Thursday, July 31, 2003

Natutuwa ako! Meron na akong Mercury Drug Suki Card! hehehe. Ang babaw ano? Kaya lang pag nanay ata talaga, lahat ng discounts, rebates at kung ano pang matitipid gagawin mo. Aba, sa halip na magbayad ng P100 na membership fee, nag-ipon ako ng mga resibo worth P1000! Tapos nung naka-apply na ako, mabilis lang pala yun, bigay agad ang card.

Eh di after ko bumili ng gamot dun sa pharmacy counter, punta ako sa grocery section. Bumili ako ng Milo and some other things. Ayos, nagamit agad si card nung magbabayad na ako. Ang natuwa ako, pagbigay ng resibo, nakita kong may discount agad yung Milo item which they give to Suki Card holders. O di va, masaya!

Pati nga sa Shopwise meron akong Wise Card. Hindi rin ako nagbayad ng P300 para sa application fee, nag-ipon ako ng receipts worth P5000. Ganda nga namang promo yang mga ganyan. Biro mo, after shopping (at reasonable prices pa -- ehem, grocery wise lang ha, pang Ayala Alabangers ang prices ng department store items nila eh) makakakuha ka pa ng gift certificate pag naka-reach ka ng certain quota. Sa hirap ng buhay sa Pilipinas ngayon, wagi!

Ngayon ang pinag-iipunan ko namang receipts eh yung sa National Bookstore para magkaron ako ng Laking National Card. Hehehe, sabi ng ng asawa ko, magaling daw akong maka-amoy ng bargain. Eh shempre, nanay ako!

Saturday, July 19, 2003

Ang hirap ng walang computer! Isang linggo akong nawalan ng connection sa virtual realm dahil nasira ang modem ko. Grabe, para akong naputulan ng kamay! Sobrang parte na ng buhay ko ang emails galing sa mga kaibigan ko araw-araw, not to mention yung mga work emails ko from my editors. Waaah, ngayon ko lang napatunayang computer addict na nga ako!

Bakit naman kasi umulan lang ng konti eh nawawala ng bigla ang kuryente. Ito talagang Meralco na ituuuu, sarap katukan. Ayan natuluyan ang modem ko at kinailangan pang palitan ng bago. Buti na lang mabait ang bayaw ko na nagtatrabaho sa isang computer company, inayos nya ng libre ang computer ko. Kaya Louie, may utang na naman ako sa yo! Salamat bro! :)

Friday, July 11, 2003

Naku isa pang itong discovery ko. Kaines, ngayon ko lang din nalaman eh matagal na palang nabubuhay! Kung ang mga taga US pwedeng mag-text for free sa mga taga Pinas thru Chikka, pwede palang mag-text naman ang mga Pinoy ng libre sa mga kamag-anak at kaibigan sa US, gamit ang Yahoo Messenger! Asus, ketagal kong pinagtyagaan ang 1rstwap.com na palaging palpak ang service, meron naman palang andito na mismo sa desktop ko.

Ika nga ng mga kaibigan kong "stars" (mga ka-egroup kong mababait) ... Ay buyay!

Thursday, June 19, 2003

Sa mga kapwa ko Pinoy dito man o dyan sa abroad, in case di nyo pa alam, pwede kayong mag-text sa kahit sino dito sa Pilipinas FREE! Pwede pang gamitin via email lang or using your registered celphone #. Kelangan lang mag-register sa chikka.com and fire away! Asus, ngayon ko lang na-discover ito, sana pala noon pa at ng nakarami ng text sa mga kamag-anak at kaibigan ko abroad. Chikka na!

Sunday, June 15, 2003

Araw ng mga Tatay ngayon. Ayan, na-miss ko na naman ang tatay ko. Naka-tatlong taon na rin pala since namatay s'ya. Minsan dinadalaw n'ya ako sa panaginip at paggising ko, ramdam ko pa yung yakap n'ya. Buti na lang at alam ni Tatay na matatakutin ako kaya sa panaginip na lang nagpapakita. Totoo talaga na kahit mawala na sa mundo ang isang tao, naiiwan pa rin ang alaala n'ya sa puso ng mga nagmamahal sa kanya. Hay, nami-miss ko talaga tatay ko. Sobra kasing mabiro yun eh. At saka nung nawalan ako ng yaya, s'ya ang nag-aalaga kay Deden pag wala syang pasok sa opisina. Nakakatuwa na tuwing umaga, ipinapasyal ni tatay si Deden sa buong baryo para daw mainitan naman. Kaya kahit mga hindi ko kilalang tao, bumabati sa amin pag dala ko ang anak ko sa labas. At dahil sobrang matulungin itong tatay ko, maraming tao ang alam kong nagmamahal sa kanya. Kaya nga nung libing nya dati, sabi ng mga tao, yun daw ang pinakamahabang libing sa history ng baryo namin. As in lahat ng tao sa bawat bahay meron at least isang representative na sumama. Minsan naiisip ko, sana pag ako din nawala sa mundo marami pa ring makakaalala sa kin, gaya ng tatay ko. Kaya 'Tay, kahit wala ka na, Happy Father's Day! 'Lam mo namang labs na labs kita.

Saturday, June 14, 2003

Nung isang araw, isinama ko si Daniel, ang aking bunso, dun sa magtatahi ng shorts nya para sa school uniform. On the way pabalik ng bahay, dahil probinsya dito sa amin, maraming halaman at ligaw na damo sa paligid. Nakakita ako ng makahiya (sci. name: mimosa pudica) at pina-galaw ko sa kanya ang isang kumpol ng dahon. Ayos! Nanlaki ang mata ni bata at biglang ngumiti ng nakakatuwa. Aliw na aliw sya! At shempre tuwa naman ang nanay dahil ang sarap ng pakiramdam na may naipakita kang bago na pagkakatuwaan ng anak. Ika nga ng Kodak, "the moment was priceless!"

Wednesday, June 11, 2003

Nakakainis! ang bagal-bagal ng dial-up internet connection. Minsan paputol-putol pa. Hay naku, kung afford ko lang sana yang DSL ng PLDT eh di go na! Kaya lang para namang napakalaking ba-budgetan buwan-buwan ang P2500 ano. Mas mahal pa sa cable TV! Eh mas marami akong priorities na kelangang bayaran kesa sa DSL na yan. Ngek talaga, hindi na gumanda ang serbisyo ng mga establishments dito sa Pilipinas. Porke ba't hindi makabayad ng malaki, palpak na ang service na ibibigay? Kapag tumawag ka naman sa customer service ng mga lintsok sa ISProvider, at ire-reklamo bakit ilang beses napuputol ang connection, ikaw pa ang sisisihin na kesyo mabagal daw ang computer ko etc. etc.etc. Kainez!

Tuesday, June 03, 2003

Ang hirap talaga pag may kasama kang bata sa bahay. Aba eh di na ako makasingit sa TV ah. Maghapong nagsasayaw si Barney sa TV dahil mahigit 30 na ata ang VCD namin ni Barney. Minsan kalaban naman yung mga Disney cartoons na type na type nung mas malalaki kong anak. Asus, ni wala na akong ideya kung anong mga balita ngayon sa loob at labas ng bansa. Bakit naman kasi itong TV namin sa kwarto, nagloko ang remote. Eh tagal ng panahon na hindi magamit ang manual na buttons para mabuksan at maglipat ng channels. Kaya ayan, ang maliit na TV sa tabi ng computer ko ang napagdiskitahang ilipat ng asawa ko sa kwarto ng mga bata para dun manood ng VCD maghapon at minsan ay inaabot pa ng magdamag. Hay naku, buti na lang andito ang computer para mag-email at mag-internet. At least hindi ko na kinakailangang maghanap ng ibang libangan.

Saturday, May 31, 2003

Hay salamat! Natapos din ang bagyong si Chedeng. Dahil sa kanya, na-stranded kami sa Puerto Galera nung Linggo. Dalawang beses kami kinailangan mag-refund ng boat tickets pabalik ng Batangas dahil sa kaka-cancel ng coast guard sa mga bangka. Ayan ang nangyari, napilitan kaming pumunta sa Calapan (na 2 oras ang layo) para lang makasakay ng malaking barko. Salamat sa Diyos, nakauwi din kami ng Lunes ng hapon. All in all, ang saya! Kasi buong pamilya namin nag-enjoy ng todo. Sarap na sarap ang mga bata na mag swimming sa pool ng Valley of Peace at maglaro sa sand dun sa beach. Kaming adults, enjoy sa snorkelling! Wala talagang tatalo sa ganda ng corals sa Puerto. Kahit pa Boracay. Ayos! Kahit binagyo, nakahabol pa rin kami sa summer :)

Monday, May 12, 2003

Mahaba ang buhok ko, almost waist-length na. Kaya naman pag nagco-commute ako sa jeep, sinisigurado kong nakatali o kaya ay hawak ko sya para naman di maasar ang nasa likuran ko. Malamang halos lahat ng sumasakay sa jeep, nakaranas na ng mahaplitan ng buhok ng katabi (pwera sa driver na nasa harapan). Kanina na lang, may nakatabi akong babae na nakalugay ang kabuhukan at mega-side to side motions pa. Eh dahil ako ang natatamaan ng buhok nya pag mabilis ang takbo ng jeep at malakas ang hangin, di ko napigilang mag-request ng "Miss, paki-hawakan mo naman buhok mo," in a nice tone. Aba! Inirapan ako! At halatang nainis sya nung napagsabihan kaya umupo na lang sya na payuko sa loob ng jeep. Asus, wala naman akong sinabing pahirapan nya sarili nya. Tingin ko, dahil mukhang bata pa, mababaw ang pang-intindi ng dalaginding at itinuring na pang-iinsulto ang ginawa ko. Mantalang ako dati, kahit hawak ko na buhok ko, may nakawala palang ilang strands at napagsabihan din ako ng mamang katabi ko. Ang reaction ko eh mag-apologize at mahiya kasi nga naman, nakakaperwisyo ako. Oh well, siguro nga iba't-iba ang diskarte ng mga tao sa mga pangyayari sa buhay nila. Sa kin lang, ok na sa king masabihan ng maayos kesa malaman kong nakapam-bwisit pa ako ng kapwa ng di ko sinasadya at di ko nalalaman. O, identify ba kayo sa kwentong 'to?
Related Posts with Thumbnails