang, eto ang ilagay mo.” Kumuha sya ng correction fluid at pinaglalagyan ng puti yung mga nauna kong ilagay. Ngek ulit!
Pagkatapos ng matagal na proseso. Ready na ako patatakan dun sa receiving officer. Ayos, ang dami nilang nakaupo dun sa table, (observation din ng pinsan ko na galing din dun kahapon, parang ang daming taong nakaupo lang sa mesa na walang ginagawa) may mga assistant pang taga-tatak si bossing. Pirma here at pirma there sya. Nung natapos na (matagal kasi 22 pages ang attachments ko eh 3 copies yun) tanong ako ulit “Sino po ang kinakausap tungkol sa refund?” Itinuro ako sa isang ale na may katabing mama.
Explain na naman ako ng gusto kong malaman. Kako since married ako, entitled ako sa exemption at based sa computation ng bookkeeper, dapat may refund akong mga P5K+. Sagutin ba naman ako nung mama na “Bakit nagbabayad ka ba ng 3% ___ (nakalimutan ko ang term nya)?” At nilitanyahan ako ng mga kung anu-ano. Kesyo dapat daw sinisingil ko yung opisina ko at hindi BIR etc. etc. Pagkatapos ulit ng mahabang paliwanagan na freelance writer ako (May humirit pa sa kabilang table na “Miss, yung tagalog romance?” na may kasamang ngisi na di ko mawari. Sabi ko “Hindi po, sa nationally circulated magazines po gaya ng ...” Blanko nya akong tiningnan. Ack!) at hindi ako pwedeng mag-refund sa opisina dahil hindi lang naman iisang publication ang pinagsusulatan ko, saka nai-remit na lahat ng withholding taxes ko sa kanila, nag-concede din silang pwede akong mag-refund. “Pero Ineng, etong mga papel mo, dadalhin pa yan sa Maynila, tapos ie-encode doon. Kapag napatunayan nilang valid ang refund mo, papadalhan ka ng BIR ng notice na pwede ka mag-claim. Iimbestigahan pa yan kung totoo ang mga nakalagay dyan.” (Ngar, mag-imply daw bang dinaya ko ang entries ng tax info ko!). Tanong ko “Mga kelan ho yun?” Sagot nya “Ay, yan ang hindi natin masasabi.”
Hirit ulit ako, “Kasi mam sabi ng kaibigan kong bookkeeper, mag-submit daw ako ng letter of request for refund. Meron na ho akong draft dito, hihingin ko na lang po sana yung pangalan kung kanino ko pwedeng i-address dito sa BIR branch. Singit yung mamang kontrabida “Aba Ineng! Kaka-file mo pa lang manghihingi ka kaagad ng refund?! Maghintay ka naman ng isang buwan man lang!” That time, umiikot na sa utak ko ang “Bakeeet?! Pera mo ba yun? Ikaw ba ang magre-refund sa akin nun? At bakit papabalikin mo pa ako dito eh ang layo-layo nito? Pwede ko namang iwan na itong sulat dito ah!”
Dahil pagod na rin ako at ayoko ng makipag-tagisan ng talino sa kanila (feeling ko nagmamagaling lang naman pero hindi nila talaga alam ang processes ng refund, hay!) umalis na lang ako dahil mag-a-alas singko na ng hapon at masakit na ang paa ko kakatayo sa kung saan-saang work station dun.
Iniisip ko lang, kung ganito kagulo kausap ang mga tao sa gobyerno, no wonder naghihirap ng todo ang Pilipinas!
Thursday, April 14, 2005
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment