Ipon pang KZone
Last month, naisipan kong bilhan ng KZone magazine ang mga anak kong sobrang hilig mag-drawing ng mga cartoon characters. Naku tuwa naman yung dalawang kuya. Sobrang type daw nila yung magazine kaya dapat daw makabili ulit sa February. Eh balak ko one-time bili lang yun para sa kanila!
Hmmm, naisip ko, kung saka-sakali eh gagastos pala ako at ba-budget-an ko ng P75 per month itong mga kolokoy ko! Nakow, dagdag pa sa pambili ko ng Good Housekeeping at Smart Parenting mags.
Umiral ang pagiging mautak ng nanay. Sabi ko sa kanilang dalawa, dapat yung next issue pag-ipunan na nila kung talagang gusto nilang bumili ulit. Aba pumayag! So kumuha kami ng isang basyong bote ng Pepsi Blue (oo, specify ko na, yun naman talaga ginamit namin eh – hindi ata kami apektado ng Ito ang Beat commercial ng Coke hehehe) at binutasan ko ala-alkansya.
For the rest of January, nakakatuwa namang tingnan na araw-araw talaga, nagtitira sila sa baon nila at diligently naghuhulog dun sa bote. Kahapon, nagkataong paluwas ako ng Manila. Sabi agad ni Leland, “Naku Mommy, February na, kulang pa ng P10 ang pambili namin ng KZone!” Sinabihan ko “Eh di ipon ka pa. Next week ka na lang pabili kay Daddy sa Manila.” Pero balak ko na talaga silang bilhan kasi reward na rin for their efforts. Abonohan ko na lang yung P10.
Buti na lang talaga bumili ako! Late na ako nakauwi at by then tulog na sila. Pagpasok ko ng kwarto, nakita kong may naka-drawing na bata dun sa white board sa pinto. Merong bubble quote na nakalagay at ang laman “Welcome home Mommy! Where’s my KZone? Bumili ka ng KZone po! End of briefing.” Tawa ako ng tawa pero touched din na meron munang pasakalyeng welcome home. Kinuha ko yung P65 dun sa bote nila. Feeling ko, lesson-learned para sa kanila yun about pag-iipon para sa isang bagay na gustong-gusto nila.
Ayun, paggising ng umaga, tanong agad sa kin kung nakabili ako. Tinuro ko yung bag ko kung saan ipinatong ko yung KZone nung gabi. Hay ang ngiti ni Leland! Sabi nya mamya na nya babasahin pagka-galing sa school.
Pag-uwi nila ni Josh, tanong ko agad “O pano yan, type pa rin bang bumili ng March issue? Ipon ulit?” Matunog ang sagot nila, “Opo!” Ayus!
Thursday, February 05, 2004
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment