Pasukan na naman!
Hunyo na, tag-ulan na, tag-gastos na panahon pa. Hirap talaga ng buhay sa Pinas. Ayun tapos na mag-enroll sa mga bata. Yung bunso ko Senior Casa (Kinder 2) na sa Montessori at hindi ko maiwasang mainis nung nakita ko yung resibo. Sana hindi na lang nila na-itemized lahat ng binayaran. Sana ni-lump na lang nila lahat sa miscellaneous.
As it is, ang nakalagay na amount katapat ng books – P1031 eh lima lang naman yun! At ang notebooks? P535 para sa 9 na makapal at 1 manipis! My gulay! Dahil sa school logo eh pe-presyuhan mo na ng more than P50 isang pipitsuging notebook na hindi man lang maganda ang papel??? Kung di ba naman mag-init ang ulo mo. Mantalang ang bili ko lang ng notebooks ng 2 ko pang anak na elementary sa ibang school, tag P10.75 lang isa sa Expressions book store! Tapos may P100 daw na aircon fee every month. Nakah, eh last year pinagpapawisan naman ang mga bata sa classroom dahil hindi ata nalalagyan ng freon ang aircon nila. Argh!
May isang tatay doon, nakikiusap sa principal. Kung daw compulsory ba talaga ang bayad sa monthly taekwando fees ng elementary students. Kasi daw last year, nagbayad sila pero di na-avail ng anak nya dahil mahina ang puso. Kung pwede daw wag na nilang bayaran this year. Aba P175/month din yun. Sagot ng principal? “Titingnan pa ho natin.” Ganun?
Last school year, isa pang kinakainisan ng mga nanay, may pa-bingo ang school every December. P150 ang ticket at compulsory na bilhin ng mga studyante. Sabi ng isang nakausap ko “Aba grade 1 pa lang ang panganay ko dito, for the benefit of the computer room na yang bingo na yan! Eh grade 6 na ngayon, computer pa rin? Ilang computers ba ang dapat bilhin (kung binibili nga) bago tumigil ang pa-bingo na yan?” Sabi naman ng isa pa “Teachers lang naman ang nag-e-enjoy dyan eh. Tingnan mo ilan bang bata ang marunong maglaro nyan? At ilang magulang ang magsasayang ng oras pumunta dyan ng weekend?”
At ang masaklap pa, kahit may appointment ka ng araw ng bingo at hindi ka makakapunta, sasabihin lang ng teacher na kelangan mo pa ring magbayad at ipapag-laro ka na lang nila. Hindi nga ako nagbayad agad. Dinedma ko talaga. Ni hindi nga kami nakiki-lotto, bingo pa! Tapos pagdating ng January, ayun may reminder bill akong hindi pa kami bayad sa bingo card na ni hindi ko nahawakan o nalaman man lang anong kinahinatnan.
Pero anong magagawa nga ng mga magulang? Ang policies ng karamihan ng private schools ngayon, bawal ang reklamo. Kung ayaw mo ng palakad nila, wag mo dun i-enroll ang anak mo. Kung sumpungin ka mang ilipat ang bata, ganun din halos ang patakarang makakatapat mo sa lilipatan nya kaya anong choice mo? Wala!
Sa isang egroup ko, enrollment ang topic. Walang nanay ang hindi nagrereklamo sa taas ng mga dapat bayaran sa schools ng mga tsikiting. Meaning lahat talaga ng schools ngayon unang inaatupag ang profit bago ang tamang edukasyon sa mga estudyante. Merong school required na doon bilhin lahat -- mula uniforms, bags hanggang pencil case at lapis dahil sa school logo! Buti sana kung reasonably priced. Eh most of the time 300-500% ang patong nila! No wonder hirap bumangon ang Pilipinas sa kahirapan. Eto ang mga magulang, naghahangad ng magandang edukasyon para sa mga anak nila, pero ginagatasan hanggang masagad ng mga gahamang tao na nagpapalakad ng mga schools.
How sad.
Tapos tataas pa ang pamasahe! Waaah! Tama ba namang pahirapan tayo ng husto??? Sirang-sira tuloy ang budget na ginawa ko for this school year. Kelangang i-adjust na naman. Buti sana kung maraming extra na pwedeng idagdag ano.
Kaya kayong mga mommies dyan na namamasahe ang anak papuntang school, avail of the student’s fare na 20% discount! Right ng mga bata ang magbayad ng mababa. Last year, since P4.00 ang minimum, ang allotment ng kids ko for fares, P3.25 one way. Pinapadalhan ko talaga ng barya kasi kung hindi, kahit pa isigaw mong “Bayad ho, isang estudyante!” hindi ka susuklian ng 75 centavos. Hoy magkano din yung matitipid mo ng balikan kung dalawa ang batang pumapasok sa eskuwela? That’s P30.00 a week savings din! Kaya ipun-ipunin nyo na ang mga bente-singko nyo dahil P4.75 na ang magiging bayad sa jeep ng mga bata ngayong June.
Sabi ng isang kaibigan ko, nuknukan daw ako ng kuripot. Sabagay 2 pa lang anak nya at hindi pa parehong nag-aaral kaya may K pa syang mag-comment ng ganun. Aba sa panahon natin ngayon, kung di ka magtitipid, ikaw rin ang kawawa. At kapag nagkaroon ng emergencies at wala kang ipon, baon sa utang ang mangyayari sa yo. Linstok!
Friday, June 04, 2004
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment