Jan 16 2004
Praning na kung praning!
Masisisi nyo ba ako kung paranoid na ako masyado sa mga bomb attacks sa mga pampublikong lugar? Kakarinig ko lang sa news nung isang linggo yung tungkol sa bombing sa isang gymnasium ba yun sa Maguindanao. Di ba dati pa, merong isang bus na sumabog dahil din sa isang bomba? Bukod pa yung Rizal Day bombing sa LRT ilang taon na ang nakalipas. Sa dami ng balita tungkol sa mga terrorist attacks dito sa Pilipinas, mas mabuti yung maging maingat at observant sa lahat ng oras.
Ganito kasi yun….. Nung Martes, kinailangan kong lumuwas ng Maynila para mag-interview ng doctor at isang nanay para sa isang article ko sa magazine. So sumakay ako ng bus galing Laguna. Ang naupuan kong puwesto, me isang mamang ayaw umusod kaya dun ako napaupo sa tabing bintana. Pagka-upong pagka-upo ko, nakita ko kaagad sa paanan ko ang isang dinobleng plastic bag na nakatali ang tangkay. Naku, duda agad ako. Inisip ko, pwede namang basura lang yun na nilagyan ng pagkain. Kaso para kasing masyado syang bulky para sa mga Styrofoam lang o ano. Sinipa ko ng konti. Inay! Mabigat!
Napayakap ako sa bag ko sabay tingin ng pahapyaw sa mamang katabi ko. Kanya kaya yun? Tanungin ko kaya? Pag hindi sa kanya, pag daan ng kundoktor, talagang ipapatapon ko sa labas ng bus. Aba, kung bomba yun ako ang unang-unang tatamaan ano!
Naglakas-loob na akong magtanong, “Manong, senyo po ba itong plastic sa baba?” Sumagot s’ya, “Ah oo, transformer yan.” Argh! Kung kanya yun, bakit hindi nya itabi sa may paanan nya? At bakit kelangan pang sabihin sa ‘king transformer yun? Bakit may eksplaneyshun pa? Eh para namang na-reassure ako sa sinabi nya ano.
Naku naman, sa dadalawang oras na tulog ko nung gabi dahil sa pamumuyat ng anak ko, hindi tuloy ako maka-idlip man lang sa bus dahil sa sobrang tensyon. Tapos pa, biglang tumunog yung cel phone nung mama. Muntik na kong tumalon hanggang bubong. Paano, polyphonic ringing yung message tone nya tapos sobrang lakas na parang doorbell. Linstok, praning na kung praning pero naalala ko bigla yung bomba sa LRT celphone- triggered!
Siguro mga bente minutos din akong hindi mapakali. Ni hindi na ako makasandal ng relaxed dahil nga sa nerbyos. Iniisip ko ng i-text ang asawa ko para warningan na kung di ako makakauwi sa hapon, malamang kasama ako sa bus na sumabog. Eh paano kung celphone ko ang mag-trigger? Dasal na ako ng dasal na wag naman sanang sasabog kung bomba man yun dahil maliliit pa mga anak ko, waaah!
Ewan ko kung na-sense nung mama ang kaba ko pero bigla syang tumayo at sabi “Miss, kukunin ko lang yung plastic.” Naku hindi ko man lang mausod ng paa ko papunta sa kanya kaya bend to the max sya sa ilalim para makuha nya. Me umupong babae sa tabi ko. Nakahinga ako ng maluwag.
Yung mama, tumayo sya sa malapit sa pintuan ng bus. Eh di shempre mega-bantay pa rin ako kung kelan sya bababa para masiguro kong dala nya yung plastic bag nya. Eh paano kung iwan di ba? Sisigaw talaga ako ng Darna! Este tatawagin ko ang kundoktor at ipagbibigay-alam ang tungkol sa kwento ng plastic bag.
Hay sumakit na leeg ko kakasilip sa bintana, hindi pa rin sya bumaba! As in ang dami-dami ng bus stops na dinaanan, andun pa rin sya! Hanggang makarating kaming Makati at finally, nakababa ako ng matiwasay andun pa rin yung mama!
Nung kinuwento ko sa asawa ko, tawa sya ng tawa kasi nga daw ang praning ko. Eh kesa naman hindi vigilant tapos totoo palang bomba di ba? Buti na lang talaga mukhang totoong transformer lang ang laman ng plastic bag na yun. Nevertheless, sa 1 ½ oras na byahe ko, tama bang hindi man lang ako nakapahinga?!
Friday, January 16, 2004
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment