Tatlong Anomalya
1) Last Friday, nag-interview ako ng isang resource person ko sa Greenhills. At dahil nasa Galleria lang naman ang office ng publishing house na pinagsusulatan ko, binalak kong doon sunod pumunta. Pagkatawid ko ng overpass, iisa ang jeep na nagpupuno doon sa pila. Ang signboard “Robinsons – Edsa” kaya sumakay ako para tapat mismo ako ng Galleria bababa.
Nearing Edsa, biglang sabi ng driver, “Hanggang dito na lang. Edsa na, Edsa na! Mag-u-U turn na ako dyan.” Apat kaming halos sabay-sabay na nagsabing “Ano?! Hindi ka tatawid ng Edsa???” Hindi daw kasi traffic. Ay naku, dahil tanghaling tapat yun at nakakainit ng ulo ang midday heat, di ko napigilang magtaray at sabihing “Maglalagay ka ng signboard na Robinsons tapos hindi ka naman dun tutuloy!” Hirit nung isang ale, “Hoy! Wag ka nang mamasada kung ganyan ka!”
Ending, wala rin kaming nagawa kaya ayun, lakad galore kaming lahat pagtawid ng Edsa sa gitna ng init, pawis at inis.
2) Pauwi na ako at sumakay ng jeep pagdating ng Alabang. Medyo nagkakagulo yung mga pasahero. It turned out that merong isang pasahero na nagkunwaring kundoktor at syang naningil ng pamasahe ng ibang pasahero. Tanong nung isang mama sa driver, “Pare, hindi mo ba kundoktor yung bumaba? Eh sya yung kumukulekta ng mga pasahe namin kanina!” Pobreng driver, hindi na nga nagbayad ang manlolokong tao, kumita pa ng pera mula sa kapwa pasahero. Tsk, ang dami talagang modus operandi sa Pilipinas!!!
3) Ang tricycle papuntang village namin P16 ang special trip. Swerte mo na lang kapag may makakasabay kang pareho ng bababaan kasi P8 na lang bayad mo. Pero most times, ayoko na maghintay dahil gusto ko na ring makauwi.
Aarangkada na yung tricycle nang biglang may matandang ale na biglang ipinatong yung isang malaking bag nya sa loob ng tricycle. Tinanong nya ako kung pwede daw syang sumabay. Tumango ako thinking at least makakamenos ako ng pasahe. Yung driver, kataka-takang vehement ang sagot nya sa lola na “Ay naku, dun na kayo sumakay sa susunod!” Eh sagot ng lola, “Bakit ba eh pumayag na ereng sakay mong sumabay ako.”
Yung ibang drivers sa labas, naririnig ko “Hoy lola, dito ka na sumakay sa susunod!” Nagtaka ako na ang isinagot nya sa kanila eh “Ano ba! Eh libre na nga ang sakay ko dito!” Akala ko naman baka kamag-anak sya nung driver ng sinasakyan ko at nahihiya lang yung driver magsakay ng kamag-anak kung may pasahero na sya kaya niya pinapalipat.
So eto na, isinalampak ni lola ang tatlong malalaking bag sa paanan ko. Medyo naging masikip ang loob ng tricycle. Pagdating sa shortcut ng village namin (di ako dumadaan malimit dun sa long cut kasi P32 ang pasahe dun although diretso hatid na sa house sana) nagbayad ako ng P20 kasi wala na akong barya. Sinuklian ako ng driver ng P4 sabay bulong ng “Miss, pasensya ka na.” Saka lang nag-register sa kin na siguro alam na nung mga drivers na modus ito lagi ng lolang ito.
Bago ako nakababa, sus! Hirap na hirap akong magmani-obra sa mga bagahe ni lola. At wala syang paki na halos masabit na ang paa ko sa handles ng bags nya at muntik malaglag bago tuluyang nakababa. Naaawa ako sa kanya kasi baka nga walang pera, pero andun din ang inis dahil sa pakiramdam na naisahan na naman ako at wala na akong magagawa.
Hay, litsugas! Tatlong kainis-inis na situations sa iisang araw lang. Kaya di umuunlad ang Pilipinas eh! Ang daming manloloko!!!
Monday, October 23, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
sinabi mo :p parang dark comedy 'no? dami talagang pasaway na Pinoy! hay ...
Post a Comment