Sunday, December 30, 2007

iPot ... este, "iPod"

Nung nag-birthday si Deden last October, ang wish nyang gift eh mp3 player. Kasi naiingit dun sa ginagamit ni Kuya Leland nya, (na originally eh kay Daddy nila pero inangkin na ng panganay namin) at bihira nya mahiram. Kaso wa kaming budget that time kaya di namin mabilhan. Sabi ko na lang sa kanya, ipon sya ng money para pagdating ng December, try ko dagdagan pera nya.

Last Dec. 24, nag-request ulit si Deden. Buti may bonus na si hubby. So pumunta kami ng Festival Mall para maghanap ng mp3 player na mura lang. Kaso lahat ng nakita ko, sobrang mahal tapos de-battery pa. Tapos nakakita kami nung mp4 na kamukha ng iPod nano. Grabe, unang tingin, kala mo orig! For P1500, good buy na sya kasi 1GB na, pwede pang lagyan ng videos, pictures at gawing voice recorder bukod sa music. At dahil P800 ang pera ni liit, dinagdagan ko na lang para mabili na nya. At least very appreciative sa music ang mga anak ko kaya ini-encourage din namin yun sa kanila.

After Christmas, nag-request na rin si Josh na bilhan din sya. So kahapon, nagpadala sa kin ng P1000 na galing sa mga napamaskuhan nya. Padagdagan na lang daw ng konti para may pang-deposit pa sya sa bank na matira.

Naisip kong tumingin muna sa Metropolis kasi isa lang ang store sa Festival na nakitaan ko nung "iPod". Alam ko, mas maraming nagtitinda sa Metropolis nun. Hay naku, nanghinayang ako kasi yung nabili ko para kay Jo, P1100 lang! Argh! Tapos yung 2GB na nakita namin, tinanong ng asawa ko kung magkano, P1600 daw at pwede pang tawaran ng P1500 :S Bad trip naman o, nagastusan pa ako ng extra P400 dun sa una, tsk, tsk!

Lesson learned: mag-canvass mabuti at tumingin sa ibang malls, hindi lang sa ibang stores within one mall.

Thursday, December 06, 2007


Ever since my college days, I have been familiar with Kuya Gary's songs because he's a familiar face in IVCF gatherings in Los BaƱos. I haven't had a chance yet to get to know him better but he and my husband often meet with fellow musicians. Last week, hubby brought home two CDs given by Kuya Gary himself after their get-together at Conspiracy.



Kuya Gary's musical genius and versatility became once more evident. As always, I was amazed at the lyrics and melodies of the songs. Some are very inspiring, some made me contemplate about our country's current circumstances and then there are the songs that made me laugh out loud.


Here are some examples:

"In All Things" (lovely melody, great words) from the album God of Jubilee, Lord of the Nations

Even though the little sparrows
Neither sow nor reap
Never do they beg or borrow
They must know something deep

In all things I can rejoice
In the name of Jesus
Unto Him I lift my voice
God's grace will suffice

In all things I can be glad
For I'm clad with the blood
And the love of Christ


"Mga Kanta ni Goryo" (sung in the tune of Itik-itik -- you really have to hear it to appreciate how funny it is) from the album Saranggola sa Ulan

Itext-itext mo na lang ako
Kung may credit pa ang celfon mo
Ngunit baka magbigla kayo
Ang balance nyo ay biglang zero

Uto-uto din naman tayo
Nagpapaloko pag may promo
Smart o Globe, kung Sun mo gusto
Nakasampung lipat na ako

Kahit ang text mo’y di dumating
Bawat pindot mo sisingilin
Tuloy-tuloy na kakaltasin
Kahit na nga di mo pindutin

Ipindut mo, ipindut mo, ipindut mo, ipindut mo
Ipindut mo, ipindut mo, ipindut mo, ipindut mo-


From his old albums, my favorites are:

The romantic "Dagat" (very apt for OFW families -- with a haunting melody and is quite a tear-jerker) which we have on cassette tape pa!

Namamaybay
Ang tubig sa paypay ng hanging habagat
Dumadampi
Sa umaasang pisngi ng tabindagat

Dagat na pagitan ng ating pag-ibig
Singlawak, singlayo, singlalim
Ngunit sa isang panig, dagat ang nagsasanib
Ng dalampasigan mo sa akin

Namamangka
Ang aking diwa sa nakalipas
Tumatawid
Sa ibayong daigdig ng ating bukas

Sa dagat ng pangako, sa laot ng pangarap
Sa alon ng iyong mga halik
Dagat din ng luha ng pusong naghihirap
Naghihintay sa iyong pagbabalik


"Pagkatapos" (Ladies, you'll have fun singing this to your hubbies too! hehehe)

Alam mo bang magliliwanag na
Ang bait mo’t umuwi ka pa
Pagkatapos kitang ipagsaing
Pagkatapos kitang ipaghain
Sasabihin mong ika’y kumain na

Para bang isang instant replay
Ng nangyari nung isang gabi
Pagkatapos mo akong pangakuan
Pagkatapos ng ating kasunduan
Hihiritan mo akong muli

Sana man lamang ay paminsan-minsan
Mauunawaan ko pa
Napakapalad mo lang aking hirang
Mahal na mahal kita

Isang araw ang langit kukulog
Mahal, alam mo na ang kasunod
Mauubos ang aking pasensya
Igagapos kita sa isang bomba
Giliw, sana ay maawa ka

Huwag hayaang ako’y maging kontrabida
Huwag bayaang ako’y maging byuda
Pagkatapos ay, pagkatapos ay
Pagkatapos ay tapos ka na


Curious to hear these songs? The good news is, they're all downloadable at www.garygranada.com! :) Go check them out now. You'll find complete lyrics at the website as well. I'm sure you'll have fun discovering the other songs there. Happy listening!

Saturday, December 01, 2007

Malaking Abala Lang

Huwebes ng umaga, nagbalak akong kumulekta ng mga cheke ko sa mga publishing houses na pinagsusulatan ko. Nag-text at nag-confirm pa ako dun sa contact person ko sa Makati na pupunta ako sa office nila ng hapon.

Pero bago pa ako makapag-prepare lumarga, biglang nagkaron ng flash reports sa TV tungkol sa kaguluhan sa Makati at nadismaya ako sa mga balita. Habang naglilitanya ng kung anu-ano si Gen. Lim, hindi ko mapigilang mainis at mapasabi ng "Sows! Wag na kayong magsimula na naman ng ganyan!" At dahil madadaanan ng jeep na sasakyan ko ang Manila Pen, nagdalawang-isip akong tumuloy.

Pero since kailangan ko ng datung (magpa-Pasko na daw ba!) at dahil holiday kinabukasan, inisip kong lalong tatagal ang clearing ng checks kung Monday ko pa kukunin. So tumuloy ako.

Pagbaba ko ng bus sa Ayala cor Edsa, nakaka-alarma yung paligid kasi ang daming sirens tapos may helicopter pa na umiikot sa taas. Yung jeep papuntang Washington, ang layo ng inikutan sa may Pasay Road kasi iniwasan ang Makati Ave. Bago lumiko yung jeep papuntang Glorietta area, nakita ko pa yung mga trak na puno ng armadong sundalo. Tsk, sana pala ni-picture-an ko sa celphone para may souvenir! :p

Thank goodness nakarating naman ako dun sa pupuntahan ko at nakuha ko yung cheke ko doon. Tapos tumuloy na ako pa-Ortigas via Buendia kasi for sure traffic ever ang Ayala.

Nasa bus na ako ulit nung tumawag ako sa asawa ko. Hehehe, panic ang mama, uwi na daw ako at nagpuputukan na sa Makati. Nahimasmasan lang sya nung sinabi kong lampas na ako ng Boni. Still, yung travel ko pabalik ng Alabang, inabot ng 2 hours sa sobrang traffic.

Now, ang masasabi ko lang dyan kina Trillanes eh, nakakaasar sila kasi mali ang diskarte nila! Hindi man lang yata pinag-isipan mabuti yung gagawin nila from beginning to end. Sure, marami tayong grievances sa gobyerno natin, sino bang wala??? Pero yung iparating mo yung protesta mo na mangdadamay ka pa ng ibang tao, foul yun! Kawawa naman yung mga may ari ng Manila Pen, sira ang business nila. Kawawa ang mga taong na-late sa mga appointments (buti umabot pa ako sa check releasing!) at yung mga na-trauma sa pangyayari (unfair yung ginawa sa media people at kahiya sa mga foreigners na guests nung hotel!).

Most of all, nagmukha na namang eng-eng ang Pilipinas sa mata ng buong mundo kasi lahat na lang ng naging leaders ng bansang ito, gustong patalsikin via "people power". Ano ba?! Hindi na ba tayo mahe-headline man lang sa world news na maganda ang image? Para kasing laging negative ang mga balita kapag galing dito sa atin :(

Tuesday, October 23, 2007

Batang Wais

"Sayang ang lamig ng aircon! Matulog ka dun sa kwarto, tabihan mo sina Kuya," utos ko kay Deden isang hapon last week na sobrang init. Half day sila kasi exams. Gustuhin ko man makitabi sa mga bata, kelangan ko magtapos ng deadlines sa computer dito sa sala. Tulog na yung tatlo habang itong si bulinggit eh mega-marathon ng DVDs.

"Hindi nga ako inaantok Mommy!" protesta ni Deden. Kako, kahit 5 minutes lang, try n'yang mahiga at baka antukin din sya. "Okay, okay!" sagot ng batang makulit na halatang naiinis. Maya-maya pa, pinatay na yung TV at pagkatapos manggaling sa kitchen, pumasok na ng kwarto.

Engrossed na engrossed ako sa mga tina-type ko nang biglang mag-"Ding!" yung timer ng oven toaster. Inisip ko, aba, nag-toast pa pala ng tinapay ang bata eh baka tulog na.

Pagbukas ko ng pinto ng kwarto, hindi ko pa man nasasabing "Uy tumunog na yung toaster, luto na yung bread mo", andun pa lang ako sa "Uy ..." biglang bangon si liit sabay tanong "Tumunog na yung timer? Time's up na yung 5 minutes ko? Pwede na ako ulit manood ng TV?"

Bwahahaha! Mautak na bata! Pagsilip ko, hindi nakasaksak ang toaster at walang tinapay. Sows, na-good time ako. Ang lakas ng halakhak ng asawa ko nung itinawag ko sa office nila :p

Saturday, September 15, 2007

Taxes sa Air Parcels na Kinukuha sa Post Office

About two weeks ago, nakatanggap ako ng registered mail notice galing sa Alabang Post Office. Sumubok akong tumawag para itanong kung saan galing kasi wala naman akong ini-expect na importanteng sulat. It turned out na may air parcel daw ako galing sa US na padala ng American friend kong may mga anak ding naka-tube feeding.

Akala ko kasi ipapadala niya sa hipag ko sa California yung mga ibibigay nyang gamit para kay James, para sister-in-law ko na lang ang magpapadala dito. It turned out na diniretso na lang i-mail papuntang Pilipinas ng friend ko yung mga feeding tubes, syringes and special gauzes. According to her email a day later, para daw magamit agad ni James.

Nung kinuha ko yung box, hiningan ako ng P35 as Custom Fee daw. Since maliit naman yung amount, binayaran ko and nagbigay naman sila ng official receipt.

Tapos two days ago, naka-receive na naman ako ng notice. This time, alam ko ng may paparating, kasi binanggit na sa akin ni Diane na may susunod na package na may lamang tubefeeding pump, feeding bags, formulas, etc. Pagtawag ko sa Alabang office, sabi nila wala sa kanila yung package at mag-inquire ako sa Las Pinas Post Office kasi daw mukhang subject to custom inspection yung contents kaya dun bumagsak.

So tumawag ako ng LP post office to ask kung gaano ba kalaki yung box kasi baka mahirapan ako ulit i-commute pauwi like last time. Wow, ang sagot ba naman, "Ay naku, basta malaki yun kung air parcel. Pumarito ka na lang at kunin mo!" Ang taray!

So hinintay ko muna kung kailan libre ang asawa ko para masamahan ako ng naka-van. Ang layo kaya ng Las Pinas! Saka ilang sakay sa jeep at tricycles ako pag nagkataon. Eh pano kung malaki at mabigat yung box?!

Kahapon, natuloy kaming pumunta. Habang tulog pa si James, ibinilin muna namin sya kay bunso na bantayan hanggang dumating si Kuya Jo nya from school na mas marunong mag-alaga kay James. Pagdating doon, medyo natagalan pa bago kami na-entertain kasi di masyadong namamansin yung mga tao sa parcel receiving area. After ma-verify yung ID ko, pinagbayad ako ng P35 dun sa isang window. Again, may official receipt.

Pagbalik ko dun sa packages counter, ilang minutes ulit bago nila inilabas yung box. Tapos sinabihan kaming kelangan nilang buksan yun to check the contents. Naghintay ulit kami ng medyo matagal before dumating yung magi-inspect. Tapos isa-isang nilabas yung mga nasa loob ng box.

After another long wait, may binigay sa aking papel. Na-confuse ako kasi may mga computations. Nakalagay dun:
Customs Duty – P178
Evat – P799
Import Processing Fee – P250
Customs Docu Stamp - P250
BIR tax - P15
Amount Payable - P1492

"Mam, ano ho ito?" tanong ko. "Yan ang babayaran nyo pa," sagot nung ale. Huwaaaat???! Nung tinanong ko ulit bakit ganun kalaki, may binigay sa aking four or five pages ata yun na Xerox copied documents. "Ayan, basahin mo para maintindihan nyo bakit kayo kailangang magbayad. Based yung computation sa assessed value ng contents nung box nyo." Kung paano inassess at paano nila nalaman magkano ba yung mga laman (ako nga wala akong idea eh!) bukod dun sa paano sila nakarating sa P1492, hindi ko na alam.

contents ng kahon
So binasa ko. Pero confused pa rin ako kasi sabi dun, (ang intindi ko ha) yung nagpadala galing sa ibang bansa, hindi nagbayad ng tax sa Pinas kaya yung recipient ng parcel, sila ang dapat mag-shoulder. Eh di lalo akong nalito kasi yung postage na lang dun sa box, $76.70 na!

Pagtingin ko sa wallet ko, P500 lang cash ko. Si hubby, P700 lang. Kako, hanap na lang sya ng ATM muna para mag-withdraw. Ako, nagpa-iwan na lang dun sa post office. Sa layo ng pinakamalapit na BPI bank, natagalan bago nakarating pabalik asawa ko.

Tapos chinika ako nung ale sa counter. Ano daw ba yung mga laman nung box namin? So inexplain ko na feeding equipment para sa anak kong sa tube lang na nakakabit sa tiyan niya nakakakain. Kako bigay nung kaibigan ko kasi sa US naman, maraming surplus ang mga Kano kasi insurance ang nagbabayad ng lahat ng needs ng mga anak nilang may special needs. Yung sobra, ni-share sa anak ko.

Pagdating ni hubby, tinanong ako kung binasa ko na daw ba yung documents at ano nga daw bang dahilan bakit kelangan naming magbayad pa. Nanghihinayang din kami kasi yung ibabayad namin, pambili na sana ng Pediasure ni James.

Nung sinabi kong hindi ko pa rin magets yung logic ng customs, umandar na ang pagka-PR ni mister. "Mam, ba’t naman ho ganito kalaki yung babayaran namin? Eh kung tutuusin, yang mga gamit na yan, donation sa anak naming may cerebral palsy kasi di namin kayang bumili ng mga ganyan." Basta explain, explain sya dun sa mga ale.

Binanggit pa namin na two weeks ago nga, sa Alabang PO nag-claim din ako ng package from the same sender, P35 lang pinabayad sa akin. Ang sabi ba naman, "Ay naku, smuggled yun! Lahat ng package dito sa amin dapat dumadaan." Ngek! Pano kaya nangyari yun? Eh marami din naman akong nakitang boxes dun sa Alabang na naka-stack. Ay basta, ini-insist nilang smuggled daw yung unang package na nakuha ko. Kahit pa ini-insist kong may official receipt na binigay, ayaw nilang maniwala. (Pagdating sa bahay, pinag-compare ko yung receipts from Alabang at Las Pinas, pramis, OR # lang ang pinagkaiba!)

Maya-maya, sabi nung parang head nila. "Sige, tingnan natin kung pwede itong ma-under sa exemption. Itatawag namin." Ayun, after several minutes, biglang ok na daw, pumayag daw yung boss nila (hu dat?) at pwede na daw hindi kami magbayad. Hay, ang laking buntong-hininga ko kasi kung ako lang pala ang nag-claim, malamang nagbayad ako without arguing. Mahina talaga ko sa negotiations.

Yung katabi kong babae na nagki-claim din, bumulong sa akin, "Sobra naman, pwede naman palang hindi bayaran, sisingilin pa kayo ng P1000+! Kawawa na nga anak nyo!" Hay, buti na lang talaga at hindi na kami nakapaglabas ng P1k+. Isang malaking can na yun ng gatas at diapers ni James.

Ngayon ang medyo nagwo-worry ako, may paparating pa daw na pinaglakihang wheelchair nung anak ng kaibigan ko na ipapadala nya ulit para kay James. Sana naman kung sakaling sa LP na naman bumagsak, wag na nila kami hingan ng extra fees. Buti sana kung mayaman kami :(



Wednesday, August 29, 2007

Simplifying

Kagabi, nanonood ako ng House M.D. sa QTV 11. One dialogue there was "She's in a coma." So tanong si Josh, "Ano'ng sabi Mommy?" Inulit ko. "Ano yung coma?" tanong nya ulit.

I tried to explain in a way na maiintindihan n'ya. "Parang natutulog ng matagal na matagal na panahon anak tapos hindi sya nagigising pero alive sya."

Biglang nag pipe-in si Deden ng, "Hibernation!" I was amazed kasi he was able to associate the word with coma. Kako, "Parang ganun pero ang hibernation, nagigising sila ng kusa. Yung sa coma, hindi alam kung kelan. Teka, saan nyo naman natutunan ang hibernation?"

Duet silang dalawa, "Spongebob!" hahaha. And then I remembered, oo nga pala, may episode where Sandy the Squirrel went into hibernation for the winter.

Kitam, may natututunan ang bata from Spongebob! hehehe

Wednesday, August 15, 2007

Bawal Magkasakit!

Hay buhay, eto na naman kami. Balik lagnat at tonsillitis na naman si Daniel since Sunday night at absent na naman for three days :( Sobrang worried na ako dahil almost every two months, nagkakaganito s'ya. At ewan ko ba kung bakit natataon pang exam week tumatama! Buti na lang na-suspend ang classes tomorrow, may time pa s'yang magpagaling at mag-review ng mas maayos.

Napatingnan na namin s'ya sa pedia a few months ago (a new one since barely one year pa lang kami dito sa Manila and his original pedia is in Laguna) and nag-prescribe ng Amoxicillin regimen. Wa epek. Balik tonsillitis si Deden after two months at pabalik-balik pa rin hanggang ngayon.

Before, after two days, nagre-resolve na yung lagnat which we attributed to a viral infection lang. Pero this time, inabot na naman ng three days. I thought of Dr. Carmen Nievera, a pediatric infectious diseases doctor I interviewed before for Smart Parenting magazine. Natatakot na kasi kami ni Noy na tumuloy sa rheumatic heart disease kapag hindi pa rin nawala ito.

So this morning, dinala ni Noy si Deden sa Asian Hospital while I stayed home with James. Pagbalik nila, nyay, andaming reseta! Pero it is heartening to know na mas matindi ang medication regimen na binigay ng doctor. Sabi daw kay Noy, may studies na ngayon about kids who develop tonsillitis 6-10 times a year due to infection and allergies na nagma-manifest as phlegm na naiipon in turn sa respiratory tract at umaakyat hanggang tonsils. Iiiks, pasok sa category ang Dedenpot kasi may sipon din s'ya the past few days! Kaya kelangan daw aggresive ang gamutan para di na pabalik-balik.

He was prescribed Augmentin for 10 days (nung mabasa ko yung reseta, para akong hihimatayin hahaha), Dimetapp for 5 days, Heraclene for 30 days (isa pang mahal na gamot ito!!!), Cetirizine for 2 weeks and Cherifer Forte as vitamins.

Immediately, nag-compute ako ng dosages at kung gaano karami ang kelangan naming bilhin. Tapos tumawag ako sa pinakamalapit na Mercury Drug sa bahay namin. Eto conversation namin nung nakausap ko:

Me: Magtatanong lang po kung magkano ang Augmentin 400mg suspension
SalesLady: Ilang ml?
Me: Yung pinaka-malaking bottle po.
SL: P940.50 yung 70 ml (Ngwark, 130ml ang kelangan ni Bunsoy!)
Me: How about Dimetapp syrup? Anong pinakamalaking bote?
SL: 120 ml, P147.00
Me: Eh Mam yung Heraclene capsule?
SL: P16.10 isa. Teka marami pa ba yan? (inis na ang boses)
Me: Ah eh, dalawa na lang ho. Yung cetirizine at Cherifer syrup pa.
SL: (mataray na) Taga-botika ka ba?
Me: (kamot ulo) Ho?! Pasyente po. Marami kasi ni-reseta sa anak ko.
SL: Saan ba ito? (mataray pa rin)
Me: Dito rin po sa Muntinlupa. Kaya naman po ako nagtatanong para alam ko kung magkano dadalhin ko pagbili ng gamot sa inyo (duh?)


Ayun, sinabi naman ang prices nung ibang gamot. Pero naangasan ako sa kanya kasi ano ba, kala n'ya taga ibang botika ako at nagsi-spy sa prices nila???? Eh naman, di ba public knowledge dapat ang presyo ng mga bilihin sa kanila. Kaya nga sila may telepono para makapagtanong ang customer eh. Tsk, bad trip talaga.

Kaya bukas, hindi ako dun sa branch nila bibili ng gamot!!! (Hahaha, bitter!) Buti na lang binigyan kami ni Dra. Nievera ng Augmentin sample kaya abot hanggang bukas yung dosage kay Daniel.

Pero pramis, nawiwindang ako sa total ng computation ko. We need to shell out P3282.00 for all the meds. Hay, sana gumaling na finally si Deden sa ailment niyang ito. Please do utter a short prayer for his fast recovery kung nakaabot kayo sa dulo ng mahabang post ko na ito :p (Bumabawi lang kasi tagal kong absent sa blogger).

Tuesday, June 05, 2007

The distinction between good and bad service

How ironic can it be? Read on to find out.

Every time may power outage, namamatay din ang landline phone namin. The last time may tumawag na PLDT lineman dito, ganito ang usap namin:

Lineman: “Mam, checking lang kung may dial tone na kayo.”
Me: “Meron na ho. Pero bakit ba palaging nawawala kapag nagba-brownout?”
Lineman: “Ah kasi may nagnakaw ng baterya sa control box dito sa may village court. Kaya kailangan i-restart manually kapag hindi na brownout.”
Me: “Ay ganun? Eh anong balak ninyong gawin dyan? Kailan mapapalitan ang baterya?”
Lineman: "Naku Mam, hindi natin masabi. Wala pang advise galing sa itaas."
Me : "Sus, ibig sabihin every time magba-brownout, wala rin kaming telepono?! Tapos hindi agad mare-restore kahit may kuryente na dahil kailangan nyo pang puntahan?”
Lineman: “Tama po. Pero pag nagka-ganun naman, itawag n’yo lang para makarating kami agad.”
Me: “Ah eh, manong, paano kaya kami tatawag kung wala ngang dial tone?”
Lineman: “Ay oo nga pala!"
Me: “Dapat may number ang PLDT na pwedeng i-text man lang kapag ganyan!”
Lineman: “Ay Mam, wala eh.”


TOINK! Kung di ka ba naman makunsumi! Until now, wala pang solusyon ang problema naming ito. At ang masama, lumala pa ata ang sira dahil since May 31, after twice nag-brownout dito sa amin, eto, six days later, wala pa rin kaming landline access :(. Naman, responsibility nilang i-secure yung site kung saan andun ang mga controls ‘di ba?

In contrast, since wala nga kaming landline kapag brownout, akala namin wala ding way para makapag-report sa Meralco. Tapos naalala ko, noong kasagsagan ng bagyong Milenyo, may mga cel numbers na binabanggit sa mga radio stations para daw makontak ang Meralco. Buti na-save ko sa cel ko.

Ayun, may time na nag-brownout tapos ni-try naming tawagan. May sumagot! At magalang ha! (Although nung time ng Milenyo, siguro swamped sila sa dami ng reports, hindi ko na-feel ang efficiency ng service na ito). Humingi ng details (name, location at Meralco service ID no. ng bill namin) tapos binigyan kami ng report number para daw sa follow up. After a few minutes, somebody called back to give us some updates. Now THAT is customer service!

From then on, every time na magba-brownout at wala kaming landline (as usual), I just text the Meralco numbers ng mga pertinent details. Mamaya lang, may reply texts na sila ng updates. Hay naku, kelan kaya magiging ganito ka-efficient ang PLDT????!!!! Hanggang pangarap na lang ba ako?! Buti sana kung libre lang ang service nila, eh hinde! Nagbabayad ako for something na hindi ko naman napapakinabangan ng regular. Hay buhay!

Oo nga pala, kung pareho nyo kami na palpak ang phone services sa area kapag brownout, here are the Meralco numbers: 0917-5592824 or 0917-8476908. In fairness, since hindi ito 4-digit number, piso lang ang text at pwede pang i-ten cents per second kung tatawag ka! Ay naku, KUDOS talaga to Meralco for implementing this.

Ngayon ang problema ko na lang, paano ako makaka-internet kapag may kuryente na at wala pa ring landline?!

Wednesday, May 16, 2007

Eleksyon

Kamusta? Bumoto ba kayo? Dapat lang ha! Kami ng asawa ko, umuwi pa kami ng Laguna (kung saan kami naka-register) noong Monday just to vote. Isinama namin sa school yung dalawa naming anak na nakakaintindi na kahit papaano ng politics para maging example sa kanila yung ginagawa namin -- na pagdating ng araw na pwede na silang bumoto, dapat boboto sila. Our 13 year-old panganay is already excited taking part in voting for future elections.

We take our responsibility as Filipino citizens seriously at naniniwala kaming magkakaroon din balang araw ng magagandang pagbabago ang bansa natin kung lahat tayo, ang magiging mentality ay "may magagawa tayo kahit sa maliit na paraan."

Share ko lang itong press release ni Senator Kiko Pangilinan na natanggap ko via email kanina lang. Nakakalungkot talaga ang situation natin dito. Sana naman in the future maraming mabago at para sa kabutihan ng mas nakararami.


Office of Majority Leader Kiko Pangilinan

SENATE OF THE PHILIPPINES

Rm. 693 GSIS Financial Center, Roxas Blvd., Pasay City

Tel. 5526748 Email: kiko.pangilinan@gmail.com website: www.kiko.ph



PRESS STATEMENT

May 16, 2007

ON THE PNP STATEMENT REGARDING ELECTIONS GENERALLY PEACEFUL…

"This statement is self-serving and is nothing but a means for the PNP to escape responsibility for its failure to keep the peace and maintain law and order.

In the US Virginia Tech shooting incident, 33 were killed and it was called a massacre. Here in the Philippines, 150 were killed and it's called generally peaceful. The PNP should be made to account for its failure to prevent this massacre. The PNP should be made to explain why 150 lives were lost and what did they do or fail to do to prevent this senseless loss of lives.

Kahit sa anumang parte ng mundo, walang maniniwala na mapayapa ang halalan kapag 150 ang patay. Kalokohan ang tawaging generally peaceful ang election kung saan 150 ang patay. Dapat magpakatotoo ang PNP at kilalanin nito na nagkulang sila at huwag dapat takpan ang pagkukulang na ito sa pamamagitan ng mga statement na 'di angkop sa realidad at katotohanan. Nagkaroon ng election bloodbath at 150 ang patay dahil dito. Ito ang dapat naging statement ng PNP kung interesado ito sa katotohanan.

Friday, April 20, 2007

The Friendster Craze

Ayan na, lalo kong na-realize na nagbibinata na ang mga anak ko! Kagabi kasi, habang nagi-internet ako, sabi ng panganay ko, "Mommy, pwede ba akong mag-Friendster? Kasi marami akong classmates meron nun eh!" When we checked the profiles, ngak, sangkatutak ngang bata na taga-school nila ang nakalista, pati gradeschoolers! Nagtawanan pa ang mga kolokoy na bumulaga yung picture ng isang classmate nitong 5th grader ko na lagi syang tini-text at mukhang crush ata ereng anak ko, "Nyaaah, andyan si ______!" hehehe.

Curiously, nung nag-try silang mag-sign up, nakalagay na minimum age eh 16 lang. Sows, kaya pala nakalagay dun sa ibang profiles ng classmates nila eh kung anu-anong age. Hmmm, kaya din pala naka-sign up noon pa ang ilang anak ng mga friends ko are as young as seven years old! Hay, just to join the bandwagon, sabihin na lang nating, "ipinilit" ang pag-sign up nitong dalawa. May I request pa si bunso (mag-gi-grade 2 pa lang) na siya din daw. Ay naku, kako patangkad muna siya at bawal ang maliliit na bata sa friendster :p Tama na muna sina kuya niya ang mag-try out.

Inisip ko naman, since nakabantay naman ako lagi sa mga ito kapag nag-i-internet, makikita ko yung mga ginagawa nila and I think friendster will be a way din para sa kanila na makipag-socialize as well as masanay sa technology ng internet. After all, the web is here to stay so who am I to curb their enthusiasm? Kumbaga, this would be a safe learning experience para sa kanila.

Tuesday, April 10, 2007

The Election Irritants

Call me maarte, call me paranoid, call me selfish and whatever name you’d wish. Pero nainis talaga ako kaninang umaga dahil pagkagising namin, may dalawang posters ng isang mayoralty candidate na nakasabit (using wires no less!) sa bakod namin!!! Obviously, ikinabit ito stealthily kagabi habang natutulog kami or else malalaman namin dahil maingay kumahol ang mga aso namin kapag may mga taong aaligid-aligid malapit sa fences.

I am not against the candidate. Heck, ni hindi nga kami registered voters dito sa Alabang dahil sa Laguna pa kami nakalista at boboto this coming May. Kaka-one year pa lang kami dito sa current bahay namin! What rankles is the assumption ng kung sinong naglagay ng mga posters na yun, na okay lang magkabit sa isang private area. My goodness, mukha bang election wall ang bakod namin????

At paranoid na kung paranoid, eh paano kung mamya mapagdiskitahan kami nung kalaban niya at akala supporter kami? I’ve heard enough election-related violent incidents enough to know na hindi ito impossibleng mangyari.

I know na kalimitan, yung mga supporters ng isang candidate ang indiscriminately na nagkakabit ng mga posters kung saan-saan. No offense to the candidate because this post is in no way undermining her capabilities to lead. Notwithstanding, dapat naman ino-orient nila ang mga tauhan nila ng tama o mali. I am just taking a stand based on my principle na tayong mga taong-bayan, hindi dapat maging passive at oo lang ng oo!!!

Bottomline, kung botante ako dito sa Muntinlupa, dahil sa incident na ito, hindi ako lalong makukumbinsi na iboto ang kandidatong sa pakiramdam ko ay nag-violate ng privacy at right to property namin! Kainiiiiisssss!!!!

Tuesday, April 03, 2007

Music Shuffle Game

Dahil nagkopyahan ng posting ang mga fwends ko sa blogs nila, makikigaya na rin ako hehehe. Ikaw kasi Faye eh! Hahaha, manisi daw ba! Pero tingin ko, Corrs fans lang ang makaka-relate sa post kong ito (pano naman, 95% ng laman ng i-Tunes ko eh Corrs songs!). Heniways, baka gusto nyo rin i-try, fun sya :)

1. Open your library (iTunes, Winamp, Media Player, iPod, etc)
2. Put it on shuffle
3. Press play
4. For every question, type the song that's playing
5. When you go to a new question, press the next button
6. Don't lie and try to pretend you're cool.

Opening Credits:
Radio – The Corrs

Waking Up:
What Can I do (but wake up? hehehe) - The Corrs

First Day At School:
One Night – The Corrs (ngek, ano itu, night school???)

Falling In Love:
Paddy McCarthy – The Corrs (hala instrumental na Irish Jig, di ata bagay)

Fight Song:
When the Stars Go Blue – The Corrs (“Dancing in your wooden shoes … in your wedding gown” Um, duh?)

Breaking Up:
Queen of Hollywood – The Corrs (dapat ata pang next song ititch ah)

Prom:Looking in the Eyes of Love - The Corrs (ayos! Swak!)

Life Is Good:
So young – The Corrs (Agree! I love this song, sobrang ganun talaga ang feeling around high school and college days)

Mental Breakdown:
Breathless (dahil ini-straight jacket? hehehe) – The Corrs

Driving:
Moorlough Shore _ The Corrs (ngek makakatulog ako sa manibela nito!)

Flashback:
Joy of Life – The Corrs (happy memories, ayos!)

Getting Back Together:
Return to Fingall – The Corrs (in fairness, may “Return”)

Wedding:
Love in the Milky Way – The Corrs (ngek, kanta to ng call girl eh!)

Birth of Child:
Confidence for Quiet – the Corrs (utang na loob, hindi ko kayang manahimik kapag nanganganak, masakeeet!)

Final Battle:
Buchaille on Eirne – The Corrs (napaka-mild naman nito para sa battle)

Death Scene:
Humdrum – The Corrs (hmmm, pwede!)

Funeral Song:
Little Wing – The Corrs (“Now she’s walking through the clouds …” pwede rin!)

End Credits:
Rendezvous Paris – The Corrs (fitting!)

Thursday, March 29, 2007

The Olay TE Bandwagon

Mga 2 or 3 weeks ago, naka-receive ako ng email about a promo ng Olay. Pwede kang mag-Buy-1-Take-1 after registering dun sa website nila tapos papadalhan ka ng text where you can claim it. Kuripot that I am, noon ko lang talaga inisip na patulan ang Olay para makita kung ano nga ba ang sobrang hullabaloo nyan at pagkarami-raming artista na ang nage-endorse sa TV.

I've been very wary na kasi na bumili ng mga mamahaling beauty products dahil nakailang bili na rin ako dati na palpak naman at after 1 or 2 uses eh di ko na magamit tapos P300+ down the drain na agad yun. (Ayan, naalala ko na naman yung pagka-asar ko sa Avon Anew dahil pinutakti ako ng pimples dahil sa product na yun eh ke mahal-mahal pa naman!).

Late last year, P599 lang ang Olay. After all the TV ad bombarments, abaw naging P648 na! So nung nag-promo, kinausap ko sis-in-law ko and we decided na maghati ng bayad. Last Friday, nakabili na ako sa Shopwise.

Eto ngayon, siguro masyado akong perfectionist kasi gusto kong may drastic changes na makita agad. Eh after almost a week of use, parang wala pa. Although para ngang tighter na ang facial skin ko and the pores are smaller. Still, di pa ako convinced. The other day, tinanong ko si hubby kung may nakita na syang changes. Ang sagot eh, "Wala naman. Basta napansin ko lang na nakakatulugan ko at nagigising akong nakadikit ang ilong ko sa mukha mo kasi mabango," with matching grin. Hay naku, men!

So I'll have to see pa kung after a week or two eh talagang magla-lighten na ereng freckles na gusto kong ma-eradicate at kung mawawala nga ang tiny lines na nakikita ko sa aking noo. At hoooy, walang manghuhusga, lahat ata ng babae eh may itinatagong pagka-banidosa! :p

Wednesday, February 28, 2007

ENGLISH MOVIES YOU SHOULD NEVER TRANSLATE TO TAGALOG

Hehehe, funny ito. Tawang-tawa ako sa #s 15, 23, 27 at 32. Although marami rin corny ang dating. Anyway, forwarded email lang naman ito. Enjoy!

1. black hawk down - ibong maitim sa ibaba
2. dead man's chest - dodo ng patay
3. i know what you did last summer - uyy... aminin! (naalala ko tuloy brother ko dati, manunuod daw sila ng "How Did You Did Last Summer" bwahahaha!)
4. love, actually - sa totoo lang, pag-ibig
5. million dollar baby - 50 million pisong sanggol (it depends on the exchange rate of the country)
6. the blair witch project - ang proyekto ng bruhang si blair
7. mary poppins - si mariang may putok
8. snakes on a plane - nag-ahasan sa ere
9. the postman always rings twice - ang kartero kapag dumutdot laging dalawang beses
10. sum of all fears - takot mo, takot ko, takot nating lahat
11. swordfish - talakitok (?)
12. pretty woman - ganda ng lola mo
13. robin hood, men in tights - si robin hood at ang mga felix bakat
14. four weddings and a funeral - kahit 4 na beses ka pang magpakasal, mamamatay ka rin
15. the good, the bad and the ugly - ako, ikaw, kayong lahat
16. harry potter and the sorcerer's stone - adik si harry, tumira ng shabu
17. click - isang pindot ka lang
18. brokeback mountain - may nawasak sa likod ng bundok ng tralala/bumigay sa bundok
19. the day of the dead - ayaw tumayo (ng mga patay)
20. waterworld - basang-basa
21. there's something about mary - may kwan sa ano ni maria
22. employee of the month - ang sipsip
23. resident evil - ang biyenan
24. kill bill - kilitiin sa bilbil
25. the grudge - lintik lang ang walang ganti
26. nightmare before christmas - binangungot sa noche buena
27. never been kissed - pangit kasi
28. gone in 60 seconds - 1 round, tulog
29. the fast and the furious - ang bitin, galit
30. too fast, too furious - kapag sobrang bitin, sobrang galit
31. dude, where's my car - dong, anong level ulit tayo nag-park?
32. beauty and the beast - ang asawa ko at ang nanay nya
33. the lord of the rings - ang alahero

Saturday, February 17, 2007

Jokes through ffwd email

Natanggap ko na iba dito sa mga texts pero yung iba bago at natawa pa rin ako hehehe. Just sharing! Wala pong mao-offend dun sa ibang words, (for emphasis purposes lang siguro kaya kasama) hindi po ako me sabi nun :p (defensive hahaha)

GF: Hayop ka, niloloko mo ako!
BF: Bakit, wala naman akong ginagawa ah!
GF: Anong wala? Nakita kita kanina, may kasama kang ibang babae, magkahawak pa kamay nyo! Niloloko mo ako!
BF: Makinig ka muna... hindi kita niloloko, maniwala ka... Yung kasama ko kanina ang niloloko ko!
************************************************************************
Ifugao: Apply po ako ng sundalo, sir.
Officer: Hindi ka pwede, ang dami mong sirang ngipin, bungi ka pa!
Ifugao: Bakit sir, sa gyera ba ngayon, kagatan na ang labanan?************************************************************************
A lizard fell on a table.
Genius: Oh! reptila scincidae;
Kikay: Eew, lizard!;
Astig: Shit, butiki!;
Mataray: Shucks, butiks!;
Mayaman: Yuck! Lacoste!;
Mahirap: Pare, ulam!************************************************************************
Pedro: Saan ka galing, p're?
Berto: Sementeryo, libing ng byenan ko.
Pedro: Bakit puro kalmot ang mukha at braso mo?
Berto: Mahirap ilibing eh, lumalaban!***********************************************************************
Bakit "S" ang nasa costume ni Superman? Wala na kasing medium!
Napansin mo, fit masyado, di ba?************************************************************************
Nanay: Hala, sige, layas! Huwag ka nang bumalik dito sa bahay! Simula ngayon, huwag mo na akong tawaging nanay at hindi na rin kita tatawaging anak, naintindihan mo?
Anak: Sige dude, alis na ako. ************************************************************************
Boy: Kukunin ko ang mga bituin at ibibigay ko sa iyo!
Girl: Shut up! Hindi mo nga makuha yang kulangot mo, bituin pa!
Boy: Ay sorry, hindi ko alam na ito pala ang gusto mo!************************************************************************
Ice cream ba talaga yung inendorse in Pacquiao sa TV ad nya na Nestle Ice Cream?
Akala ko kasi, softdrinks. Kasi, sabi nya, "Oh mga bata, Mirinda na!"
************************************************************************
Pedro: Alam mo, yung pusa namin, kahit nakalagay sa lamesa at walang takip ang ulam namin, hindi kinakain!
Juan: Maniwala ako?!
Pedro: Totoo!
Juan: Ano ba ang ulam nyo?
Pedro: Asin!************************************************************************
Nurse: Miss, gising na!
Patient: Ah, bakit?
Nurse: Oras na ng pag-inom ng gamot.
Patient: Anong gamot?
Nurse: Sleeping pills.
************************************************************************
Boy Guwapo + Girl Ganda = Perfect Couple.
Boy Guwapo + Girl Panget = True Love.
Boy Panget + Girl Ganda = Galing Diskarte.
Boy Panget + Girl Panget = SUKOB!************************************************************************
Ama: Bakit ka umiiyak?
Anak: Pumasa po kasi ako sa test. Huhuhu!
Ama: Aba, magaling! Anong subject yun, anak?
Anak: Pregnancy test po itay!************************************************************************
Erap at Starbucks.
Erap: Waiter, isang kape nga!
Waiter: Sir, decaf ho ba?
Erap: Syempre! Bobo! Lahat ng kape, de cup! Bakit, may nakaplato ba?!************************************************************************
Pedro: Ang tapang talaga ni Paeng! Biro mo, tumalon sa eroplano nangwalang parachute!
Leo: Ohh, totoo? Saan mo naman nabalitaan yan?
Pedro: Dun sa burol nya
************************************************************************
TUKMOL: Sino sa inyo ang matapang? Lumabas!
SIGA: Ako, matapang ako, bakit may problema ka?
TUKMOL: Wala po, survey lang ho. Ngayon, yung duwag naman ang lumabas!************************************************************************
Anak: Ma, hingi sana ako ng P50.
Nanay: P40? Ang laki naman ng P30! Anong gagawin mo sa P20? Akala mo madaling kumita ng P10? O, eto P5.
************************************************************************
Grabe! Biruin mo, 150,000 pesos daw, hot oil lang! 150,000 pesos ang rebonding! Sobra naman yang David's Salon na yan! - Rapunzel.
************************************************************************
Hindi makapagtimpla ng juice si Inday. Tahimik lang syang nakatitig sa bote ng juice. Dahil nakasulat: Concentrate.
************************************************************************
Boy1: Bakit mo ako sinuntok?
Boy2: Tinawag mo akong hipopotamus!
Boy1: Last year pa yon! Sira!
Boy2: Eh kanina lang ako nakakita ng picture ng hippopotamus, bobo!

Wednesday, February 07, 2007

The Unfairness of It All

Wala na naman akong maid. Yung dumating dito na galing Bohol, na sinagutan pa namin ng pasahe, noong Dec. 23 pinaalis na namin last, last Sunday. Litsugas na arte! After kulitin ng kulitin ang maid ng sister ko (na kapitbahay nya sa Bohol) para ihanap sya ng mapapasukan sa Maynila, at after magmadaling lumuwas (kahit pa sinabi kong okay lang kahit after New Year na para kasama nya ng Pasko ang family nya), mag-iinarte lang pala pagdating dito.

She's 46 years old, 9 ang anak at 6yo ang bunso. Nung negotiations pa lang, in-assure kami na kayang-kaya daw nyang mawalay sa family at malakas daw ang katawan for work. Fine. I figured since matanda na sya, siguro nga mas responsableng di hamak ito kesa sa mga dati kong maids na bata pa. Pasko atBagong Taon, nag-request makitawag sa celphone namin kasi daw nami-miss ang family nya. Pinagbigyan ni Noy kahit pa more than 10 minutes kung tumawag. Ayaw ng text dahil di daw sya marunong, argh! Kesyo malabo daw mata nya at take note, di daw nya kayang basahin yung mga naka-post kong instructions sa kitchen! Eh unang tinanong ko nung naga-apply pa lang sya kung marunong syang bumasa, oo daw. Tapos ngayon malabo naman ang mata?! Juice na mahabagin!

Nung nakahalata na ko na abusada na at halos every two days gusto ng tumawag. Kako teka, hindi TM ang phones namin dito at hindi applicable angP15/15min na alam nyang tawag! So I suggested na pautangin ko muna sya ng money para makabili ng TM sim at loads tapos hiram sya kina Leland ng phone para magamit nya. Wala pang two weeks dito, ayan na, gusto na umuwi kasi daw di pala nya kaya yung lungkot. Duh?! Sana inisip nya muna yun bago siya humingi sa amin ng pamasahe at perang pang-iwan sa family niya doon.

Pilit na pinapaliwanagan nung maid ng sister ko na sa umpisa lang yan, kesyo once na sumweldo ka na at makapadala sa family mo, gagaan ang loob mo chuva-chuva. Naku matigas ulo! Ayaw makinig at mega-pressure pa dun sa isa na i-text daw yung mga kamag-anak ng asawa nya.
Wag na daw sabihin sa mga nasa Bohol kasi ayaw nya mag-alala. Ayun, one by one, tinanggihan sya ng mga relatives nya na pautangin kasi mga kapos din sa pera. Saka ano ibabayad nya kung sakali eh aalis pa sya sa trabaho?

Tapos tuwing hapon, nandun sa likod ng bahay, nagmumukmok! Nung sinabihan na namin ni Noy na hindi namin sya bibigyan ng sweldo dahil hindi pa nga bayad yung pinamasahe namin sa kanya, ok lang daw kasi mangungutang sya, makauwi lang. Grabeng kitid ng ulo. Eh wala nga gusto magpautang! Hindi man lang inisip na inaasahan ng family nya yung perang mapapadala nya doon. Kesyo daw isanla na lang siguro yung maliit nilang lupa doon.

Tapos duda ko, para lang ma-convince kaming dapat i-let go sya, sinabihan pa kaming nagkaron sya ng tubig sa baga 2 years ago. Eh di shempre biglang natakot nga naman kami for the kids' sake. Kaso kahit gusto namin sya pauwiin there and then, wala naman syang pupuntahan at wala syang pera. Alangan namang itaboy namin sa kalsada.

To make the long story short, pinaalam na rin sa anak nitong si Neria saBohol yung situation at ayun, naghahagilap ng pera yung anak dun para mapadalhan ang nanay nya. How ironic di ba?! Tapos na-contact ng maid ng sister ko yung bayaw nitong maid ko na taga Malabon. Nagpasundo dito para dun na hintayin ang pera from Bohol.

What was so nakaka-bwisit eh nung gabi after umalis dito, tinawagan nung bayaw yung maid ng sister ko at pinagmumura dahil nagdala-dala daw ng tao dito tapos papabayaan lang. AT ang pinaka-matindi, ang sumbong ng bruha, di daw namin sya pinakain ng 3 araw! Ay naku, panting talaga tenga ko. Kung aso nga 2x a day namin pinapakain, tao pa!!! Eh nauuna pa nga syang kumain kasabay ng kids kapag hinihintay ko pa dumating si Noy tapos ganun ang sumbong!

Ayun, sa sobrang galit ko, binombard ko ng text yung BIL via chikka. Sumagot ng 3x kaya tuloy-tuloy ako send ng mga sumbat. Kako ang kapal ng mukha, ginawa na nga namin lahat over and beyond the duties ng amo, kami pa pinalabas na masama. Eh kami na nga yung naabala ng todo-todo! Grabe talaga. Pati yung maid ng sister ko, na-high blood na sa mga accusations sa kanya kasi nga naman, sya yung pinasasagot ng mga responsibilities as if menor de edad yung tinulungan nyang pumuntang Maynila.

Just a few days ago, nalaman ko pang hinihingan pala ng barya-barya si Deden kapag wala ako! May duda akong nagyo-yosi yun dati dahil may naamoy ako kapag galing sa likod-bahay, pero di ko masiguro. Na-confirm lang nung mga maids ng sister ko na nag-yosi daw doon sa kabilang bahay nung nandun kami minsan. Shet, to think na binigyan ko pa one time ng P20 kasi daw magbibigay sya sa simbahan dito sa village. Grrr! Salbahe sya!

Ay buhay! Kaya ngayon, traumatized na akong kumuha muna ng maid. Yup, super pagod ako sa housechores everyday and I barely have enough strength to work sa computer sa gabi. Pero yung peace of mind, naku walang papantay, ang sarap-sarap ng pakiramdam na wala akong inaalalang ibang tao dito sa bahay. Saka ko na puproblemahin yung pano ko mag-iinterview sa labas pag kailangan na. Buti at ngayon, payag via sa email muna ang mga resource persons ko.

Hay naku, yan na muna ... maglalaba pa ako :p

Tuesday, January 23, 2007

Ang Daga, Bow!

Very early last Sunday, bandang alas-tres na ng umaga at hindi pa natutulog si James, gising pa rin kaming mag-asawa. Si Nonoy, kaka-tube feed lang kay James sa sala na nakaupo lang sa carseat at nanonood ng TV. Ako, nasa kwarto at nagbabasa ng book.

Suddenly, may squeaking sound sa may aircon sa ulunan ko. Split-type kasi yun kaya may butas ang wall sa likod kung saan dumadaan ang tubes ng Freon etc. galing dun sa main makina sa labas. Ilang araw na nakaraan nung napansin ni Noy na may butas (around 1 inch diameter) yung duct tape na nakatakip dun sa butas. Since hindi pa ulit kami nakakabili ng duct tape, di muna nya natakpan.

Tapos biglang napansin na yung isang filter ng aircon, wala na. Duda nya, may dagang nakapasok tapos nginatngat kasi baka gagawing nest. Then yun nga, nung madaling araw nung Sunday, nakarinig kami ng squeaks. Maya-maya, may nalaglag na bubwit! Eh di medyo tili na ako ng konti and ran for a plastic bag para mapulot ni Noy at maitapon sa labas.

Magfo-four na ng umaga yun when we decided, i-vacuum na lang natin yung aircon. Kasi kako baka mamya nanganak na nga yung nanay daga at kung kelan tulog na kami eh may magbagsakan pang bubwit sa mukha namin. Itinaas namin yung dalawang kutson (yep, wa kami bed frames kasi baka mahulog pa si James eh malaking problema pa) at tiniklop ang bedsheets para ma-clear ang floor. Habang ina-assemble ni Noy yung vacuum cleaner, may nakita akong ulo ng daga sa side hole nung aircon. Sabi ko pa, “Ay Daddy, look, tinitingnan tayo!”

So kumuha pa ako ng Raid Insect Killer at ni-spray-an ko yung magkabilang openings sa sides ng aircon para ma-groggy man lang ang mga daga at mas madaling mahulog if ever. Naglagay pa kami ng fly paper trap sa may floor para just in case bumagsak sila, hindi na makakatakbo dahil didikit sila dun.

So ayan na, tinanggal ang harapan na takip ng aircon, tumuntong sa monoblock chair si Noy at dahil maiksi ang hose ng vacuum, pinahawak nya sa kin yung machine para itaas ng konti at nang maabot nya yung mga vents. Unang nahigop yung bunches ng filter na mukha ngang ginawang pugad ng linstok na daga.

Mamya pa, dun naman sa kabilang hole sa left side ng aircon, nakita ko na naman yung ulo ng “daga”. Imagine my horror nung bigla syang tuluyan lumabas at nag-slither pababa. (Shet, tumataas na naman balahibo ko habang nagta-type nito!!!!) Before pa sya lumagpak ng tuluyan sa floor, nakasigaw na ako ng malakas. Si Noy, akala pala nakakita lang ako ng daga kaya late reaction pa sya. Pagsigaw ko ulit ng “Ahaaas! Eeeeeeeek!” talon sya sa chair, tinulak ako palabas ng pinto, nabagsak ko yung vacuum cleaner at sabay kaming tumalon sa sofa. Looking back, nakakatawa ang itsura namin malamang noon kasi natawa si James sa amin.

For the first time in my life, noon ako nakaramdam pano manginig at magsalpukan ang magkabilang tuhod at mangatal ang buong katawan. Kitang-kita namin from the sofa kung pano nag-writhe sa floor yung ahas before sumiksik dun sa isang kutson.

Nagising ang maid namin saka si Joshua, sigaw agad ako na wag lalabas ng kwarto. Kumuha si Noy ng mop, pinakuha sa maid yung itak sa labas ng bahay at binantayang huwag makalabas ng kwarto yung ahas.

Meanwhile, nanginginig ang kamay kong nag-dial ng Rescue number dito sa Muntinlupa. Sows, wala daw silang mobile that time! So tawag ako sa bumbero, mukhang nagising ko pa yung nakasagot at iritableng sinagot ako ng hindi sila nanghuhuli ng ahas. So much for public service!

Finally, nung natawagan ko ang Barangay Putatan, pumayag silang pumunta sa bahay namin. Although malayo yung station, kaya inabot din ng mga 30 minutes bago sila nakarating. All the time na naghihintay kami, sinasabihan ko talaga si Noy na huwag i-attempt na sya ang pumatay kasi baka matuklaw sya. Eh nakataas daw ba ang ulo ng ahas pag sinisilip nila!!!

Finally, dumating ang mga taga-barangay, apat na mama. Ayun fearlessly nilang pinasok at pinukpok yung snake ng mga dala nilang mahahabang kahoy. Sanay na sanay! Buti na lang sila ang natawagan namin. Nung hinila nila palabas ng kwarto yung ahas gamit ang stick, nginig na naman ako nung nakita ko. Litsugas, more than 3 feet long pala! Tapos sabi pa nila yun yung poisonous kind kasi reddish brown ang kulay.

My God, buti talaga at hindi pa natulog agad si James that time! I can’t imagine pano gagawin namin kung tulog kaming lahat tapos bumagsak sa mukha namin yung ahas eh directly nasa ibabaw lang ng ulunan ng bed yung aircon.

Ayun, at five in the morning, nagdidikit kami ng packing tape sa lahat ng butas ng aircon sa loob at labas ng bahay. Alas-syete na kami ng umaga nakatulog sa sobrang pagod. That night, before kami matulog ulit, pinatakpan ko na ng kumot yung buong aircon dahil sobrang na-trauma talaga ako.

Bakit may ahas sa area namin? Kasi marami pang vacant lot sa subdivision na ito. At two weeks ago lang, may nagsunog ng tall grasses dun sa bandang itaas namin. Duda ko nga, siguro may pinasok ang bahay ng ahas kaya nagsunog sila sa malapit sa kanila. That time, unfortunately, nagbabaan naman ang mga ahas sa part namin kaya kami ang napuntahan.

Isa pang factor, one month na kasing nakakulong si Panda (aso namin) ever since nanganak sya nung December at nangagat ng kaibigan ng maid namin. (That’s another long story pero pramis, may katatangahan talaga yun babae kaya sya nakagat). Kaya hindi na sya makagala sa yard kahit sa gabi. Eh magaling pa naman yun manghabol ng mga palaka at daga before.

So ayun, ang ending, si Panda, (na-nadelay lalo ang pagdispatcha namin) pinapalabas na lang namin sa gabi para mag-patrol ng surroundings. Iniiwan na lang na bukas yung gate ng cage para makapasok sya sa loob pag magdedede na yung mga tuta. Sa umaga, balik cage na lang ulit sya. Naku kelangan lumaki na yung mga tuta para yung matitira sa amin eh ma-train na ng mas maayos.

Hay! Until now, praning pa rin ako pag nakakakita ng mga butas-butas dito sa loob ng bahay :(
Related Posts with Thumbnails